Walang Pamagat | for alma's friends and alma's online buddies |
Walang Pamagat
Bakit nga ba ako nagsusulat? Bakit ko ba kailangang tapusin itong pangungusap na sinusulat ko? Maaaring nagsusulat ako dahil wala lang, baka gusto ko lang. Siguro ganito ko lang talaga sinasayang ang tinta ng aking bolpen, pahina ng aking papel at ang aking oras. Ewan ko. Hindi ko alam. Lagi na lang kasing nakabuntot sa akin ang aking papel at panulat. Manunulat ba ako? Siguro, kasi noong bata ako, mahilig akong magsulat sa mga pader, sa aming dingding, sa notebook ng kaklase ko, sa pisara at sa kung anu-anong bagay na aking mahawakan. Marami na nga ang nagagalit sa akin sa pagba-vandal ko.
Pero kung ang ibig sabihin ng manunulat ay yaong pagiging alagad ng sining na binubuhay ang mga bagay sa kanilang isipan at ipinadarama sa kanilang mga mambasa ang nais nilang ipadama at yung mga nakakalikha ng obra na tumatatak sa ating isipan, langgam lang ako ni Carangcal kumpara sa mala-elepante at dambuhalang pangalan ng mga idolo kong sina Matute at Corazon de Jesus. Sa madaling sabi, balahibo lang ako sa tenga.
Minsan, gusto ko ring maging manunulat na nababasa ang aking mga gawa. Kaya lang, hindi ako masyadong nagsusulat gawa ng labis na katamaran at nakakatawang kahangalan(dahil kung anu-ano ang naisusulat ko minsan). Halos lahat ng aking gawa ay walang kwenta. Ipinanganak na yata akong gumagawa ng bagay na para sa wala at di nakakatulong sa iba. Minsan tuloy, gusto ko nang isumpa ang kamay ko.
Pero hindi naman ibig sabihin na ayaw kong magsulat. Hindi ko rin naman sinabing ang pagsusulat ang pinakahuling-huli kong gagawin sa lahat ng aking gagawin. Nagsusulat din naman ako pag ipinarequire ng teacher upang magkagrade. Huwag na tayong maglokohan. Lahat ng estudyante, takot bumagsak(maliban sa mga taong walang konsensiya at di iniisip ang dugo’t pawis ng kanilang mga magulang) kaya naman kung ano ang pinapagawa ng guro, sinusunod natin kahit hindi natin alam kung para saan at para kanino .
Sabi ng aking mga masusugid na mambabasa (mga guro sa pagsulat) na iba daw ang genre ko. Nakakagawa daw ako ng genre na hindi mawari kung ano. Nasa akin daw kasi ang pinakamaligoy at pinakasanga-sangang katha. Hindi ko nga alam kung komplimento iyon o kapintasan. Basta ako, kahit papaano’y nagsusulat din naman ako ng kusa kahit walang reward na chocolate o grades.
Minsan, masaya rin na nahahasa ang utak ng aking mga mambabasa sa kaiisip at kakaintindi sa sinulat ko. Ewan ko ba. Hindi naman bugtong ang mga sinusulat ko, lalo namang hindi mindgames at braintwisters. Hindi naman malalim ang aking mga salita para hindi nila maintindihan ang aking gawa. Hindi rin naman ako mahilig gumamit ng talinhaga. Wala kasi akong ganun. Wala akong lalim. Paano kasi, masaya ako sa buhay at hindi mapagdamdam. Hindi ko pinapansin ang mga bagay na nagbibigay sa akin ng kalungkutan at kung anu-anong mga ka-negahan sa buhay. Wala akong gaanong sentimyento. Ayokong ibaon ng pagkalalim-lalim ang lahat ng mga bagay na dumaraan sa akin,. Kaya siguro minsan, pag pinagsusulat kami ng mga sulating tungkol sa di kaaya-ayang at di malilimutang karanasan, hindi ko masyadong nasasabi ng eksakto ang mga bagay na talagang nanyari sa akin. Ang resulta, walang masyadong substansiya ang aking mga gawa.. Kaya rin siguro makakalimutin ako dahil sinanay ko na ang aking sariling huwag tandaan ang mga bagay na walang halaga at nakakasira sa buhay ng mga hibang na katulad ko.
