Thursday, August 9, 2012

Krismas Tri


Nov 27, '10 10:21 PM
for alma's friends and alma's online buddies
Krismas Tri
Ni Alma V. Reynaldo

                Gustung-gusto naming magkakapatid noon ang berde at patatsulok na anyo ng punong iyon. Maninipis ang dahon niyon na gawa sa plastic. Kumikislap din ang aming mga mata sa tuwing iilaw na ang mga maliliit na bumbilyang nakasabit doon na tila mga alitaptap na umiikot-ikot at nahahalina sa kagandahan ng punong iyon. Tuwang-tuwa kami sa mga bolang makikinang at makukulay. Para talagang artista ang punong iyon! Lagi pa siyang nilalagyan ng kung anu-anong palamuti at burloloy, may kwintas, may hikaw, sinasabitan ng kendi, nilalagyan ng bulaklak, isinasabit ang mga munting anghel. Siguro ay napakaespesyal ng punong iyon. Ngunit, dalawang bagay lamang ang alam ko sa tungkol sa punong iyon. Una, krismas tri ang tawag doon. Pangalawa, wala kaming ganoong puno. Sa telebisyon lang namin iyon nakikita, minsan sa malalaking bahay, kina tita at tito, sa pinsan ng tatay ko ,sa iba pang bahay na napuntahan ko na at sa mga tindahan sa bayan.
                Siyempre, sa puso naming noo’y napakabata pa, hindi kumpleto ang pasko kung walang krismas tri. Kaya naman kahit wala kaming pambili, pagsapit ng panahon ng kapaskuhan, mamumundok kami at maghahanap ng halamang pwedeng gawing krismas tri. Kukunin namin nang palihim iyong bolo ni Amang (tawag namin sa aming lolo) at mabilis na mabilis kaming magtutungo sa kakahuyan para hindi kami mapagalitan. Lagi kong tangan ang medyo mapurol na bolo at kay  Tablog naman iyong isang bolong medyo matulis ng kaunti. Maghahanap kami ng halaman o punong may malalagong sanga. Sinusuong namin ang dawag, iwawasiwas ang mga bolong hawak  sa mga kugong nakaharang sa aming daraanan. Ang iba ko namang mga kapatid ang maghahanap ng masangang halaman , iyong angkop, may porma at anyong pangkrismas tri. Hindi ko alam ang pangalan ng halamang iyon na kasintangkad lamang ng kapatid kong si Bok noon. Apat na talampakan, may maliliit at bilugang dahon , masanga, hindi naman patatsulok ang hugis pero may pwedeng sabitan ng pinakamataas na bituin sa dulo. Binabalatan namin ang tangkay nito dahil sabi ni nanay, maputi ang balat nito kapag tinanggal iyong balat na nasa ibabaw nito. Pagkatapos, binabalutan namin ang mga sanga nito ng puti o berdeng crepe paper. Magbibilog din kami ng papel at babalutan namin ng mas makulay na papel o di kaya nama’y pambalot ng yema para maging Christmas ball. Sasabitan namin ito ng mga kendi at maliliit na laruang nilagyan ng sabitan at tinalian. Itatayo namin ito sa lata ng gatas na nilagyan ng bato sa loob para makatayo ito, saka naming babalutan ng metallic paper ang lata para maitago ang mga nakaimprinta dito. Saka kami mapapakanta ng krismas song na mali-mali ang lyrics kapag iyon ay naitayo na. Iyon na yata ang pinakamagandang krismas tri sapagkat kami ang gumawa niyon!
                Naaalala ko pa nga noong isang pasko, na naghahanap ulit kami ng magagawang krismas tri, nakatagpo ulit kami ng ganoong halamang ngunit iyon naman ay tumubo sa punso. Habang tinataga naming ang dulo nito, napasilip ako sa katabi nitong maliit na butas at may nakita akong ulo. Ulo ng ahas! Sumigaw ako ng pagkalakas-lakas, saka kami nagtakbuhan pauwi! Pagkarating naming sa bahay na hingal na hingal, umiyak si Jeffrey dahil naiwan ang isang pares ng kanyang tsinelas. Napagtanto ko naiwan ko rin pala iyong bolong hawak ko dahil sa sobrang takot at pagkabigla. Hindi na namin muli pang binalikan iyon.  Kaya naman kung hahanapin ni Amang kung nasaan ang isa naming bolo, tahimik lang nila akong titignan at dala ng kapilyuhan, lihim kaming magtatawanan kapag nakatalikod na si Amang. At ako naman bilang responsable sa pagkawala niyon ay mapapanguso na lang dahil sa nakokonsiyensiya ako.
                Meron ding isang pasko na dahil takot na kaming mangahoy, kumuha na lang kami ng isang sanga ng puno ng agoho (aro-o ang tawag namin) na malapit sa aming bahay.. maninipis at maberde na parang sinulid ang dahon nito na gaya ng mga krismas tring binebenta sa bayan. Pinayuhan kami nina nanay at tatay na tanggalin ang dahin nito ngunit di kami nakinig. Ang katwiran namin, mas maganda kapag hindi na tatangalan ng dahon ang mga sanga para mas magmukhang krismas tri. Isa pa, iginiit naming hindi na ito kailangan pang balutan pa ito ng crepe paper. Pero pagkalipas ng ilang araw, ang dating matingkad na berde ay naging berdeng manila-nilaw. Ilang araw pa ang lumipas, naging dilaw na ito. Pagkatapos pa ng ilang araw, brown na ang kulay  nito. Naglalagas na ang dahon niyon. Kaya naman, pagkatapos ng bisperas ng pasko, malungkot naming itinapon ang krismas tring iyon na hindi man lang nakaabot ng hanggang bagong taon. Nagkibit-ballikat lang sina nanay at tatay samantalang  kami ay napabuntong-hininga na lang. Nakinig na lang sana kami sa kanila. Ngunit, sadyang nakapagpapagaling talaga ng kalungkutan ang kanilang salita . Ayos lang naman daw  kahit walang krismas tri o anumang palamuti ang bahay kapag pasko. Oo, nagiging iba nga daw ang anyo ng isang bahay pag may dekorasyon at krismas tri pero may kakaibang dekorasyon daw ang bahay naming na “di nakikita” ng aming mga mata. Hindi ko iyon maintindihan noon ngunit naniwala pa rin ako sa kanilang sinabi. Siguro, makikita ko rin iyon balang-araw, mahahaplos, masasalat na parang tunay na nariyan.
                Kahit pa ngayong lumaki na ako, hindi ko parin maiwasang umasam na magkaroon ng krismas tring gaya ng ibinebenta sa bayan. Tuwing pasko, wala mang masyadong palamuti ang aming bahay, naroon parin ang mga palamuti at krismas tring “di nakikita” na ngayon,  ay tiyak na ako doon. Buong taon iyong nakasabit at lalong tumitingkad at kumikislap tuwing pasko. Oo. Hindi iyon nakikita ng iba, ni hindi mo makikita pag ikaw ay bata pa, pag ikaw ay bulag o malabo ang iyong mata. Pero ako, lalo ko pang nakikita iyon kapag kaming lahat ay nakangiti at sama-samang nakatawa.

No comments:

Post a Comment