Thursday, August 9, 2012

Makilala pa kaya?


Jan 10, '11 1:19 AM
for alma's friends and alma's online buddies
Pag pinalitan ko ang pangalan ko,
Makikilala mo pa kaya ako?
Diba't noo'y gusto ko ang pangalan mo,
At sabay pa natin itong binubuo.

Pag ang puti ay isinuot ko na,
Magagandahan ka ba sa aking itsura?
Pag ako'y naglakad na sa gitna,
Ako ba'y sasabayan mo pa?

Ikaw ang nagsabing tayo ay magsasabay
na maglalakad na magkahawak ang kamay
sa lugar na may arko't altar
ng tayo ay pah-iisahin ng Maykapal.

Hindi ko kayang magdamdam
sa mga pangarap na alam kong walang katuparan
Alam kong suntok ito sa buwan
ngunit di ko maiwasang mag-asam.

Alam kong nakatali ka na sa kung saan
at sa kung kanino'y hindi ko alam.
Naghintay akong ang hapdi'y lumisan
hanggang makapaglakad ulit sa gusto kong daanan


(first time gumawa ng ganito ang tema! para sa mga taong may kahati at nagsawang makihati, bumuo na lang ng sariling pangarap na kayang abutin nang mag-isa. hindi isang kawalan ang pagiging single. mas mabuting maging single kesa may kasama kang hindi ka sigurado kung hanggang kailan siya nasa tabi mo. )

Kilala ba ako ng Langit?


Jan 14, '11 10:33 PM
for alma's professionals & their professionals, alma's friends and alma's online buddies
Kilala ba ako ng Langit?
ni Ako


Di na natapos ang mga araw na naghihintay ako
na maubos ang mga luhang wari ay di humihinto.
Pagluha ng mata'y  patak ng sirang gripong tumutulo
tila bahagi ng tag-ulan at nalalapit na pagsuko.


Di na natapos ang mga daang aking dinaraanang
maraming mga batong nakausli at nagtutulisan.
At sa bawat pagtapak ng nakayapak na talampaka'y
matutulis na bato'y bumabaon sa pudpod na laman.

Di na natapos ang mga gabing ako'y napapaluhod
sa mga bituing nakikisama sa'king di pagtulog.
Sa bigat ng pinapasan ko'y gasgas na ang aking tuhod.
Laging hinihintay ang sagot kung sila ba'y mahuhulog?

Kilala ba 'ko ng langit na may hawak ng kapalaran?
Kilala ba 'kong di bininyagan sa magarang simbahan?
Kailan ba matatapos ang pagtatanong sa kalangitan?
Ngayo'y tihaya pa rin ang palad para sa kasagutan.


may mga taong kahit pinagkaitan ng kaligayahan at biniyayaan ng kalungkutan, umaasa paring ang mga  kakulangan ay mapunan ng kahit konting kaligayahan. Maaring may kakilala kang ganito ngunit malayong-malayo pa sila sa mga taong hindi natin napapansin.  Malay mo, baka sarili mo ang tinutukoy ko

(ang tulang ito ay isang pagatatangkang gumawa ng  tulang may labimpitong pantig sa bawat talutod! hindi ko rin alam kung ang salitang "mga" ay may dalwang pantig kaya baka hindi labimpito lahat ang pantig sa bawat taludtod. hindi pala ganun kadali.)