Ngunit kung makakakita ka man ng mga di maarok na salita sa aking mga gawa, kunwari lang iyon para magmukha akong makata. Hindi ako Hawaiian pero mahilig ako sa hula. Basta masarap at maganda sa pandinig, enter agad ang salitang galing sa ibang planeta kahit di ko alam ang inig sabihin. Wala rin akong estilo sa pagsusulat. Paano kasi, hindi ko alam iyang mga pagdulog na sinasabi nila, kaya minsan, nagiging puto maya na lang ako. Hindi naman daw masamang manggaya, slight lang. Pero kung ipinanganak kang walang laurel sa ulo, wala kang magagawa. Mahirap naman kasi iyong manggagaya ka na nga lang, kinopya mo pa ng buo. E, di ang bagsak mo sa kulungan, na ang tanging kasalanan mo ay ang pagiging mangongopya . Sana na pwede na ring ikulong ang estudyanteng nakakandaduling-duling sa pangongopya noh? Para naman mapanindigan ang pagnanakaw ng “intellectual property” .
Ano? Naintindihan mo na kung bakit kakaiba ang mga gawa kong bukod tangi sa pagiging maligoy at masanga? Wala sa pananalinhaga at paggamit ng masisining na salita ang problema sa akin. Nasa akin mismo ang problema dahil MAGULO talaga akong magsulat at magkwento. Buti na nga lang may computer na. Ita-type ko na lang ang mga gawa ko, hindi gaya noon na pati penmanship ko ay problema ng aking mga guro.
Gayunpaman, hindi na maiwawaglit sa akin ang pagsusulat. Ito kasi ang isa sa aking mga paraan para maging maingay ako. ito rin ang aking paraan upang maaliw ang aking sarili. Pakiramdam ko kasi, para akong nakaakyat sa sa pinakamatayog na bundok sa buong mundo. Napagal man ang buo kong katawan sa pagsusulat at pag-akyat sa mga bagay-bagay na gusto kong marating at galugadin, ibayong lakas naman ang ang nakakamit ko sa tuwing natatanaw ko ang kabuuan ng aking paghihirap. Ibayong gaan naman ang nararamdaman ko sa tuwing isinisigaw ko ang aking mga saloobin sa pamamagitan ng aking panulat. Maari kong sabihin ang lahat ng gusto kong sabihin. Narito ang aking kalayaan. Walang pumipigil. Walang nakikialam. Nalalakbay ko ang mga mundong malayo sa mundong tinatapakan ko ngayon. Ako ang diyos, ako ang master, ako ang boss. Ako ang may karapatang manlikha at manira sa aking mga tagpuan, ako ang may karapatang magbigay ng kapalaran sa aking mga tauhan, ako ang may karapatang ibahin ang banghay na tinatakbuhan nila, sa mundong ako ang gumawa. Akin ang lahat. Ako’t ako lang. Kaya naman hanggat maari, ayokong nababasa ng iba ang aking mga gawa.
Oo. Madamot ako at ayaw na ayaw ko talagang binabasa ang mga walang kwenta at maligoy at masanga kong panitikan. Nahihiya ako sa aking mga karupukan. Ayoko pagtawanan ako ng iba. Pero siguro kung may talento lang ako sa pagsusulat, maari kong maikubli ang mga kahinaang bumabalot sa akin. Kung may mahika lang ang aking bolpen, sana makakapag-ipon ako ng confidence para maiharap ko sa madla ang aking sarili. Kung kahanay ko lamang ang mga idolo kong manunulat at makata, sana nalapatan ko ng pamagat ang sanaysay na ito na walang pamagat.
(sana ay hindi ka nalito at sana alam mong nililito ko ang kalituhan mong nilito ng kalituhan ko. Hay salamat, mapopost ko na rin ito sa multiply)
No comments:
Post a Comment