Hello Blogspot!
Binuksan mo ang pinto ng aking pagbabagaong-anyo. Char!
Hehehe. Kumusta? First time kong magpost ng isang mala-Diary na kwento.
Alam mo namangg kakagraduate ko lang ng college diba? Pero may trabaho na ako kahit hindi pa ako isang lisensyadong guro.
Eto, kukuha na ako ng Licensure Examination for Teacher ngayong September 30.
Hindi ko pa nakukumbinsi ang sarili kong isa na talaga akong guro hanggang hindi ko pa nakikita ang LISENSYA at ID kong nagmula sa PRC :))
Sa unang buwan ng aking pagtuturo, ginawa ko ang lahat para maging maganda ang karanasang ito. Mahirap pala. Mahirap magpakabayani at isubsob ang ulo sa mainit na kawaling puno ng mainit na tubig.
Ang totoo, hindi ko nararamdaman ang misyon ko ngayon bilang isang guro. Oo, nakakakpagturo ako. Pero hanggang doon na lang iyon. Kumbaga sa pagkain, ang ginagawan ko lang ng preparasyon ay para sa kanilang ulo. Wala sa puso o kaluluwa. At ang masaklap, hindi ako siguradong may natututunan sila sa akin.
Magulo ba? Ganito kasi iyan. Sa mga unang buwan ng aking pagtuturo, akala ko isa akong Super Teacher. Kapag sinabi nating Super teacher, siya yung mahal na mahal ng lahat, na siya ang inspirasyon ng lahat at magigiing gabay at ilaw sa mga napapariwara.
Biglang *TUGGGZ! Nananaginip lang pala ako. Hindi ako masaya. Hindi ko pa nakikita ang halaga ko sa buhay. Hindi ko nakikita ang halaga ko bilang isang guro. Haaay. Minsan, akala ko ang practice teaching na ang pinakamahirap na yugto ng pagiging isang teacher. Hindi pala. Ang pinakamahirap na yugto sa pagiging teacher ay ang pagtuturo pala nang araw-araw sa mga batang mayayaman na hindi masyadong nakikita ang mga paghihirap mo. Ang sa mata lang nila, binabayaran ka lang kaya hindi mo gaanong mabili ang kanilang respeto.
Alam mo naman siguro nagtapos ako bilang hindi isang ordinaryong graduate lamang diba? Isa akong Cum Laude na tiningala noong nakaraang graduation. Ano na lang kaya ang mukhang maihaharap ko sa aming Inang Pamantasan?! Nahihiya ako sa PNU. Para kong naitae ang lahat ng itinuro sa akin ng aking mga propesor. Nahihiya talaga ako dahil hindi ko mapanindigan ang propesyong aking pinasukan. Sa sobrang hindi ko alam ang mga dapat gawin, nagagawa ko ang mga mga kasalanan sa propesyon na hindi dapat ginagawa ng isang matino at epektibong guro. Nawala na sa isip ko ang napakaraming teaching styles na lagi kong ginagamit tuwing Demonstration teachings ko. Pati tamang pagma-manage ng classroom, hindi ko na magawa. Nasaan na ang mga pinag-aralan ko? Mukha tuloy akong isang walang utang na loob na naka-alis lang sa pamantasan ay hindi na sinunod ang mga aral na itinuro ng aking Inang Pamntasan.
Hindi kaya hindi talaga ako para sa mga private schools? Hindi ko kaya ang mga ugali ng mga matapobreng batang ito. Hindi rin naman kasi ako sosyal o kaya'y palabang guro. Mahina ako. At nahihiya akong mahina ako.
Gusto ko na ngang umalis sa propesyong ito. Pero saan naman ako pupunta? Ang pagtuturo ang pers lab ko. Kailan ko kaya mas maiintindihan ang sarili ko?
Sana nga mas makita ko ang bunga ng aking mga ginagawa. Pero maghihintay ako hanggang lubusan kong makita kung para saan ba talaga ako.Pero sana nga, para dito talaga ako. Maghihintay ako. Maghihintay akong gumaling sa paggiging isang guro.
Loooooord! Teacher na ba talaga ako? Hindi ako makapaniwala. Parang di naman ako nagtuturo eh! hmp
-_-..
(kaya lang naman ako nagda-drama kasi hindi ako pinayagan ng STL ko na imabsent ng isang linggo para sa T3 (Top The Test) Review ko sa PNU. Kinakabahan talaga ako sa LET. Lord, Help me. Ito na lang ang inaasahang kong magpapatunay na teacher na talaga ako. :( Parang wala na akong chance. Walang-wala :( Bakit napakasaklap ng buhay?!)
Friday, August 10, 2012
Thursday, August 9, 2012
Pagsagot sa Manang Iyong Iniwan
Ang Pagsagot sa Manang iyong Iniwan | for alma's friends and alma's online buddies |
Ang Pagsagot sa Manang Iyong Iniwan
Ni Ang Pagsagot sa Manang Iyong Iniwan
Ni Alma V. Reynaldo II-7 BEEd
Sa gitna ng dilim na ang hinihintay ay liwanag,
Ang kalayaan ng iniibig ay di maaninag.
Binasbasan mo yaring kaluluwang naghahangad
Ng kagalingan at kapayapaang matingkad.
