Thursday, August 9, 2012

Tindahan ng mga Libro


Nov 20, '10 8:46 PM
for alma's online buddies
Tindahan ng mga Libro
Ni Alma V. Reynaldo


Noong unang panahon at iyon ay noong bata pa ako……

                        “Magkano po ‘to?”
                        “Beinte-singko…beinte singko sentimos lang yan!”
                        “Wala nang tawad?”
                        “Ay! Wala  na po! Mahirap po kayang gumawa ng ganyan!”
                        “O, sige na nga. Bibilhin ko na lang iyan,” sabay dukot ng barya sa bulsa at inabot sa kamay ng kaluluwang walang paglagyan ang tuwa dahil nakapagbenta na siya.

            Sa wakas! Nabenta na rin iyong “coloring book” na ginawa ko. Hindi biro ang hirap sa paggawa ng mga librong binebenta ko. Mahirap gayahin ang drowing sa libro. Mahirap ding isulat yung mga kwentong nabasa ko na gamit lang ang musmos kong alaala. At saka, hindi biro ang pinagdaanan ng aking konsiyensiya sa tuwing kinukupit ko ang mga papel ni nanay upang gawin itong pahina ng aking libro. Kaya naman nang isang beses na nakita niya akong nagdodrowing at nagsusulat, sa halip na matuwa ako sa mga papuri niyang“Ang ganda naman ng drowing mo!” O di kaya’y “ang galing naman at nagsusulat ka na ng kwento!”, lalo akong nangangamba at gusto ko na siyang paalisin. Baka tanungin pa niya kung saan ko kinuha ang mga papel na ginagamit ko. Baka pagalitan pa ako at hindi ko na magawa ang aking mga libro .

            Mahigit lima na ang aking nagagawa. May coloring book, puzzle book, kwento, alamat at mga kalipunan ng mga bugtong na paborito ko. Ititinda ko kasi ang mga ito sa tinda-tindahan ko ng mga libro. Ang mga mamimili ko naman ay ang aking mga nakababatang kapatid. Sawa na kasi kami sa habulan, bahay-bahayan piko at lundagan. Kaya para maiba naman, maglalaro kami ng tinda-tindahan.  Para mas kapani-paniwala, ang ipambabayad nila ay totoong pera. Noong  una, ayaw nilag pumayag dahil wala naman silang pera.Bakasyon at wala silang ipon mula sa kanilang baon. Ngunit  sinabi ko sa kanilang mura lang ang benta ko sa mga ito. Beinte singko lang. Inutusan ko pa silang maghanap ng baryang nakakalat sa loob ng aming bahay, katulad ng paghahanap ng trabaho na ginagawa ng mga matatanda. Nang makabalik sila’y may dala-dala na silang barya.

            “Alamat ng…Sibuyas?” nagtatakang tanong ng aking kapatid (mamimili pala).

            “Oo! May drowing pa nga iyan sa loob eh!” pagmamalaki ko sa kanya sabay turo sa drowing na sibuyas na umiiyak.

            Ang totoo,hindi ko tiyak kung may kwento ba talagang ganito. Gawa-gawa ko lamang iyong alamat na iyon. Ito ay tungkol sa prinsesang iyakin at iyak ng iyak kahit wala naming dahilan. Nairita sa kanya ang matandang mangkukulam kaya isinumpa niyang hindi titigil ang prinsesa sa kakaiyak. Di naglaon ay nagkatotoo ang sumpa. Tulo-tuloy ang pag-iyak ng prinsesa hanggang dumugo ang kanyang mata at naging kulay pula ang butil ng kanyang luha. Ang mga butil na nahulog sa lupa ay naging sibuyas.

            “O sige. Bibilhin ko iyan at saka yung coloring book na may drowing na mansanas na may uod.”
            “Aba! Madami kang pera ah!” biro ko kay Jherson.

            “Siyempre! cute eh!” sagot niya. Sumang-ayon na lang ako kahit hindi ko makita ang ugnayan ng pagiging cute sa pagkakaroon niya ng maraming pera.

            “Ate, ako pabili ng libro mong may sinasagutan.” Sabi sa akin ni Ailene. Iniabot ko sa kanya ang librong may “1+1 =? 2+2 =?”.

            “Hoy! Anong ginagawa nyo diyan? Lagot ka jan, isusumbong kita kay Mama! Pineperahan mo lang sila!” sigaw ni ate mula sa labas ng aking tindahan.

            “Inggit ka lang!” ang sabi ko ng pataray dahil ang mura kong isipan noon ay hindi nagpapaapi kaninuman.

            Pumasok siya sa loob at tinignan ang librong may pamagat na “Si Joseph” na hango sa nabasa kong “Joseph the Dreamer.”

            “Kung gusto mo, sa’yo na lang iyan.” Sabi ko bilang pag-alo sa kanya na wag akong isumbong.

            Binasa niya iyo ng matulin sabay sabi:  “Hindi naman ito ang nangyari sa kwento ah!”

            Naku! Lagot na! ang totoo, nakalimutan ko talaga kung ano ang nangyari sa kwentong iyon kaya pinagana ko nanaman ang isipan ko sa pag-imbento ng mga nangyari. Pinagtawanan lang niya ako saka iniwan ang aking tindahan.

            Ikalawang araw ng aking tindahan, bumalik ang aking mga suki, dala-dala nila ang ang aking mga ginawa. Isasauli na daw nila ang mga libro. Dahil hindi na daw nila ulit ito magagamit. Nakulayan na nila ang mga dapat kulayan. Nasagutan na nila ang mga bugtong at mga puzzle. Nabasa na rin nila ang mga kwento. Ayaw ko man pero ibinalik ko sa kanila ang kinita kong mahigit na tres pesos ngunit nasabi ko na lang sa aking sarili na “laro lang naman ‘to eh”.

             “Tara! Iba na lang ang laruin natin! “ yakag ko sa kanila.

            Iniwan namin ang tindahan. Iniwan ko ang aking tindahan. Hindi ako umiyak ngunit nalungkot ako. Dito nanahan ang mga una kong gawa. Kahit itinuping papel lang at kakaunti ang pahina nito, kahit inilimbag lang ng aking kamay ang mga naroon at kahit pangit  ang mga drowing na naroon .

(babala: ang kwentong ito ay walang kwenta. Wala pang masyadong kalinawan ang lahat dahil ito ay draft pa lamang. Kutyain niyo na habang maaga pa dahil kailangan ko ng kritiko para sa pagpapaunlad nito. pero dahil alam ko namang walang makakabasa nito, wag na lang. Salamat!)

No comments:

Post a Comment