Si Pagodong Pagong at ang Dike ng Bahura
“Ayos! Parang maganda itong idagdag sa koleksiyon ko!” nagagalak na sabi ni Pagodong
Pagong.
Pumuslit pa siya ng isa pang kabibe, na bumubuo sa isang
matandang dike na gawa sa coral, putik, at batong hinabi ng kamay ng mga ninuno
ng mga hayop sa dalampasigan. Pinapalakas ng bawat henerasyon ang pader upang
ipagtanggol ang pamayanan sa alon na sumasalpok dito. Ngunit sa kabila ng
lahat, nakatuon lamang si Pagodong sa kabibe, ni hindi niya namamalayan ang
maliit na galaw ng alon sa dike sa kaniyang likuran.
Iniikot-ikot niya ang isang makintab na kabibe sa pagitan ng
kaniyang mga daliri. Sinusukat niya ang bawat tekstura at kislap nito. Tila
nararamdaman niya ang liwanag ng umaga na dumadaloy sa loob ng bato, na parang
isang lihim na hindi niya dapat sabihin sa iba.
Walang dapat makaalam sa kaniyang ginagawa.
Habang pinagmamasdan ni Pagodong ang kaniyang kabibe,
tumahimik siya sandali at marahang yumuko upang kolektahin ang ilang makintab
na bato sa tabi ng dike.
“Isa lang... isa na
lang,” bulong niya sa sarili. Itinago niya ang isang pulang coral sa kaniyang
maliit na bag.
Sa paligid, abala ang pamayanan. Nagtatawanan ang mga alimango
at umang habang naglalaro sa buhangin. Nagtutulungan naman ang mga matandang
pagong sa pagpuno ng bitak sa dike. Ngunit sa bawat pag-ikot ni Pagodong ng
kabibe at bato, tila humihina ang mga batong pinagdugtong-dugtong, at
unti-unting lumalaki ang maliit na siwang.
“Pagodong, tulungan mo na rin kaming magbuhos ng putik dito,” tawag ni Tatay Pagong, na dahil sa katandan ay mabagal ang kilos. Ngunit si Pagodong ay nakayuko pa rin sa kaniyang sisidlan, pilit na pinipigil ang kaniyang sarili. Palihim pa rin siyang nagnanais na kumuha ng mga bato at kabibe para sa kaniyang koleksiyon. Ngunit, may bahagyang kirot sa dibdib, alam niyang parang may mali. Gayunpaman, kumuha ulit siya ng isa pang baton a nakasalnsan sa dike. Hindi naman agad napapansin ng iba ang unti-unting paghina nang dike dahil abala ang lahat sa kanilang tagnawa o bayanihan sa pagpapatibay ng dike.
Araw-araw, habang abala ang pamayanan sa pag-aayos, si
Pagodong ay palihim na nagdadagdag sa koleksiyon niya. May pulang coral, dilaw
na kabibe, at kaunting makintab na bato. Kumikinang ang bawat bato sa kanyang
lungga. Ngunit habang mas maraming bato ang naitatago niya, mas lumiliit ang
kalakasan ng dike.
“Napapansin niyo ba?” tanong ni Manang Ibon , habang
tinatanaw ang pader na dati’y matibay. “Parang nagkakahiwa-hiwalay ang mga
bato.”
“Kailangan nating
palakasin ito bago upang handa tayo sa paparating na daluyong,” sabi naman ni
Tatay Pagong na nakasilong mula sa tabi ng punong niyog at tumingin sa bitak ng
dike. “Halika, Pagodong, kunin mo ang mga batong binuhat ng mga alimango at isalansan
mo sa dike. Lalo pa natin itong patitibayin.”
Agad namang tumugon si Pagodong at nagsimulang magsalansan
ng mga batong koral na binuhat ng mga alimango.
“Para nang nagkakahiwa-hiwalay
ang pader,” bulong niya, habang napagtatanto ang nangyayari sa dike.
Ngunit, ang kaniyang mga mata ay muli na namang napako sa
kumikinang na kabibe na bagong dala ng mga alimango upang isalansan sa dike. Alam
niya, sa puso niya, na mali na naman ang gagawin niya, ngunit hindi niya
mapigilang sumulyap sa bagong makukulay na kabibe.
“Isa lang naman. Marami pa silang mailalagay rito sa dike.
Hindi naman siguro ito kawalan, ” bulong niya ulit sa sarili habang ipinupuslit
ito at itinatago sa kaniyang sisidlan.
At tunay nga, walang nakapansin sa kaniyang pagpupuslit.
Maagang natapos ang pagsasalansan. Ngunit nang umalis na ang mga hayop sa
dalampasigan, naiwan naman si Pagodong na hinahangaan ang mga coral at batong
bagong salansan.
“Teka, wala pa akong koleksiyong ganito,” saad niya habang
kinukuha niya ulit ang isang kabibeng may iba’t ibang kulay, koral na maputi,
at mga batong kumikinang-kinang.
