Hanggang ngayon, may hang-over pa ako sa nakaka-high na Christmas Vacation. Kulang na kulang talaga ang dalawang linggong kasama ang aking pamilya. Paano kasi ilang buwan ko rin silang hindi nakikita.
Mahirap mamuhay na malayo sa pamilya. Paggising mo sa isang araw, kakaiba sa pakiramdam ang makita mo ang mga mukha ng mga taong hindi mo nakasanayang kasama sa umaga. Hindi naman ako nalalayo sa aking mga kamag-anak na tinutulyuyan ko dito sa Maynila ngunit iba ang pakiramdam na hindi mo kasama ang mga kasama mo mula nang ipinanganak ka.Nakakahiya din minsan na nakikikain, nakikiligo, nakikigamit ng kuryente at kung anu-ano pang kapestehang ginagawa ng isang nanunuluyan. Pero sana naman hindi ko sila napeste at kung napeste ko man sila, may mga bagay siguro hindi ko rin alam kung papaano makisama.
Kaya naman nang umuwi ako sa aming probinsya, sinulit ko ang mga oras na kailangan kong magpahinga at makasama ang aking pamilya. Tinapos ko ang mga gawaing pampaaralan bago ako umuwi. Siyempre, ayokong iwan ang aking papel at bolpen. Mahal ko yata sila.
Kaso, sa sobrang kasiyahan ko, nakalimutan ko nang isulat ang mga pinaggagagawa ko araw-araw. Di bale, hindi ko naman talaga kayang isulat at lapatan ng tamang salita ang mga kaligayahang nadama ko noon. Siguro kahit na isulat ko ang pag-utot ng nanay ko, hindi ko parin madedescribe ang eksaktong salitang nais kong sabihin madama lamang ang labis na kagalakan. Ewan.
Siguro namiss ko lang talaga ang hangin, kapaligiran, mga tao at mga hayop sa amin. Kahit mga halaman ay hindi ko rin pinatakas sa pangungumusta ko lalo na iyong mga halamang pinalaki ko noong andoon pa ako.
Namiss ko rin ang pang-iinis iinis at pang inaasar ng aking mga kapatid. Mahilig akong magtanim pero isang bagay lang ang hindi ko itinatanim-- at iyon ay ang sama ng loob. kahit Lagi nila ako inilalako at ginigisa, kahit tinatago nila ang mga gamit ko, kahit tinutukso nila ako sa isang taong kinamumuhian ko, ayos lang sa akin kasi alam kong paglalambing lang nila iyon sa akin. Charot!
Naalala ko tuloy yung paghahanap namin ng sanga ng puno para gawing christmas tree pagsapit ng pasko. Lagi talaga naming pinag-uusapan iyon dahil talaga namang nakakatuwang makabonding ang mga kapatid mo lalo pa't inaalala niyo ang mga nangyaring kahindik-hindik at nakakatawa. Hahaha.
Siyempre, kapag pasko at bagong taon, di mawawala ang tsibugan. Kaso hindi ako makalamon ng matindi. Sa dami namin sa bahay, dapat konti-konti lang ang mga pagkaing titikman mo para matikman din ng iba iyong ibang pagkain. Pero oks lang iyon, konti lang naman talaga ako kumain eh! hindi naman ako sakim pagdating sa punuan ng tiyan.
Pero parang napakabilis ng pagdaan ng mga araw. Dumating nanaman ang araw ng aking pagbabalik sa Maynila para sa unang araw ng pasukan sa taong 2011. Kung ano pa yung mga masasayang araw,iyon pa ang mabilis na nagdaraan. Ngunit may mga bagay talaga na kailangan iwan o pansamantalang iiwanan upang ipagpatuloy ang iyong mga pangarap. Masakit man ngunit dapat na kayanin. Kaya lang hindi ko talaga mapigilang maluha. Bukod sa mahirap makasakay sa mga bus dahil marami ring uuwing tao mula sa kanilang vacacion grande at halos makipagsuntukan at makipagbunuan ka para lang makasakay sa bus, dahilan din ng pagtulo ng aking luha ang pansamantalang pamamaalam sa lugar na aking kinalakhan at sa mga taong umaruga at tunay na nagmamahal sa akin . Habang kumakaway ako sa aking nanay at tatay, pinipilit kong huwag patuluin kahit isang butil man ng aking luha. Nakakahiya kasi sa aking katabi sa bus. Mukha pa namang bangag. Baka pagtripan ako. Buti na lang magkaiba kami ng upuan ng kapatid kong kasama ko ring nag-aaral dito sa Maynila kundi, baka sa limang oras na biyahe papuntang Maynila ay hindi siya titigil sa kakatawa sa pagiging senti ko. Sumakit na nga ang ulo ko sa hindi mailabas na iyak. E, ano naman kung iiyak ako? "If they care, i don't care" na lang ang drama ko. kaya hinayaan ko na lang na tumulo ang luha ko with matching tulo ng uhog at sipon. Mega punas naman ako gamit ang tissue paper na pag ipininunas sa luha ay napupunit. Ano naman ang magagawa ko? Mamimiss ko sila eh! Hanggang ngayon nga nalulungkot pa rin ako. Ewan ko ba. Tatlong taon na akong pabalik-balik na umuuwi doon pero sa tuwing pabalik ako ng Maynila ay hindi ko maiwasang maiyak. Pero ayokong masanay na mawalay sa aking pamilya. Never. kaya naman minsan, kahit na nakakahiya, ay proud akong umiiyak habang papaalis ang bus sa aming lugar. Sana nga bukas, March nanaman para nalalapit nanaman ang pag-uwi ko doon. Pero habang hinihintay ko ang dalawang buwang bakasyon, maghahanap muna ako ng motibasyon ko para maging abala at lalo ko pang mapagbuti ang mga gawain ko sa aming eskwelahan. Maganda palang nakatingin sa bintana ng sasakyan habang umiiyak. |
Thursday, August 9, 2012
Luha at Uhog Pagkatapos ng Bakasyon
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment