KILALA BA AKO NG LANGIT? | for alma's professionals & their professionals, alma's friends and alma's online buddies |
Kilala ba ako ng Langit?
ni Ako
Di na natapos ang mga araw na naghihintay ako
na maubos ang mga luhang wari ay di humihinto.
Pagluha ng mata'y patak ng sirang gripong tumutulo
tila bahagi ng tag-ulan at nalalapit na pagsuko.
Di na natapos ang mga daang aking dinaraanang
maraming mga batong nakausli at nagtutulisan.
At sa bawat pagtapak ng nakayapak na talampaka'y
matutulis na bato'y bumabaon sa pudpod na laman.
Di na natapos ang mga gabing ako'y napapaluhod
sa mga bituing nakikisama sa'king di pagtulog.
Sa bigat ng pinapasan ko'y gasgas na ang aking tuhod.
Laging hinihintay ang sagot kung sila ba'y mahuhulog?
Kilala ba 'ko ng langit na may hawak ng kapalaran?
Kilala ba 'kong di bininyagan sa magarang simbahan?
Kailan ba matatapos ang pagtatanong sa kalangitan?
Ngayo'y tihaya pa rin ang palad para sa kasagutan.
may mga taong kahit pinagkaitan ng kaligayahan at biniyayaan ng kalungkutan, umaasa paring ang mga kakulangan ay mapunan ng kahit konting kaligayahan. Maaring may kakilala kang ganito ngunit malayong-malayo pa sila sa mga taong hindi natin napapansin. Malay mo, baka sarili mo ang tinutukoy ko
(ang tulang ito ay isang pagatatangkang gumawa ng tulang may labimpitong pantig sa bawat talutod! hindi ko rin alam kung ang salitang "mga" ay may dalwang pantig kaya baka hindi labimpito lahat ang pantig sa bawat taludtod. hindi pala ganun kadali.)
No comments:
Post a Comment