Thursday, August 9, 2012

Tula at Larawan - Kalipunan ng mga Dagli

Tula at Larawan 
(Kalipunan ng mga Dagli)
ni A.V.R

Drawer
        Habang abala ang aking kababata sa paggawa ng proyekto namin sa MAPEH, lihim kong kinalkal ang drawer niya upang maghanap ng alas sa mga pang-aasar niya sa akin kamakailan lamang. Sa halip, nakatagpo ako ng mga tulang sa palagay ko’y para sa babaeng lihim niyang itinatangi.
        “Huwag mo ngang pakialaman ang mga tula ko, Cheska! Itatapon ko rin lang naman ang mga iyan ‘pag nabasa na niya.” saad niya.
        Kinabukasan, nakita ko ang mga tula sa basurahan. Isa-isa kong pinulot ang mga ito at dinala sa kanya.
        “Bakit mo itinapon ang mga ito, Aaron?” kako.
        “Dahil nabasa mo na.”
Pilas
Napaupo ako sa kama. Mabagal ang aking paghinga’t pagod ang aking isipan. Gabi na’y tila naririnig ko pa ang mga hiyawa’t palakpakang hindi ko alam kung para kanino. Napatingin ako sa tropeo. Makinang. Nakakasilaw. Pagkatapos, ibinaling ko ang  tingin ko sa sampung libong piso. Humahalimuyak ang lutong nito habang natatamaan ng hangin mula sa bentilador.
Dahan-dahan akong lumapit sa mesa. Kinuha ko sa drawer nito ang kwadernong regalo sa akin ng aking kaibigang si Mayumi. Alam niyang nagigiliw ako sa pagsusulat. Alam niyang sasali ako sa patimpalak sa pagsulat ng tula. Ngunit may hindi siya alam na ako lamang ang nakababatid nito.
Hinaplos ng ganid kong kamay ang bakas ng pilas sa kwaderno. Dalawang araw na mula nang pilasin ko ang pahinang iyon na nagdulot sa’kin  upang palakpaka’t hangaan. Maging ang nakalimbag sa diyaryo’y mula din sa pahinang iyon.
Para sa Aking Kaibigan
Ni Angela Buenaventura

At hindi na ako nakatulog.
Kinabukasan, dala ang tropeo, pera at ang pilas na obra mula sa diyaryo, nagtungo ako kina Mayumi.
“Nakita mo pala ‘yung tulang sinulat ko sa kwadernong iniregalo ko sa’yo, Angela?” sambit niya sa akin.
Hagulgol ang sagot ko sa kanya ngunit marahang haplos lamang ang kanyang naging ganti.

Anunsiyo
        Pagkatapos makita ang halaga ng premyong ipagkakaloob sa mananalo sa patimpalak na iyon, dali-dali siyang umuwi’t sinimulang ihagod ang kanyang panitik sa papel. Magdamag siyang gising sa mundo ng mga katha. Tiyak na makukuha niya ang ginto sa patimpalak na iyon.
        Kinabukasan, dala ang susi sa kanyang tagumpay, nakita niyang inaalis ng isang lalaki ang anunsiyong nagbigay buhay sa kanya.
        “Boss, bakit mo inaalis iyan? Tiyak, marami pang interesado diyan!” aniya .
        “Eh, sir, walong buwan na po itong nakapaskil.”
        Inagaw niya ang anunsiyo sa lalaki. Nanlumo siya sa nakita. Sana’y nabasa niya ang petsang nasa ibaba ng anunsiyo.

