Thursday, August 9, 2012

Tokneneng Kami

(Ang tulang ito ay ginawa ko sa workshop sa Literary Seminar 2012 ng The Torch pub. Ang totoo, wala naman talaga akong balak makinig sa seminar ni Ms. Kel Juan, isang miyembro ng Kilometer 64, tungkol sa makabagong estilo ng tula. Una, dahil ang balak ko ay magpunta sa session nina Sir Genaro at Sir Jarin.. Interesado talaga ako sa kwentong pambata at sanaysay. Dahil magkasabay ang session nina Sir Genaro at Sir Jarin, di ako makapagdesisyon kung saan ako pupunta. Dahil nga naman gusto ko din ng bago, naisip kong, bakit di ko subukan ang pagsulat ng tula? Pangalawa, napag-isip-isip ko rin na mas maganda kung sa session ni Ms. Juan ako pupunta dahil pinakanahihirapan ako sa pag-intindi at paggawa ng tula na di gaya sa ibang genre ng panitikan. Dito ko natutunan na ang pagsususlat at di makabuluhan kung wala kang gustong iparating o di dahil trip mo lang. Ang pagsususlat ay walang kwenta kung laging pansarili lamang ang nilalaman (at labis ako doong natamaan). Alam mo dapat kung para kanino ka nagsusulat. 





Noong workshop, sinubukan niya kami kung gaano kami kagaling sa pagbuo ng tula gamit ang di magkakaugnay na salita habang epektibo nitong naipararating sa mambabasa ang nais namin ipahayag. Hindi ko alam kung maayos na ito dahil ako'y nagugulumihanan tsaka birhen pa ako sa mga workshop na tulad nito. Bawat linya ay pilit na pilit talaga,maisingit ko lang ang mga salitang yun. haha)

Lipon ng mga salita: tambutso, usok, kalansing, angil, gulong, bakal, kalawang, busina, pawis, pisbol, tokneneng, pandesal, aircon, yero, gusali, barung-barong

Tokneneng Kami

"Ma, para sa gusaling may aircon"
Dahan-dahan namang ipepreno ng drayber ang dyip.
Aayusin ng mama ang kwelyo't taas noong bababa.
Magpapatuloy ang naaagnas na dyip sa daan.
Biglang sumabit ang maliliit na kamay.
Uupo sa tarangkahan at hawakang bakal.
hihimig, aangil, tatambol, sasayaw.
Ang tanging pumapalakpak
ay ang usok mula sa tambutso.

"Anak ng tokneneng, bumaba kayo diyan!"
Ngunit nagpatuloy ang pagtatanghal 
ng mga batang sabik mag-uwi ng pandesal.
Biglang ipepreno ng drayber ang dyip.
Matutumba ang mga ulila.
Maririnig ang mga kalansing ng ipong barya at
lalabas ang uhog.
Wala silang magawang himagsik
kundi ang ipahid and malagkit
sa pinakamalapit na pasahero

--Mula sa aking journal noong Feb. 23, 2012
http://angkulaylila.multiply.com/journal

No comments:

Post a Comment