PT Experience

Hello Multiply!
Matagal din tayong di nagkita. Kumusta ka na? Mukhang sa ilang buwang di ako nakipag-usap sayo, marami na ding nagbago. Ako, heto, gulong-gulo sayo. Nagbago ka na kasi. Pero ikaw pa rin naman yung dating alam kong kaibigang umiintindi sa mga drama ko, nakikinig sa mga sinasabi ko, at nagbabasa ng mga sinusulat ko. Magdadalawang taon na rin itong account kong ito pero matumal pa rin ang ating ugnayan. Kaunti pa lang ang nasasabi ko tungkol sa akin. Mabuti nga at lagi kang anjan, naghihintay ng mga ikukuwento ko. 
Alam mo bang isa na akong Student Teacher. Kaya sana maintindihan mo kung gaano kabusy ang maging isang ganito. Laging lesson plan, pagkatapos gagawa ng visual aids, maghahanda ng lesson para sa demonstration teaching at kung anu-ano pang gustong ipagawa ng mga taong may gustong gawin ka. Paano na kaya kung totoong guro na ako?
  Sayang nga eh. Napakarami kong ikukuwento sayo tungkol sa mga estudyante ko. Pero kulang ang panahon kong makipagkwentuhan sayo. Noong una, kinakabahan ako kasi natatakot ako sa magiging cooperating teacher ko. Habang di ako pinagtuturo, lalo akong nabobore sa school. Akala ko nga noong nagsisimula pa lang ako, di talaga ako bagay sa propesyong to kasi hindi ko man lang maramdamang teacher ako. At isa pa, MATH ang ituturo ko-- ang subject na kung saan ako pinakamahina. Okay nga lang kahit MSEP ang hawakan ko..pero MATH? UTANG NA LOOB! Isa pa sa mga nagpapahirap sa akin ang pagbibiyahe ko ng 2 oras mula Taguig hanggang Paranaque. Napaka-haggard. Mabuti na lang at nalipat ako ng panghapon na schedule, kundi, gigising ako ng alas tres para lang makarating sa school ng alas sais ng umaga. Kaso lugi din ako sa oras. Aalis pa rin ako ng alas 9 para makarating ng alas 11 sa school pag panghapon ako. Pero ayos lang. Okay lang. Dalawang buwan lang naman to at makakaraos din.
 Pero nung pinagturo na ako, kakaiba sa pakiramdam. Solong-solo mo ang classroom. Lahat ng mata nakatingin sayo. Magaan sa pakiramdam na may nagtataas ng kamay dahil alam ang bawat tanong mo. At lalong masarap sa pakiramdam yung tatanungin mo kung sinong mga naka-perfect sa quiz mo tapos marami sa kanila ang nagtaas ng kanilang kamay. Isag achievement ang maituro mo ng tama ang subject na hindi ka ganun kabihasa.
Marami din sa mga estudyante ko ang nakapalagayan ko ng loob. Tinuturing nila akong ate na nirerespeto at sinusunod. Meron din namang mga pasaway pero nakukuha ko sila sa tingin. Tuwing wala silang teacher, ako ang in-charge sa kanila. Lagi akong nagpapalro. Minsan, pabilisan sa pagsososolve, minsan naman spelling, minsan quiz bee, minsan binibigyan ko sila ng mga brain teasers at mind games. At ang pinakapaborito nilang gawin, ang pagalingan sa pag-pick up. Hinayaan ko naman silang gawin ang gusto nilang gawin dahil doon nila naipapakita ang kanilang galing. Ang sa akin lang, kahit magkaroon ng ingay ang klase ko, at least nag-eenjoy sila. Gusto kong iparamdam sa kanila na masayang pumasok sa paaralan. Masayang maging bata. Masayang maglaro kasama ng mga kaklase. Masayang matuto sa paraang di ka obligadong mag-aral ng mabuti. Gusto kong ienjoy nila ang buhay kahit pag-uwi nila ay di ganoon kaganda ang buhay.
Nakalimutan kong banggitin na tagumpay yung initial demonstration teaching ko. :) Very good daw ang performance ko sabi ng college supervisor ko. Sana nga wala na akong final demo. Sana.
O siya sige, madalian lang to. Ikukuwento ko na lang sayo yung kabuuang nangyari sa akin pag may oras ulit akong magsulat/magblog. Basta, gusto ko lang malaman mo na su[er nag-eenjoy ako sa ginagawa ko kahit pag-uwi ko ay latang-lata ako. Pero kahit na ganun, natutulog naman akong may ngiti sa labi dahil may bagong bukas nanaman akong mararanasan :)