Graduation Picture
Tangan-tangan niya ang kanyang larawan habang nagmamadaling lumabas sa pamantasan. Ipagmamayabang niya sa nanay niya na napakaganda niya dito.  Nakikinitana  niya sa kanyang balintataw ang mga salitang mangngagaling sa bibig ng kanyang ina:
“Napakaganda ng ngiti mo dito anak. Hindi ako makapaniwalang gagradwyet ka na ngayong Marso. Ipinagmamalaki kita.”
Mayroon pang panahon.  Kalahating oras pa ang nalalabi bago ang flight ng kanyang ina kasama ng asawang Arabo. Sigurado siya. Magugustuhan ito ng nanay niya.
Ikinulong niya ang larawang ito sa kanyang bisig. Tila isang diamante ang babasaging larawan. Isa pa, galing ito sa kanyang allowance at sweldo sa pagiging student assistant kaya ganoon siya kaingat ditto.
Trapik ngayon sa dadaanan ng dyip dahil sa rush hour. Kailangan niya ng alternatibong masasakyan papunta sa bahay ng asawa ng kanyang ina. Bumaba siya sa may intersection. Sumabit ang plastic bag na laman ang larawan sa kakalawanging parte ng dyip. Napunit ang plastic ngunit nasalo niya ang larawang papahulog na sana. Ngunit huli na nang umilaw ang berdeng bumbilya . humarurot ang mga sasakyang nagmamadali gaya niya. Hindi nabasag ang larawan pero nabasag ang mga buto niya.

 Pokus
Ika-isanlibo at walumpu’t  apat na larawan.
  Maganda pa rin si Daffodil  kahit nakalabas ang dila at lumaki ang butas ng ilong niya. Ang mga larawan ni Daffodil  ang nagpapasaya at bumubuhay sa kanya. Para sa kanya, ang mukha ni Daffodil ang pinakamagandang paksa ng kanyang potograpiya. Si Daffodil ang nagpapaganda sa kanyang sining. Si Daffodil at si Daffodil lamang ang magiging pokus ng lente at laman ng kanyang kamera.
Araw-araw niyang kinukunan ng litrato nang palihim si Daffodil. Sa canteen, sa hallway, sa klasrum, sa tambayan nilang magkakabarkada, walang lugar ang di niya kayang kunan basta nariyan siya.  Kahit sa mga di-kagandahang ayos ni Daffodil, walang puwang kay Kevin ang pagtanggi sa mga pagkakataong masisilayan niya ang sentro ng kanyang sining at nagpapaligaya ng kanyang buhay.
Ngunit isang araw, natagpuang nakahandusay ang walang buhay na si Kevin habang hawak niya ang kanyang kamera. Maliban sa botilya ng lason sa kanyang tabi, naroon din ang pinakahuling kuha niya: dalawang abbaeng naghahalikan.
Kaparis
Namumula siya tuwing hinahawakan niya ang larawan ng kanyang kaibigan. Kung paano siya nagkaroon ng isang Adonis na kaibigan ay di niya alam. Para sa kanya, walang kaparis ang makisig na katawan ng binata, at perpekto ang pagkakahulma sa hugis ng mukha nito .Mula ulo hanggang paa, wala siyang nakikitang kapangitan sa lalaki. Pero ang pinakagusto niya sa lahat ay ang mabangong singaw ng kanyang katawan.
Minsan nga, nang napadaan siya sa tindahan ng mga pabango, agad niya binalikan ang halimuyak ng kanyang kaibigan. Tiyak niyang kapag nakita niya ang pabangong iyon, maglalagi ang amoy ng kanyang kaibigan sa kanyang tabi. Maging sa mga panaginip nito, di na siya maglalaho.
“Masaya akong ganito na lang tayo”, aniya sa larawan.
Huhubarin na sana niya ang kanyang sinturon nang tumunog ang kanyang cellphone.
“Hello? Sinagot na ako ni Jane, dre!” anang boses sa kabilang linya. “Allan, andiyan ka pa ba?”
Hindi na siya makaimik dahil biglang tumulo ang kanyang luha. Isang garalgal na “Oo” na lang ang lumabas sa kanyang bibig. 


--Mula sa aking Multiply journal noong Feb 14, 2012

No comments:

Post a Comment