Rizal, iisipin naming ika’y dakila at maluwag.
Pag-ibig mo sa baya’y di ka natatakot ihayag.;
Dumampi ang pluma mo sa puso ng sinumang maghangad
Na basahin ang sandatang nangaling sa iyong sulat.
Hindi biro ang mamatay na walang kaba sa puso.
Ang sinumang nasa katayuan mo’y ligalig ang mamumuo.
Isang tula ang nahabi sa huli mong Segundo,
Na ang laman ay mga pangarap na di maisip ng diwa ko.
Pamana mo ang mga pangarap na ang kapara ay bituin,
Nalalasap ang kinang ngunit di kayang abutin:
Nakikita ang kislap ngunit di kayang hawakan
Magkukunwaring naabot dala ng huwad na katotohanan.
inihain niyo ang inyong buhay para sa kalayaang
Dadalhin ng ibong sa pugad nananahan.
Ngunit sa paglasap nitong kalayaang pangarap
Pakpak ay nabali, sa baril ay di umilag
Sa paglaban sa palalo dusa ang lumaganap
Dugo ang dumanak bago marating ang pangarap
Isinilang ang tagapagmana mo’t bahagya kaming nasiyahan.
Inakalang ang buhay ay magiging magaan
Wala na kaming supil ngunit kadena pari’y nandiyan.
Habang gumagalaw, lalong hinihigpitan.
Umiiyak kami pagsapit ng dapithapon
Ngunit Liwanag ng araw ay mahirap nang mabago.
Titiisin naming ang bawat hapding natipon,
Gaya ng pagtitiis ninyo sa manlulupig na patapon
Sa ikadalawampu’t isang siglo ako nabuhay
Modernong panaho’t tula mo ay nilalakbay
Malaya na nga’t pangarap mo ay tumingkad
Ngunit ang itsura nito sa akin ay huwad.
Ang kalayaan ay nagbibigay ng di makitang saya
Ang kasama nito ay pagsasaya ng mga buwaya
Tagumpay ang ngiti ng taong nakakariwasa
Ngunit sa kuba’t kalabaw, naghahari ay dusa.
Sa gitna ng dilim na ang hinihintay ay liwanag,
Ang kalayaan ng iniibig ay di maaninag.
Binasbasan mo yaring kaluluwang naghahangad
Ng kagalingan at kapayapaang matingkad.
Rizal, iisipin naming ika’y dakila at maluwag.
Pag-ibig mo sa baya’y di ka natatakot ihayag.;
Dumampi ang pluma mo sa puso ng sinumang maghangad
Na basahin ang sandatang nangaling sa iyong sulat.
Hindi biro ang mamatay na walang kaba sa puso.
Ang sinumang nasa katayuan mo’y ligalig ang mamumuo.
Isang tula ang nahabi sa huli mong Segundo,
Na ang laman ay mga pangarap na di maisip ng diwa ko.
Pamana mo ang mga pangarap na ang kapara ay bituin,
Nalalasap ang kinang ngunit di kayang abutin:
Nakikita ang kislap ngunit di kayang hawakan
Magkukunwaring naabot dala ng huwad na katotohanan.
inihain niyo ang inyong buhay para sa kalayaang
Dadalhin ng ibong sa pugad nananahan.
Ngunit sa paglasap nitong kalayaang pangarap
Pakpak ay nabali, sa baril ay di umilag
Sa paglaban sa palalo dusa ang lumaganap
Dugo ang dumanak bago marating ang pangarap
Isinilang ang tagapagmana mo’t bahagya kaming nasiyahan.
Inakalang ang buhay ay magiging magaan
Wala na kaming supil ngunit kadena pari’y nandiyan.
Habang gumagalaw, lalong hinihigpitan.
Umiiyak kami pagsapit ng dapithapon
Ngunit Liwanag ng araw ay mahirap nang mabago.
Titiisin naming ang bawat hapding natipon,
Gaya ng pagtitiis ninyo sa manlulupig na patapon
Sa ikadalawampu’t isang siglo ako nabuhay
Modernong panaho’t tula mo ay nilalakbay
Malaya na nga’t pangarap mo ay tumingkad
Ngunit ang itsura nito sa akin ay huwad.
Ang kalayaan ay nagbibigay ng di makitang saya
Ang kasama nito ay pagsasaya ng mga buwaya
Tagumpay ang ngiti ng taong nakakariwasa
Ngunit sa kuba’t kalabaw, naghahari ay dusa.
Tindahan ng mga Libro
Tindahan ng mga Libro | for alma's online buddies |
Tindahan ng mga Libro
Ni Alma V. Reynaldo
Noong unang panahon at iyon ay noong bata pa ako……
“Magkano po ‘to?”
“Beinte-singko…beinte singko sentimos lang yan!”
“Wala nang tawad?”
“Ay! Wala na po! Mahirap po kayang gumawa ng ganyan!”
“O, sige na nga. Bibilhin ko na lang iyan,” sabay dukot ng barya sa bulsa at inabot sa kamay ng kaluluwang walang paglagyan ang tuwa dahil nakapagbenta na siya.