--Mula sa multiply journal noong Dec 11, 2011

Grad Pic


Tangan-tangan niya ang kanyang larawan habang nagmamadaling lumabas sa pamantasan. Ipagmamayabang niya sa nanay niya na napakaganda niya dito.  Nakikinitana  niya sa kanyang balintataw ang mga salitang mangngagaling sa bibig ng kanyang ina:
“Napakaganda ng ngiti mo dito anak. Hindi ako makapaniwalang gagradwyet ka na ngayong Marso. Ipinagmamalaki kita.”
Mayroon pang panahon.  Kalahating oras pa ang nalalabi bago ang flight ng kanyang ina kasama ng asawang Arabo. Sigurado siya. Magugustuhan ito ng nanay niya.
Ikinulong niya ang larawang ito sa kanyang bisig. Tila isang diamante ang babasaging larawan. Isa pa, galing ito sa kanyang allowance at sweldo sa pagiging student assistant kaya ganoon siya kaingat ditto.
Trapik ngayon sa dadaanan ng dyip dahil sa rush hour. Kailangan niya ng alternatibong masasakyan papunta sa bahay ng asawa ng kanyang ina. Bumaba siya sa may intersection. Sumabit ang plastic bag na laman ang larawan sa kakalawanging parte ng dyip. Napunit ang plastic ngunit nasalo niya ang larawang papahulog na sana. Ngunit huli na nang umilaw ang berdeng bumbilya . humarurot ang mga sasakyang nagmamadali gaya niya. Hindi nabasag ang larawan pero nabasag ang mga buto niya.

Tula at Larawan - Kalipunan ng mga Dagli

Tula at Larawan 
(Kalipunan ng mga Dagli)
ni A.V.R

Drawer
        Habang abala ang aking kababata sa paggawa ng proyekto namin sa MAPEH, lihim kong kinalkal ang drawer niya upang maghanap ng alas sa mga pang-aasar niya sa akin kamakailan lamang. Sa halip, nakatagpo ako ng mga tulang sa palagay ko’y para sa babaeng lihim niyang itinatangi.
        “Huwag mo ngang pakialaman ang mga tula ko, Cheska! Itatapon ko rin lang naman ang mga iyan ‘pag nabasa na niya.” saad niya.
        Kinabukasan, nakita ko ang mga tula sa basurahan. Isa-isa kong pinulot ang mga ito at dinala sa kanya.
        “Bakit mo itinapon ang mga ito, Aaron?” kako.
        “Dahil nabasa mo na.”
Pilas
Napaupo ako sa kama. Mabagal ang aking paghinga’t pagod ang aking isipan. Gabi na’y tila naririnig ko pa ang mga hiyawa’t palakpakang hindi ko alam kung para kanino. Napatingin ako sa tropeo. Makinang. Nakakasilaw. Pagkatapos, ibinaling ko ang  tingin ko sa sampung libong piso. Humahalimuyak ang lutong nito habang natatamaan ng hangin mula sa bentilador.
Dahan-dahan akong lumapit sa mesa. Kinuha ko sa drawer nito ang kwadernong regalo sa akin ng aking kaibigang si Mayumi. Alam niyang nagigiliw ako sa pagsusulat. Alam niyang sasali ako sa patimpalak sa pagsulat ng tula. Ngunit may hindi siya alam na ako lamang ang nakababatid nito.
Hinaplos ng ganid kong kamay ang bakas ng pilas sa kwaderno. Dalawang araw na mula nang pilasin ko ang pahinang iyon na nagdulot sa’kin  upang palakpaka’t hangaan. Maging ang nakalimbag sa diyaryo’y mula din sa pahinang iyon.
Para sa Aking Kaibigan
Ni Angela Buenaventura

At hindi na ako nakatulog.
Kinabukasan, dala ang tropeo, pera at ang pilas na obra mula sa diyaryo, nagtungo ako kina Mayumi.
“Nakita mo pala ‘yung tulang sinulat ko sa kwadernong iniregalo ko sa’yo, Angela?” sambit niya sa akin.
Hagulgol ang sagot ko sa kanya ngunit marahang haplos lamang ang kanyang naging ganti.

Anunsiyo
        Pagkatapos makita ang halaga ng premyong ipagkakaloob sa mananalo sa patimpalak na iyon, dali-dali siyang umuwi’t sinimulang ihagod ang kanyang panitik sa papel. Magdamag siyang gising sa mundo ng mga katha. Tiyak na makukuha niya ang ginto sa patimpalak na iyon.
        Kinabukasan, dala ang susi sa kanyang tagumpay, nakita niyang inaalis ng isang lalaki ang anunsiyong nagbigay buhay sa kanya.
        “Boss, bakit mo inaalis iyan? Tiyak, marami pang interesado diyan!” aniya .
        “Eh, sir, walong buwan na po itong nakapaskil.”
        Inagaw niya ang anunsiyo sa lalaki. Nanlumo siya sa nakita. Sana’y nabasa niya ang petsang nasa ibaba ng anunsiyo.

