(Reaksyon Papel sa CEC-F2 - Literatura ng Filipino)
Sa panahong hindi na natin alam kung saan ang ating patutunguhan at laganap ang mga pagbabagong nagaganap sa lipunan, paano nga ba natin sasabihin na ang isa ay ganito, at isa ay ganyan? Dito pumapasok ang sinasabi nating “labeling”. Pero, ano nga ba ang karapatan natin bilang mga taong tagapagpatupad kung ano ang nararapat sa hindi nararapat?
Sa iba’t ibang larangan, mayroon tayong mga tinatawag na “standard” o pamantayan. Sa isang larangan, isang karangalan ang masabing nasunod mo ang pamantayan “nila”. Para masabing magaling ka, kailanagan nating sumunod sa kung anong naayon sa lebel na iyon. Ngunit ang mahirap, paano nga ba tayo susunod sa standard na naipapakita pa rin ang mga karapatan nating gumawa ng mga bagay na sa tingin natin ay nararapat?
Ito ay katulad din ng kung ano nga ba ang magandang literature sa hindi magandang literature. Paano nga ba natin masasabing ang isang akda ay literature? Mayroon ba talagang akdang literature at akdang hindi? Ang sabi ni Eros Atalia, ang mga may kapangyarihang institusyon gaya ng akademiya ang nagtatakda kung ang isang akda ay literature. Tinatawag natin ang mga standisismong gawa bilang isang mahusay na gawa at ang mga hindi standardized o “di-canonized” ay mababa o walang kwenta. Ibig sabihin ba nito, kung ang karaniwang mamamayan ay nagbabasa ng “di-literatura”, isa rin siyang mambabasang “walang alam” sa literature? Maging sa panitikan din pala ay may pulitika.
Tinalakay din ni Eros ang deperensya( o kakulangan o di kaya’y abnormalidad) ng paghahanay sa literature. Bakit nga daw ba tayo naglelebel kung ang isang literature ay pang masa o pop , aktibistang panitikan, pangmagsasakang panitikan o pang-akademyang panitikan? Sa karanasan ko sa akademya, hindi pinag-aaralan ang mga akda nina Bob Ong at iba pang mga akda ni Eros dahil bastos daw, pangmasa at masyadong matabil. Yaong mga akdang dakila at masining lamang daw ang kailangang basahin ng mga estudyante na kung iisipin lang naman, ay binabasa lang namin dahil kasama sa kurikulum at di dahil naroon ang enthusiasm namin bilang mambabasa. Sino nga bang estudyante ( na karamihan ay tamad nang mag-isip) ang magtitiyagang kalkalin ang mga mahihiwagang salita at hanapin ang kanilang kaligtasan sa mga itinakdang akda? At sa panig ng akademya,hindi na daw dapat basahin pa ang mga panitikang isinulat lang dahil sa mapanghimagsik na saloobin.
Ngunit kung babalikan natin ang mga tanyag at mahuhusay na manunulat gaya nina Shakespeare at nina Jun Cruz Reyes, isa din sila sa mga manunulat ng “popular literature”. Sa kasalukuyan, isa na sila ngayon sa mga manunulat na nasa pedestal. Gaya ng sinabi ni Eros, ang literature din ay nagbabago ayon sa panahon at ayon sa hinihingi ng pagkakataon. Maaaring ang isang akda ay tinatawag na mababang panitikan ngayon, ngunit sa mga susunod na henersyon, isa na itong dakilang akda, na ayon pa rin sa mga bagong henerasyon ng institusyon.
Tinalakay din niya na ang pagsusulat ay isang identitidad ng manunulat. Kung nagsusulat ka, hindi mo na kailangang tumulad sa estilo ng iba upang maging isa ka rin sa larangan niya. Gumawa ka ng kakaibang estilong magpapakilala sa iyong sarili. Gumawa ka ng estilong di pa nagagawa sa panahon mo, dahil maraming nagbabago partilukar na sa panlasa ng mga mambabasang pabago-bago at naghahanap ng bago.
Bilang isang mambabasa hindi mahalaga sa akin kung ang isang akda ay “literature” o hindi. Hindi naman ako ganoon kakritikal sa pagpili kung ano ang dapat kong binabasa. Para sa akin, karapat-dapat basahin ang mga akdang isinulat ng buong puso at nagpapahayag ng tunay na damdamin, Ang sabi nga ni Bacon, “read not to dispute or contradict, nor to believe and take for granted, nor find talk and discourse but to weigh and consider”. At bilang nagsusubok na magsulat, ang pagsusulat ay hindi ginagawa para makilala. Ginagawa mo ito dahil masaya kang nasasabi ang saloobin gamit ang lapis at papel. Lahat ay panitikan at lahat ay karapat-dapat basahin at isulat ayon sa pagtimbang mo sa iyong binabasa at sa iyong sinusulat.
-Mula sa aking journal sa multiply
No comments:
Post a Comment