Sa wakas! Nabenta na rin iyong “coloring book” na ginawa ko. Hindi biro ang hirap sa paggawa ng mga librong binebenta ko. Mahirap gayahin ang drowing sa libro. Mahirap ding isulat yung mga kwentong nabasa ko na gamit lang ang musmos kong alaala. At saka, hindi biro ang pinagdaanan ng aking konsiyensiya sa tuwing kinukupit ko ang mga papel ni nanay upang gawin itong pahina ng aking libro. Kaya naman nang isang beses na nakita niya akong nagdodrowing at nagsusulat, sa halip na matuwa ako sa mga papuri niyang“Ang ganda naman ng drowing mo!” O di kaya’y “ang galing naman at nagsusulat ka na ng kwento!”, lalo akong nangangamba at gusto ko na siyang paalisin. Baka tanungin pa niya kung saan ko kinuha ang mga papel na ginagamit ko. Baka pagalitan pa ako at hindi ko na magawa ang aking mga libro .
Mahigit lima na ang aking nagagawa. May coloring book, puzzle book, kwento, alamat at mga kalipunan ng mga bugtong na paborito ko. Ititinda ko kasi ang mga ito sa tinda-tindahan ko ng mga libro. Ang mga mamimili ko naman ay ang aking mga nakababatang kapatid. Sawa na kasi kami sa habulan, bahay-bahayan piko at lundagan. Kaya para maiba naman, maglalaro kami ng tinda-tindahan. Para mas kapani-paniwala, ang ipambabayad nila ay totoong pera. Noong una, ayaw nilag pumayag dahil wala naman silang pera.Bakasyon at wala silang ipon mula sa kanilang baon. Ngunit sinabi ko sa kanilang mura lang ang benta ko sa mga ito. Beinte singko lang. Inutusan ko pa silang maghanap ng baryang nakakalat sa loob ng aming bahay, katulad ng paghahanap ng trabaho na ginagawa ng mga matatanda. Nang makabalik sila’y may dala-dala na silang barya.
“Alamat ng…Sibuyas?” nagtatakang tanong ng aking kapatid (mamimili pala).
“Oo! May drowing pa nga iyan sa loob eh!” pagmamalaki ko sa kanya sabay turo sa drowing na sibuyas na umiiyak.
Ang totoo,hindi ko tiyak kung may kwento ba talagang ganito. Gawa-gawa ko lamang iyong alamat na iyon. Ito ay tungkol sa prinsesang iyakin at iyak ng iyak kahit wala naming dahilan. Nairita sa kanya ang matandang mangkukulam kaya isinumpa niyang hindi titigil ang prinsesa sa kakaiyak. Di naglaon ay nagkatotoo ang sumpa. Tulo-tuloy ang pag-iyak ng prinsesa hanggang dumugo ang kanyang mata at naging kulay pula ang butil ng kanyang luha. Ang mga butil na nahulog sa lupa ay naging sibuyas.
“O sige. Bibilhin ko iyan at saka yung coloring book na may drowing na mansanas na may uod.”
“Aba! Madami kang pera ah!” biro ko kay Jherson.
“Siyempre! cute eh!” sagot niya. Sumang-ayon na lang ako kahit hindi ko makita ang ugnayan ng pagiging cute sa pagkakaroon niya ng maraming pera.
“Ate, ako pabili ng libro mong may sinasagutan.” Sabi sa akin ni Ailene. Iniabot ko sa kanya ang librong may “1+1 =? 2+2 =?”.
“Hoy! Anong ginagawa nyo diyan? Lagot ka jan, isusumbong kita kay Mama! Pineperahan mo lang sila!” sigaw ni ate mula sa labas ng aking tindahan.
“Inggit ka lang!” ang sabi ko ng pataray dahil ang mura kong isipan noon ay hindi nagpapaapi kaninuman.
Pumasok siya sa loob at tinignan ang librong may pamagat na “Si Joseph” na hango sa nabasa kong “Joseph the Dreamer.”
“Kung gusto mo, sa’yo na lang iyan.” Sabi ko bilang pag-alo sa kanya na wag akong isumbong.
Binasa niya iyo ng matulin sabay sabi: “Hindi naman ito ang nangyari sa kwento ah!”
Naku! Lagot na! ang totoo, nakalimutan ko talaga kung ano ang nangyari sa kwentong iyon kaya pinagana ko nanaman ang isipan ko sa pag-imbento ng mga nangyari. Pinagtawanan lang niya ako saka iniwan ang aking tindahan.
Ikalawang araw ng aking tindahan, bumalik ang aking mga suki, dala-dala nila ang ang aking mga ginawa. Isasauli na daw nila ang mga libro. Dahil hindi na daw nila ulit ito magagamit. Nakulayan na nila ang mga dapat kulayan. Nasagutan na nila ang mga bugtong at mga puzzle. Nabasa na rin nila ang mga kwento. Ayaw ko man pero ibinalik ko sa kanila ang kinita kong mahigit na tres pesos ngunit nasabi ko na lang sa aking sarili na “laro lang naman ‘to eh”.
“Tara! Iba na lang ang laruin natin! “ yakag ko sa kanila.
Iniwan namin ang tindahan. Iniwan ko ang aking tindahan. Hindi ako umiyak ngunit nalungkot ako. Dito nanahan ang mga una kong gawa. Kahit itinuping papel lang at kakaunti ang pahina nito, kahit inilimbag lang ng aking kamay ang mga naroon at kahit pangit ang mga drowing na naroon .