Graduation Picture
Tangan-tangan niya ang kanyang larawan habang nagmamadaling lumabas sa pamantasan. Ipagmamayabang niya sa nanay niya na napakaganda niya dito.  Nakikinitana  niya sa kanyang balintataw ang mga salitang mangngagaling sa bibig ng kanyang ina:
“Napakaganda ng ngiti mo dito anak. Hindi ako makapaniwalang gagradwyet ka na ngayong Marso. Ipinagmamalaki kita.”
Mayroon pang panahon.  Kalahating oras pa ang nalalabi bago ang flight ng kanyang ina kasama ng asawang Arabo. Sigurado siya. Magugustuhan ito ng nanay niya.
Ikinulong niya ang larawang ito sa kanyang bisig. Tila isang diamante ang babasaging larawan. Isa pa, galing ito sa kanyang allowance at sweldo sa pagiging student assistant kaya ganoon siya kaingat ditto.
Trapik ngayon sa dadaanan ng dyip dahil sa rush hour. Kailangan niya ng alternatibong masasakyan papunta sa bahay ng asawa ng kanyang ina. Bumaba siya sa may intersection. Sumabit ang plastic bag na laman ang larawan sa kakalawanging parte ng dyip. Napunit ang plastic ngunit nasalo niya ang larawang papahulog na sana. Ngunit huli na nang umilaw ang berdeng bumbilya . humarurot ang mga sasakyang nagmamadali gaya niya. Hindi nabasag ang larawan pero nabasag ang mga buto niya.

 Pokus
Ika-isanlibo at walumpu’t  apat na larawan.
  Maganda pa rin si Daffodil  kahit nakalabas ang dila at lumaki ang butas ng ilong niya. Ang mga larawan ni Daffodil  ang nagpapasaya at bumubuhay sa kanya. Para sa kanya, ang mukha ni Daffodil ang pinakamagandang paksa ng kanyang potograpiya. Si Daffodil ang nagpapaganda sa kanyang sining. Si Daffodil at si Daffodil lamang ang magiging pokus ng lente at laman ng kanyang kamera.
Araw-araw niyang kinukunan ng litrato nang palihim si Daffodil. Sa canteen, sa hallway, sa klasrum, sa tambayan nilang magkakabarkada, walang lugar ang di niya kayang kunan basta nariyan siya.  Kahit sa mga di-kagandahang ayos ni Daffodil, walang puwang kay Kevin ang pagtanggi sa mga pagkakataong masisilayan niya ang sentro ng kanyang sining at nagpapaligaya ng kanyang buhay.
Ngunit isang araw, natagpuang nakahandusay ang walang buhay na si Kevin habang hawak niya ang kanyang kamera. Maliban sa botilya ng lason sa kanyang tabi, naroon din ang pinakahuling kuha niya: dalawang abbaeng naghahalikan.
Kaparis
Namumula siya tuwing hinahawakan niya ang larawan ng kanyang kaibigan. Kung paano siya nagkaroon ng isang Adonis na kaibigan ay di niya alam. Para sa kanya, walang kaparis ang makisig na katawan ng binata, at perpekto ang pagkakahulma sa hugis ng mukha nito .Mula ulo hanggang paa, wala siyang nakikitang kapangitan sa lalaki. Pero ang pinakagusto niya sa lahat ay ang mabangong singaw ng kanyang katawan.
Minsan nga, nang napadaan siya sa tindahan ng mga pabango, agad niya binalikan ang halimuyak ng kanyang kaibigan. Tiyak niyang kapag nakita niya ang pabangong iyon, maglalagi ang amoy ng kanyang kaibigan sa kanyang tabi. Maging sa mga panaginip nito, di na siya maglalaho.
“Masaya akong ganito na lang tayo”, aniya sa larawan.
Huhubarin na sana niya ang kanyang sinturon nang tumunog ang kanyang cellphone.
“Hello? Sinagot na ako ni Jane, dre!” anang boses sa kabilang linya. “Allan, andiyan ka pa ba?”
Hindi na siya makaimik dahil biglang tumulo ang kanyang luha. Isang garalgal na “Oo” na lang ang lumabas sa kanyang bibig. 


