Indak-Limos | for alma's friends and alma's online buddies |
Kanina nanama'y hinahabol nanaman nila ang mga jeep. Karaniwang sumasakay sa may Bonifacio patungong EDSA Magallanes ang mga batang Badjao na ito. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na kilala ang mga Badjao bilang mga katutubong ang buhay ay umiikot lamang sa dagat. Kataka-takang ang mga batang ito'y nakikipagsapalaran sa init ng kalsada at sa banta ng mga sasakyan.Ngunit hindi natin alam kung para saan at para kanino ang ilan.
Kalimitan, sila ay binubuo ng 2 hanggang 3 bata sa isang grupo. Isang beses ko ring nakikita ang iba sa kanila sa isang linggo. Laging kapag hahakbang pa lang sila sa jeep, pinapalayas na sila nung mamang drayber. Hindi mo naman masisisi si manong, baka nga naman mahulog pa sila at cargo de consencia niya iyon. Maari rin sigurong inaalala niya ang kanyang mga pasahero, na baka mandiri sila sa kanila o kaya madekwat pa ang ipamamasahe sana nila sa kanya. gayunpaman, anumang pigil ay nagagawa pa rin ng mapilit. at ang pagpipilit na iyon ang ikinasisimangot ng ilan. Ganyan naman lagi eh. Madalas nating hinuhusgahan ang mga bagay na binabalutan ng grasa, ng dumi, ng mabahong amoy. Lagi tayong nakatingin sa damit, sa ayos ng buhok, sa kutis. Para sa atin, ang punit-punit at sira-sirang damit ay may punit na ding pagkatao. Ang madudumi at nakatihayang palad ay simbolismo ng pagiging hikahos ngunit tamad. Ang pagiging mabaho ay pagkayurak sa pagkatao at kawalan ng awa sa sarili. Paano nga ba sila dinala ng agos at nasadlak sila sa lupang tigang?. Minsan nga naisip ko, hindi madali ang sumabit-sabit sa mga jeep lalo na't ang ibang mga drayber ay balasubas. Tangan-tangan ang lata, sabay kapit ang maliliit nilang kamay sa bakal na hawakan sa likod ng jeep. Ngunit nakakatuwang isipin na hindi sila tulad ng iba na nakaupo lang sa sulok, at naghihintay ng baryang ihulog at ilapit sa kanila. Habang nagtatambol ang isa, kumakanta at sumasayaw naman ang isa. Hindi mo man maintindihan ang sinasabi nila ngunit mapapaindak ka naman sa melodiya at ritmo ng kanilang kinakanta. Para nga silang kumakantang mga mangkukulam, binibigkas ang kanilang chant o bulong para may makuha silang kayaman o habag man lang sa amin. Minsan din, hindi sila ang tinitignan ko. Tinitignan ko rin ang reaksyon ng mga nasa loob ng jeep. Yung iba walang pakialam, meron ding nagtutulug-tulugan, kunwari hindi nakita ang sobreng ibinigay sa kanila na may limbag na "KAMI PO AY MGA BADJAO, NAHENGE NG TULONG MULA SA INYO. SALAMAT PO". Ang iba naman ay parang bato, tititigan lang ang mga bata nang mula ulo hanggang paa tapos ibabaling na ang tingin nila sa iba. Minsan pa nga, kapag biglang hihinto ang jeep, mapapaupo sa kandungan ng pasahero ang batang hindi napigil ang hila ng inertia. Mapapasigaw na lamang ang ale, o kaya papagalitan siya nung mama. Bakit nga kaya? Isa lamang ang sagot diyan. Nandidiri sila sa mga itsura nila, sa damit na punit, sa maduming balat, sa mabahong amoy. Ngunit para sa akin, kahit ganoon ang itsura nila, meron pa ring lumulutang na ningning sa kanila. Kahanga-hangang kahit hindi nakapag-aral ng pagtatambol ang batang mananambol ay sabay na sabay ang kalabog at pagpalo ng kaniyang kamay sa indak ng sumasayaw. Parang hindi mo na kailangan magpunta sa kabundukan para makapaghanap ng katutubong sayaw dahil nasa Maynila na din pala yung iba.
Ang ipinagtataka ko nga lang, bakit kailangan pa nilang lumuwas sa Maynila para matikman ang kasaganahang inaasam nila? Para sa akin, mas masarap tumira sa probinsiya, maaliwalas ang hangin, luntian ang paligid, bughaw ang langit at parang nakangiti ang araw. Magtanim ka lang sa isang lote ng kamote at kung anu-ano pa. Pagkatapos ng ilang araw, tiyak na may uulamin ka na. Mabubuhay ka pa ng napakahaba dahil walang masamang usok ang nalalanghap at napupunta sa baga mo (maliban na lang kung naninigarilyo ka ng tabako).
Mabangis ang lungsod gaya ng karaniwan nilang sinasabi. Kailangan mo ring maging mabangis para makasama sa agos ng buhay sa lungsod. Hindi lahat ng tao ay mapagkakatiwalaan. Narito ang lahat ng uri ng tao, mula sa taong aanga-anga hanggang sa pinakamatalino na animo'y siya ang diyos. Bakit nga ba napakalaki ng mundo? Bakit nga ba ganito ang mundo? Bakit nga ba iba ang Maynila? Bakit nga ba umaasa tayo sa buhay-Maynila? Bakit nga ba napakadaling manghusga? Basta ang alam ko lang, nagtatanong ako. Hindi ko rin kasi alam ang mga kasagutan. Basta ang isa ko pang alam, hindi na rin tayo naiiba sa mga Badjao. Wala tayong limos kung hindi tayo iindak. . Bakit pa tayo mandidiri sa kanila samantalang tayo ay parang sila rin?
Para sa mga batang ito, hangad ko'y maging masigasig pa sila sa paglangoy nila sa dagat ng buhay. Tunay,mahusay at madiskarte ang mga Badjao ngunit ibang dagat ang kanilang napiling tirahan.
No comments:
Post a Comment