(babala: ang kwentong ito ay walang kwenta. Wala pang masyadong kalinawan ang lahat dahil ito ay draft pa lamang. Kutyain niyo na habang maaga pa dahil kailangan ko ng kritiko para sa pagpapaunlad nito. pero dahil alam ko namang walang makakabasa nito, wag na lang. Salamat!)
Pagdalaw sa Aking Langit
Pagdalaw sa Aking Langit | for alma's friends and alma's online buddies |
Pagdalaw sa Aking Langit
Ni Alma V. Reynaldo
Sasama ulit ako sa hangin,
At aangkinin ang himpapawid.
Lalakbayin ko ang langit
At hahagkan ko ang mga ulap.
Lilipad kasama ng mga ibon,
Magpapadulas sa bahaghari.
Dadahin ang halik ng hangin
At iindahin ang init ng araw.
Sa tuktok ng bundok, ako ay sasayaw
At buong pusong await ng malumanay.
Pagkat di ako magsasawang dalawin
Ang mataas na mataas kong pangarap.
Sa mga ganitong sandal,
Ako ay Malaya.
Sa mga ganitong sandal,
Pagod ko ay nawawala.
At di ako magsasawang
Sumama sa hangin
Lagi akong lilipad
At itong pangarap ay dadalawin.
Mabigo man ako’t di kaya ang bigat
Magising man ako sa panaginip kong huwad
Masaya pa rin ako ganitong kahibangan
Pagkat dito ko natagpuan
Ang sa akin ay salat
At maitatanim ko ang punla
Ng kayamanang hinahangad.
Mawala man ang mga ito sa isang iglap
Di ako magdadalawang-isip na muling managinip
Ng bagong pangarap.
Krismas Tri
krismas tri | for alma's friends and alma's online buddies |
Krismas Tri
Ni Alma V. Reynaldo
Gustung-gusto naming magkakapatid noon ang berde at patatsulok na anyo ng punong iyon. Maninipis ang dahon niyon na gawa sa plastic. Kumikislap din ang aming mga mata sa tuwing iilaw na ang mga maliliit na bumbilyang nakasabit doon na tila mga alitaptap na umiikot-ikot at nahahalina sa kagandahan ng punong iyon. Tuwang-tuwa kami sa mga bolang makikinang at makukulay. Para talagang artista ang punong iyon! Lagi pa siyang nilalagyan ng kung anu-anong palamuti at burloloy, may kwintas, may hikaw, sinasabitan ng kendi, nilalagyan ng bulaklak, isinasabit ang mga munting anghel. Siguro ay napakaespesyal ng punong iyon. Ngunit, dalawang bagay lamang ang alam ko sa tungkol sa punong iyon. Una, krismas tri ang tawag doon. Pangalawa, wala kaming ganoong puno. Sa telebisyon lang namin iyon nakikita, minsan sa malalaking bahay, kina tita at tito, sa pinsan ng tatay ko ,sa iba pang bahay na napuntahan ko na at sa mga tindahan sa bayan.
Siyempre, sa puso naming noo’y napakabata pa, hindi kumpleto ang pasko kung walang krismas tri. Kaya naman kahit wala kaming pambili, pagsapit ng panahon ng kapaskuhan, mamumundok kami at maghahanap ng halamang pwedeng gawing krismas tri. Kukunin namin nang palihim iyong bolo ni Amang (tawag namin sa aming lolo) at mabilis na mabilis kaming magtutungo sa kakahuyan para hindi kami mapagalitan. Lagi kong tangan ang medyo mapurol na bolo at kay Tablog naman iyong isang bolong medyo matulis ng kaunti. Maghahanap kami ng halaman o punong may malalagong sanga. Sinusuong namin ang dawag, iwawasiwas ang mga bolong hawak sa mga kugong nakaharang sa aming daraanan. Ang iba ko namang mga kapatid ang maghahanap ng masangang halaman , iyong angkop, may porma at anyong pangkrismas tri. Hindi ko alam ang pangalan ng halamang iyon na kasintangkad lamang ng kapatid kong si Bok noon. Apat na talampakan, may maliliit at bilugang dahon , masanga, hindi naman patatsulok ang hugis pero may pwedeng sabitan ng pinakamataas na bituin sa dulo. Binabalatan namin ang tangkay nito dahil sabi ni nanay, maputi ang balat nito kapag tinanggal iyong balat na nasa ibabaw nito. Pagkatapos, binabalutan namin ang mga sanga nito ng puti o berdeng crepe paper. Magbibilog din kami ng papel at babalutan namin ng mas makulay na papel o di kaya nama’y pambalot ng yema para maging Christmas ball. Sasabitan namin ito ng mga kendi at maliliit na laruang nilagyan ng sabitan at tinalian. Itatayo namin ito sa lata ng gatas na nilagyan ng bato sa loob para makatayo ito, saka naming babalutan ng metallic paper ang lata para maitago ang mga nakaimprinta dito. Saka kami mapapakanta ng krismas song na mali-mali ang lyrics kapag iyon ay naitayo na. Iyon na yata ang pinakamagandang krismas tri sapagkat kami ang gumawa niyon!