--Mula sa aking Multiply journal noong Feb 14, 2012

Ang Literatura at Di-Literatura


(Reaksyon Papel sa CEC-F2 - Literatura ng Filipino)

Sa panahong hindi na natin alam kung saan ang ating patutunguhan at laganap ang mga pagbabagong nagaganap sa lipunan, paano nga ba natin sasabihin na ang isa ay ganito, at isa ay ganyan? Dito pumapasok ang sinasabi nating “labeling”. Pero, ano nga ba ang karapatan natin bilang mga taong tagapagpatupad kung ano ang nararapat sa hindi nararapat?

Sa iba’t ibang larangan, mayroon tayong mga tinatawag na “standard” o pamantayan. Sa isang larangan, isang karangalan ang masabing nasunod mo ang pamantayan “nila”. Para masabing magaling ka, kailanagan nating sumunod sa kung anong naayon sa lebel na iyon. Ngunit ang mahirap, paano nga ba tayo susunod sa standard na naipapakita pa rin ang mga karapatan nating gumawa ng mga bagay na sa tingin natin ay nararapat?

Ito ay katulad din ng kung ano nga ba ang magandang literature sa hindi magandang literature. Paano nga ba natin masasabing ang isang akda ay literature? Mayroon ba talagang akdang literature at akdang hindi? Ang sabi ni Eros Atalia, ang mga may kapangyarihang institusyon gaya ng akademiya ang nagtatakda kung ang isang akda ay literature.  Tinatawag natin ang mga standisismong gawa bilang isang mahusay na gawa at ang mga hindi standardized o “di-canonized” ay mababa o walang kwenta.  Ibig sabihin ba nito, kung ang karaniwang mamamayan ay nagbabasa ng “di-literatura”, isa rin siyang mambabasang “walang alam” sa literature? Maging sa panitikan din pala ay may pulitika.

Tinalakay din ni Eros ang deperensya( o kakulangan o di kaya’y abnormalidad)  ng paghahanay sa literature. Bakit nga daw ba tayo naglelebel kung ang isang literature ay pang masa o pop , aktibistang panitikan, pangmagsasakang panitikan o pang-akademyang panitikan? Sa karanasan ko sa akademya, hindi pinag-aaralan ang mga akda nina Bob Ong at iba pang mga akda ni Eros dahil bastos daw, pangmasa at masyadong matabil. Yaong mga akdang dakila at masining lamang daw ang kailangang basahin ng mga estudyante na kung iisipin lang naman, ay binabasa lang namin dahil kasama sa kurikulum at di dahil naroon ang enthusiasm namin bilang mambabasa. Sino nga bang estudyante ( na karamihan ay tamad nang mag-isip) ang magtitiyagang kalkalin ang mga mahihiwagang salita at hanapin ang kanilang kaligtasan sa mga itinakdang akda? At sa panig ng akademya,hindi na daw dapat basahin pa ang mga panitikang isinulat lang dahil sa mapanghimagsik na saloobin.

 Ngunit kung babalikan  natin ang mga tanyag at mahuhusay na manunulat gaya nina Shakespeare at nina Jun Cruz Reyes, isa din sila sa mga manunulat ng “popular literature”.  Sa kasalukuyan, isa na sila ngayon sa mga manunulat na nasa pedestal. Gaya ng sinabi ni Eros, ang literature din ay nagbabago ayon sa panahon at ayon sa hinihingi ng pagkakataon. Maaaring ang isang akda ay tinatawag na mababang panitikan ngayon, ngunit sa mga susunod na henersyon, isa na itong dakilang akda, na ayon pa rin sa mga bagong henerasyon ng institusyon.

