OVERPASS (Flash Fiction, 200 salita) | for everyone |
ni Alma V. Reynaldo
Kinumutan ng dilim ang langit ngunit hindi ang kahabaan ng EDSA. Maliwanag ang hatid ng ilaw ng mga sasakyan. Lalo pang tumitingkad ang kariktan nito kung tatanawin mo ito mula sa overpass.
Para sa'min ni Rick, mundo namin ang overpass, ang gabi’y araw, musika ang mga busina, maingay ngunit may melodiya. Ang bawat paggalaw ng mga taong dumadaan doon ay pagsasayaw sa musika ng lungsod. Ito rin ang musika naming dalawa habang nangangrap kami sa ilalim ng langit, sa ibabaw ng EDSA gabi-gabi, parang ritwal na inuusal upang makumpleto ang maghapon.
“ ‘Pre, bantayan mong tsiks mo, doon kayo sa Sogo,” nakakabanas na sabi ng lalaking lumapit sa’min.
Hindi pikon si Rick, ngunit naaninag ko ang itsura ng mukha niya kahit nasa likod ko siya. Bigla niya akong niyapos sa kanyang bisig, pahiwatig na ligtas ako sa kanyang yakap. Hindi ko alam kung bakit humigpit ang pagkakayakap niya matapos umalis ang lalaking lumapit sa’min. Ilang sandali pa’y lumuwag ang pagkakagapos sa akin na animo’y naging banta.
“Mahal kita Neneth,” ngunit hindi ko siya pinansin. Tiningala ko ang langit. Walang bituin.
“Rick…” Ngunit nakapikit siya. Mainit na luha ang dumaloy sa aking pisngi habang dugo naman ang sa kanyang tagiliran.
(bakit kaya ganun, hindi ko magawa yung ganun..ampangeeeeettt!!!!! sinubukan ko lang gumawa ng tragic ang ending, kulang pa rin..tsk! hindi ko talaga gamay ang mga malulungkot na eksena.!)
No comments:
Post a Comment