Naaalala ko pa nga noong isang pasko, na naghahanap ulit kami ng magagawang krismas tri, nakatagpo ulit kami ng ganoong halamang ngunit iyon naman ay tumubo sa punso. Habang tinataga naming ang dulo nito, napasilip ako sa katabi nitong maliit na butas at may nakita akong ulo. Ulo ng ahas! Sumigaw ako ng pagkalakas-lakas, saka kami nagtakbuhan pauwi! Pagkarating naming sa bahay na hingal na hingal, umiyak si Jeffrey dahil naiwan ang isang pares ng kanyang tsinelas. Napagtanto ko naiwan ko rin pala iyong bolong hawak ko dahil sa sobrang takot at pagkabigla. Hindi na namin muli pang binalikan iyon. Kaya naman kung hahanapin ni Amang kung nasaan ang isa naming bolo, tahimik lang nila akong titignan at dala ng kapilyuhan, lihim kaming magtatawanan kapag nakatalikod na si Amang. At ako naman bilang responsable sa pagkawala niyon ay mapapanguso na lang dahil sa nakokonsiyensiya ako.
Meron ding isang pasko na dahil takot na kaming mangahoy, kumuha na lang kami ng isang sanga ng puno ng agoho (aro-o ang tawag namin) na malapit sa aming bahay.. maninipis at maberde na parang sinulid ang dahon nito na gaya ng mga krismas tring binebenta sa bayan. Pinayuhan kami nina nanay at tatay na tanggalin ang dahin nito ngunit di kami nakinig. Ang katwiran namin, mas maganda kapag hindi na tatangalan ng dahon ang mga sanga para mas magmukhang krismas tri. Isa pa, iginiit naming hindi na ito kailangan pang balutan pa ito ng crepe paper. Pero pagkalipas ng ilang araw, ang dating matingkad na berde ay naging berdeng manila-nilaw. Ilang araw pa ang lumipas, naging dilaw na ito. Pagkatapos pa ng ilang araw, brown na ang kulay nito. Naglalagas na ang dahon niyon. Kaya naman, pagkatapos ng bisperas ng pasko, malungkot naming itinapon ang krismas tring iyon na hindi man lang nakaabot ng hanggang bagong taon. Nagkibit-ballikat lang sina nanay at tatay samantalang kami ay napabuntong-hininga na lang. Nakinig na lang sana kami sa kanila. Ngunit, sadyang nakapagpapagaling talaga ng kalungkutan ang kanilang salita . Ayos lang naman daw kahit walang krismas tri o anumang palamuti ang bahay kapag pasko. Oo, nagiging iba nga daw ang anyo ng isang bahay pag may dekorasyon at krismas tri pero may kakaibang dekorasyon daw ang bahay naming na “di nakikita” ng aming mga mata. Hindi ko iyon maintindihan noon ngunit naniwala pa rin ako sa kanilang sinabi. Siguro, makikita ko rin iyon balang-araw, mahahaplos, masasalat na parang tunay na nariyan.
Kahit pa ngayong lumaki na ako, hindi ko parin maiwasang umasam na magkaroon ng krismas tring gaya ng ibinebenta sa bayan. Tuwing pasko, wala mang masyadong palamuti ang aming bahay, naroon parin ang mga palamuti at krismas tring “di nakikita” na ngayon, ay tiyak na ako doon. Buong taon iyong nakasabit at lalong tumitingkad at kumikislap tuwing pasko. Oo. Hindi iyon nakikita ng iba, ni hindi mo makikita pag ikaw ay bata pa, pag ikaw ay bulag o malabo ang iyong mata. Pero ako, lalo ko pang nakikita iyon kapag kaming lahat ay nakangiti at sama-samang nakatawa.
Hilong Talilong
ayoko na, pero gusto ko pa | for alma's friends and alma's online buddies |
Ayoko Na, Pero Gusto ko Pa
Hinahabol mo ako, panulat ko.
Ngunit tatakso ako papalayo sa’yo.
Inuutusan mo akong bungkalin’
Ang kayamanan nating
Sa lupa ko inilibing?
Ngunit napakalalim niyon.
Di ko kayang hukayin.
Mababaw lang
Ang kayak o
At hindi ko na magagawa ang gusto mong
Ipagawa sa akin.
Wala na ng lakas ng kamay ko
Kumukupas na ang kakayahan ko.
Kaya’t isinadlak ko na lang ang
Sarili sa pagiging ordinaryo
Walang pakialam sa nangyayari
Walang pakiramdam, manhid.
Nagsusulat pa naman ako,
Ng takdang aralin, terminong papel, at written reports
Nagsusulat pa naman ako,
Ngunit sa hangin lang
Dahil gusto kong itangay na lang niya
Ang mga kaisipang iyon
Nang hindi na muling magbabalik pa.
Pero hindi ko na magagawa
Ang gusto mo, panulat ko.
Hinding-hindi ko na makikita nang malinaw
Ang magulong paligid
Malabo na ang aking mata
Minsan, gusto ko na itong ipinid
Ang bukas na larawang aking nasisilip.
Diyan ka na nga! Marami pa akong ginagawa.