Tinalakay din niya na ang pagsusulat ay isang identitidad ng manunulat. Kung nagsusulat ka, hindi mo na kailangang tumulad sa estilo ng iba upang maging isa ka rin sa larangan niya. Gumawa ka ng kakaibang estilong magpapakilala sa iyong sarili. Gumawa ka ng estilong di pa nagagawa sa panahon mo, dahil maraming nagbabago partilukar na sa panlasa ng mga mambabasang pabago-bago at naghahanap ng bago.

Bilang isang mambabasa hindi mahalaga sa akin kung ang isang akda ay “literature” o hindi. Hindi naman ako ganoon kakritikal sa pagpili kung ano ang dapat kong binabasa. Para sa akin, karapat-dapat basahin ang mga akdang isinulat ng buong puso at nagpapahayag ng tunay na damdamin, Ang sabi nga ni Bacon, “read not to dispute or contradict, nor to believe and take for granted, nor find talk and discourse but to weigh and consider”. At bilang nagsusubok na magsulat, ang pagsusulat ay hindi ginagawa para makilala. Ginagawa mo ito dahil masaya kang nasasabi ang saloobin gamit ang lapis at papel. Lahat ay panitikan at lahat ay karapat-dapat basahin at isulat ayon sa pagtimbang mo sa iyong binabasa at sa iyong sinusulat.

-Mula sa aking journal sa multiply

Tokneneng Kami

(Ang tulang ito ay ginawa ko sa workshop sa Literary Seminar 2012 ng The Torch pub. Ang totoo, wala naman talaga akong balak makinig sa seminar ni Ms. Kel Juan, isang miyembro ng Kilometer 64, tungkol sa makabagong estilo ng tula. Una, dahil ang balak ko ay magpunta sa session nina Sir Genaro at Sir Jarin.. Interesado talaga ako sa kwentong pambata at sanaysay. Dahil magkasabay ang session nina Sir Genaro at Sir Jarin, di ako makapagdesisyon kung saan ako pupunta. Dahil nga naman gusto ko din ng bago, naisip kong, bakit di ko subukan ang pagsulat ng tula? Pangalawa, napag-isip-isip ko rin na mas maganda kung sa session ni Ms. Juan ako pupunta dahil pinakanahihirapan ako sa pag-intindi at paggawa ng tula na di gaya sa ibang genre ng panitikan. Dito ko natutunan na ang pagsususlat at di makabuluhan kung wala kang gustong iparating o di dahil trip mo lang. Ang pagsususlat ay walang kwenta kung laging pansarili lamang ang nilalaman (at labis ako doong natamaan). Alam mo dapat kung para kanino ka nagsusulat. 





Noong workshop, sinubukan niya kami kung gaano kami kagaling sa pagbuo ng tula gamit ang di magkakaugnay na salita habang epektibo nitong naipararating sa mambabasa ang nais namin ipahayag. Hindi ko alam kung maayos na ito dahil ako'y nagugulumihanan tsaka birhen pa ako sa mga workshop na tulad nito. Bawat linya ay pilit na pilit talaga,maisingit ko lang ang mga salitang yun. haha)

Lipon ng mga salita: tambutso, usok, kalansing, angil, gulong, bakal, kalawang, busina, pawis, pisbol, tokneneng, pandesal, aircon, yero, gusali, barung-barong

Tokneneng Kami

"Ma, para sa gusaling may aircon"
Dahan-dahan namang ipepreno ng drayber ang dyip.
Aayusin ng mama ang kwelyo't taas noong bababa.
Magpapatuloy ang naaagnas na dyip sa daan.
Biglang sumabit ang maliliit na kamay.
Uupo sa tarangkahan at hawakang bakal.
hihimig, aangil, tatambol, sasayaw.
Ang tanging pumapalakpak
ay ang usok mula sa tambutso.

"Anak ng tokneneng, bumaba kayo diyan!"
Ngunit nagpatuloy ang pagtatanghal 
ng mga batang sabik mag-uwi ng pandesal.
Biglang ipepreno ng drayber ang dyip.
Matutumba ang mga ulila.
Maririnig ang mga kalansing ng ipong barya at
lalabas ang uhog.
Wala silang magawang himagsik
kundi ang ipahid and malagkit
sa pinakamalapit na pasahero

--Mula sa aking journal noong Feb. 23, 2012
http://angkulaylila.multiply.com/journal