May gagawin pa akong report
Magkakabisado
Magrereview
Malupit ang paaralan sa akin
Kaya huwag mo nang dagdagan pa
Ang aking mga problema
(Gusto kong magbalik sa’yo,
Ngunit din na ata papayagan
Ng panahon.
Hintayin mo ako,
Ngunit wala akong maipapangako)
(Ito ang kasalukuyan kong naradama habang ginagawa ko ang "Hindi Na")
Hindi Na
Hindi na | for alma's friends and alma's online buddies |
Hindi na
Kay sarap na muling makahakbang sa lupa ng aking dating paaralan. Marami na ang nagbago kahit dalawang taon lang ang lumipas mula noong ito ay aking lisanin. Naroon paring ang mga puno ng manggang nakahilera sa tabi ng pader. Lalo namang lumalago ang mga mahogany sa dakong hilagang silangan ng paaralan. Ang mga silid-aralan ay kakikitaan na ng pag-aaruga mula sa mga nakatira dito. Natamnan na rin ang mga flowerbox ng magaganda at iba’t ibang halaman. Ngunit, ang pagsalubong nito ay akin ay wala paring ipinagkaiba noong araw-araw akong pumapasok, naroon parin at nakikita ko ang mga maririkit na karanasan bilang isang estudyante sa hayskul.
Ang araw na iyon, ay isang kaganapan para sa lahat ng nasa ika-apat na taon. Marami nang taong naghihintay doon, kamag-anak ng magtatapos, mga tindera ng halu-halo at mga napadaan lang. Maalinsangan ang panahon, tuyot ang lupa kaya madaling kumakapit ang mga alikbabok sa nagpapawis na katawan. At ako naman ay matiyagang nag-aantay sa pinakamahalagang oras ng aking nakababatang kapatid. Naalala ko tuloy noong ako rin ay nasa pagkakataong ito na papanhik sa entablado at kukunin ang inaasam na diploma, sabay ngingiti sa naghihintay na camera.
Marami na rin akong nakitang mga dating kaklase. Nagkawayan, nagngitian, nagbatian, nagkwentuhan, nagtawanan na parang kami pa rin ay nasa hayskul. Laman ng aming mga usapan ang bago naming buhay, mga yugto ng aming paglaki sa mundo ng kolehiyo, mga mahihirap at nakakapanibagong aralin, mga bagong kaibigan, lalo na ang mga kakaibang prof. Ngunit hindi rin mawawala sa amin ang aming pagbabalik-tanaw sa aming mga kalokohan, sa panggagaya sa mga guro, sama-samang pagliban sa klase para pumunta sa Bolo Beach, mga pag-aaway, tsismisan at harutan.
Tumugtog na ang musikang pangmartsa. Magsisimula na at tinawag na ako ng aking nanay dahil ako ang kukuha ng litrato. Sa harapan, naroon ang aking dating mga guro. Nginitian ko sila at binati. Sila pa rin iyon, ang aking mga naging guro na humulma sa akin. Malaki ang utang na loob ko sa kanila dahil hindi ako ganito kung wala sila.
“Kumusta? Payat ka pa rin. Mukhang sineseryoso mo ang kolehiyo.” Bati ng guro ko noon sa biology.
“Ayos lang naman po ako. Hindi naman po, payat lang po talaga ako at isa pa, wala na akong makain,” biro ko.
“Ano na? Writer ka ba ngayon sa school niyo?” tanong ng naging guro ko sa English at tagapayo ng aming pampaaralang pahayagan . Siya ang una kong mentor sa pagsusulat lalo na sa pamamahayag. Dahil sa kanya, naging gamay ko ang lahat ng sangkap ng pampaaralang pamamahayag – pagsulat ng balita, ng editorial, lathalain, panitikan, balitang isports, maging ang photojourn at pagguhit ng kartong editorial.
Kitang-kita ko noon sa kanya ang sabik na marinig ang aking tugon.
“Hindi po. Hindi po ako staff sa school publication sa amin,” sagot ko.
Ang kislap sa kanyang ngiti ay parang bituing natakpan ng ulap, at ang dating pakurba sa kanyang labi ay naging tuwid.
“Ah, ganun ba?”ito na lamang ang naging tugon niya.
Tama nga ako. Iba ang gusto niyang marinig. Sino ba namang guro ang magiging masaya kung hindi ginagamit ng kanyang estudyante ang mga bagay na natutunan nito sa mula kanya?
Hindi na. Hindi na ako gaya ng dati. May mga bagay pala na kumukupas din maliban sa larawang matagal nang nakabinbin sa dingding. Habang kumukuha ako ng litrato , nakita ko ang sarili ko sa entablado, kinakamayan at hawak ang parangal na “Campus Writer and Journalist of the Year”, ngunit napangiti lamang ako. Totoo iyon…manunulat lamang sa taong iyon, at hindi na sa susunod na taon.
Hindi na ako ang manunulat na sinasabi niyang magaling.
(Mahirap palang magpanggap na magaling. Anumang tago mo sa kahinaan mo ay lalabas at lalabas din sa iyong mga gawain. Ang gurong iyon ay nabulag ko. Ngunit, sana ang kaisipan kong ito ay mali. O, ako lamang kaya ang bumubulag sa sarili kong paningin?)
Tumabi-tabi sa Matuwid na Daang Daraanan Niya
Tumabi-tabi sa Matuwid na Daang Daraanan Niya | for alma's friends and alma's online buddies |
Ni Alma V. Reynaldo
Mahirap hanapin ang talinhaga ng buhay
sa pusong may yaman at nabubulag
sa kislap ng ginto’t pilak na ginawa pang sulok ng
kanyang salamin sa mata
Hanapin mo sa kanya ang halaga ng paghahanap ng buhay
isasagot niya sa’yo ang halaga ng pambayad utang
Bukas nga ang pinid na pintuan,
ngunit ang looban ay kawalan
at pagpasok mo ay dilim na malawak ang madaratnan
Huminga nga’t may hangin ka sa baga
ngunit pati sa ulo ay umabot na
nakangisi pa
Dala-dala niya ang mga salitang
binabalutan ng asukal
Ngunit hindi mo malalasahan ang tamis na binabanggit nito.
Isa siyang bolpeng kakaiba ang anyo
ngunit pag isinulat ay bubulwag ang tinta
masisira ang porma ng iyong papel
na sira na ay sirang-sira pa
Tanaw niya ang kalupaan mula sa kanyang upuang
pagkataas-taas ng gaya ng dumilaw na bundok
na ginawa ng tao para sa kanya
Ngunit kanya lamang silang ilalagay sa posisyong taga-buhat
na tila siya isang lumpong nakahiga sa hamaka
Hawak niya ang lupa at ito raw ay kanyang ipapamigay
Ngunit huli na ang lahat pagkat ang lupang ito
ay sinibulan ng pawis, luha at dugong dumanak
Ngunit maghintay ka, ginagawa na daw niya
ang daan patungong kaginhawaan
na gawa sa mga bagay na mas marupok pa
sa sanga ng naaagnas na puno.
At ang pinakamaganda daw niyang ginagawa
ay ang pagpapahaba at pagtali ng maigi sa pagkatuto at karunungan
bigla-bigla naman niyang puputulin
at iipitin ang ipit na ipit at kakarampot na pagkain
para sa utak
Kulang na tuloy ang ilan sa kapacidad
Magaling na magaling ang kanyang mga taktika
kaya naman panot na panot na siya
Kagaya ng iba, asahan na nating dadaan lang siya
(hindi ito tula ng pag-aaklas. sinubukan ko lang maging mapangahas ngunit wala pa ring dating)
Overpass (Isang Flash Fiction)
OVERPASS (Flash Fiction, 200 salita) | for everyone |
ni Alma V. Reynaldo
Kinumutan ng dilim ang langit ngunit hindi ang kahabaan ng EDSA. Maliwanag ang hatid ng ilaw ng mga sasakyan. Lalo pang tumitingkad ang kariktan nito kung tatanawin mo ito mula sa overpass.
Para sa'min ni Rick, mundo namin ang overpass, ang gabi’y araw, musika ang mga busina, maingay ngunit may melodiya. Ang bawat paggalaw ng mga taong dumadaan doon ay pagsasayaw sa musika ng lungsod. Ito rin ang musika naming dalawa habang nangangrap kami sa ilalim ng langit, sa ibabaw ng EDSA gabi-gabi, parang ritwal na inuusal upang makumpleto ang maghapon.
“ ‘Pre, bantayan mong tsiks mo, doon kayo sa Sogo,” nakakabanas na sabi ng lalaking lumapit sa’min.
Hindi pikon si Rick, ngunit naaninag ko ang itsura ng mukha niya kahit nasa likod ko siya. Bigla niya akong niyapos sa kanyang bisig, pahiwatig na ligtas ako sa kanyang yakap. Hindi ko alam kung bakit humigpit ang pagkakayakap niya matapos umalis ang lalaking lumapit sa’min. Ilang sandali pa’y lumuwag ang pagkakagapos sa akin na animo’y naging banta.
“Mahal kita Neneth,” ngunit hindi ko siya pinansin. Tiningala ko ang langit. Walang bituin.
“Rick…” Ngunit nakapikit siya. Mainit na luha ang dumaloy sa aking pisngi habang dugo naman ang sa kanyang tagiliran.
(bakit kaya ganun, hindi ko magawa yung ganun..ampangeeeeettt!!!!! sinubukan ko lang gumawa ng tragic ang ending, kulang pa rin..tsk! hindi ko talaga gamay ang mga malulungkot na eksena.!)
Indak-Limos
Indak-Limos | for alma's friends and alma's online buddies |
Kanina nanama'y hinahabol nanaman nila ang mga jeep. Karaniwang sumasakay sa may Bonifacio patungong EDSA Magallanes ang mga batang Badjao na ito. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na kilala ang mga Badjao bilang mga katutubong ang buhay ay umiikot lamang sa dagat. Kataka-takang ang mga batang ito'y nakikipagsapalaran sa init ng kalsada at sa banta ng mga sasakyan.Ngunit hindi natin alam kung para saan at para kanino ang ilan.
Kalimitan, sila ay binubuo ng 2 hanggang 3 bata sa isang grupo. Isang beses ko ring nakikita ang iba sa kanila sa isang linggo. Laging kapag hahakbang pa lang sila sa jeep, pinapalayas na sila nung mamang drayber. Hindi mo naman masisisi si manong, baka nga naman mahulog pa sila at cargo de consencia niya iyon. Maari rin sigurong inaalala niya ang kanyang mga pasahero, na baka mandiri sila sa kanila o kaya madekwat pa ang ipamamasahe sana nila sa kanya. gayunpaman, anumang pigil ay nagagawa pa rin ng mapilit. at ang pagpipilit na iyon ang ikinasisimangot ng ilan. Ganyan naman lagi eh. Madalas nating hinuhusgahan ang mga bagay na binabalutan ng grasa, ng dumi, ng mabahong amoy. Lagi tayong nakatingin sa damit, sa ayos ng buhok, sa kutis. Para sa atin, ang punit-punit at sira-sirang damit ay may punit na ding pagkatao. Ang madudumi at nakatihayang palad ay simbolismo ng pagiging hikahos ngunit tamad. Ang pagiging mabaho ay pagkayurak sa pagkatao at kawalan ng awa sa sarili. Paano nga ba sila dinala ng agos at nasadlak sila sa lupang tigang?. Minsan nga naisip ko, hindi madali ang sumabit-sabit sa mga jeep lalo na't ang ibang mga drayber ay balasubas. Tangan-tangan ang lata, sabay kapit ang maliliit nilang kamay sa bakal na hawakan sa likod ng jeep. Ngunit nakakatuwang isipin na hindi sila tulad ng iba na nakaupo lang sa sulok, at naghihintay ng baryang ihulog at ilapit sa kanila. Habang nagtatambol ang isa, kumakanta at sumasayaw naman ang isa. Hindi mo man maintindihan ang sinasabi nila ngunit mapapaindak ka naman sa melodiya at ritmo ng kanilang kinakanta. Para nga silang kumakantang mga mangkukulam, binibigkas ang kanilang chant o bulong para may makuha silang kayaman o habag man lang sa amin. Minsan din, hindi sila ang tinitignan ko. Tinitignan ko rin ang reaksyon ng mga nasa loob ng jeep. Yung iba walang pakialam, meron ding nagtutulug-tulugan, kunwari hindi nakita ang sobreng ibinigay sa kanila na may limbag na "KAMI PO AY MGA BADJAO, NAHENGE NG TULONG MULA SA INYO. SALAMAT PO". Ang iba naman ay parang bato, tititigan lang ang mga bata nang mula ulo hanggang paa tapos ibabaling na ang tingin nila sa iba. Minsan pa nga, kapag biglang hihinto ang jeep, mapapaupo sa kandungan ng pasahero ang batang hindi napigil ang hila ng inertia. Mapapasigaw na lamang ang ale, o kaya papagalitan siya nung mama. Bakit nga kaya? Isa lamang ang sagot diyan. Nandidiri sila sa mga itsura nila, sa damit na punit, sa maduming balat, sa mabahong amoy. Ngunit para sa akin, kahit ganoon ang itsura nila, meron pa ring lumulutang na ningning sa kanila. Kahanga-hangang kahit hindi nakapag-aral ng pagtatambol ang batang mananambol ay sabay na sabay ang kalabog at pagpalo ng kaniyang kamay sa indak ng sumasayaw. Parang hindi mo na kailangan magpunta sa kabundukan para makapaghanap ng katutubong sayaw dahil nasa Maynila na din pala yung iba.
Ang ipinagtataka ko nga lang, bakit kailangan pa nilang lumuwas sa Maynila para matikman ang kasaganahang inaasam nila? Para sa akin, mas masarap tumira sa probinsiya, maaliwalas ang hangin, luntian ang paligid, bughaw ang langit at parang nakangiti ang araw. Magtanim ka lang sa isang lote ng kamote at kung anu-ano pa. Pagkatapos ng ilang araw, tiyak na may uulamin ka na. Mabubuhay ka pa ng napakahaba dahil walang masamang usok ang nalalanghap at napupunta sa baga mo (maliban na lang kung naninigarilyo ka ng tabako).
Mabangis ang lungsod gaya ng karaniwan nilang sinasabi. Kailangan mo ring maging mabangis para makasama sa agos ng buhay sa lungsod. Hindi lahat ng tao ay mapagkakatiwalaan. Narito ang lahat ng uri ng tao, mula sa taong aanga-anga hanggang sa pinakamatalino na animo'y siya ang diyos. Bakit nga ba napakalaki ng mundo? Bakit nga ba ganito ang mundo? Bakit nga ba iba ang Maynila? Bakit nga ba umaasa tayo sa buhay-Maynila? Bakit nga ba napakadaling manghusga? Basta ang alam ko lang, nagtatanong ako. Hindi ko rin kasi alam ang mga kasagutan. Basta ang isa ko pang alam, hindi na rin tayo naiiba sa mga Badjao. Wala tayong limos kung hindi tayo iindak. . Bakit pa tayo mandidiri sa kanila samantalang tayo ay parang sila rin?
Para sa mga batang ito, hangad ko'y maging masigasig pa sila sa paglangoy nila sa dagat ng buhay. Tunay,mahusay at madiskarte ang mga Badjao ngunit ibang dagat ang kanilang napiling tirahan.
Subscribe to:
Posts (Atom)