Dumating ang isang gabi, habang inaayos ni Pagodong ang
kaniyang koleksiyon sa kaniyang lungga, lumalakas ang simoy ng hangin. Dumilim
sa kalangitan. Ang itim na ulap ay parang tumakip sa buong Bahura-Bahayan. Nagsimulang
humuni ang hangin. Ang bawat punong niyog ay yumuyugyog sa lakas ng hangin.
Biglang sumalpok ang isang malaking alon sa dike. Bumangga ito
sa dike. Ang tubig, na dati’y pinipigil ng matibay na pader, ay unti-unting
pumapasok sa pamayanan. Tumalon papalayo sa buhangin ang mga batang umang, habang
ang mga alimango ay nagtago sa likod ng mga bato. Tumaas ang nibel nang tubig
kasabay ng sunod-sunod na hampas ng alon sa dike.
Makalipas ang ilang oras, unti-unting nawala ang dike sa
dalampasign. Ngunit, hindi nawawala ng tubig. Unti-unting inabot ng tubig ang
dalampasigang dat’y puro buhangin lamang.
“Naku! Tumataas na ang tubig!” sigaw ni Pagodong habang
sinasakop ng tubig ang kaniyang lungga.
Hindi siya magkamayaw sa pagkuha ng kaniyang mga koleksiyon.
Dahil sa dami, hindi niya madala ang lahat sa kaniyang sisidlan. Ngunit habang
patuloy ang paghampas ng alon at pagtaas ng tubig, ang bawat bato na itinago ni
Pagodong ay unti-unting nilalamon ng tubig. Nakita niya ang lahat ng kaniyang
kinolekta na itinuring niyang kanyang
kayamanan ay lumulutang na sa tubig.
“Hindi puwede...” bulong niya, hawak ang dibdib. Ramdam niya
ang init ng pagkakasala na tumatak sa kaniyang balat. Para bang ang bawat paghampas
ng alon sa kaniya ay parang pagpapalo sa kaniyang kasalanan. Alam niyang siya
ang dahilan ng nangyayari. Sa unang pagkakataon, nakaramdam siya ng tunay na
takot at pagsisisi.
Kinabukasan, parang walang daluyong na nanalasa sa aknilang
pamayanan. Lumabas sa lungga si Pagodong. Dahan-dahang siyang naglakad patungo
sa tabing-dagat. Sa una, akala niya ay normal ang araw, pero pagdating niya sa
baybayin, tumigil siya sa pagkagulat.
Ang dating puting buhangin ng Bahura-Bahayan ay puno na ng
basag na coral at lumulutang na bato.
Napahawak si Pagodong sa kaniyang ulo. “Ito... dahil sa akin
nangyari ito,” bulong niya, ramdam ang kirot sa puso.
Humakbang siya papalapit sa sirang dike at inilagay ang
kanyang mga kamay sa putik at coral. Ramdam niya ang tigas at lamig ng mga bato
at ang putik na basa sa palad niya. “Kailangan kong itama ang mali,” bulong
niya. “Hindi na ito tungkol sa akin lang. Kailangan kong tulungan ang lahat.”
Hindi na siya nag-atubili. Hinawakan niya ang mga bato at
coral na dati niyang itinago at isa-isa niyang ibinalik sa sirang dike. Mabagal
man ang galaw niya, bawat hakbang ay may katapatan at sipag.
“Dito, ilagay natin ang coral,” wika niya sa sarili habang
inaayos ang bawat piraso. Sa tabi niya, ang mga batang alimango at umang na lumapit.
Dala nila ang putik at maliliit na bato.
“Tulungan natin si Pagodong!” sigaw nila, at sama-sama
nilang pinuno ang mga bitak.
“Salamat sa tulong niyo,” wika niya sa mga mga alimango at
umang. “Ngayon, kailangan pa natin ng mas mataas at mas matibay na dike, upang
maging ligtas na ang lahat.”
Natuwa ang mga hayop sa dalampasigan.
“Mabuhay si Pagodong! Isa siyang Bayani!” sigaw ni Tatang
Tagak.
“Mabuhay!” sigaw naman ng iba.
Ngunit sa puso ni Pagodong, hindi siya natutuwa, dahil hindi
alam ng mga hayop na siya ang dahilan ng pagkawasak ng dike.
Matapos ang ilang minutong kaguluhan, huminga siya nang
malalim. Lumapit siya sa matatanda, humarap sa lahat ng hayop, at umamin.
“A-ako po ang kumuha ng mga bato mula sa dike,” ani niya,
nanginginig ang boses. “Dahil sa pag-iimbak ko ng mga bato para sa sarili ko... humina ang pader at halos malunod ang lahat.”
Tumahimik ang lahat. Ang ilan ay nagulat, ang iba’y lungkot
ang nakikita sa mga mata. Si Tandang Pagong, matanda at mahinahon, ay lumapit.
“Ang pagkakamali ay hindi lamang kasalanan, Pagodong,”
aniya, at pinagmamasdan siya mula ulo hanggang paa. “Ito ay responsibilidad. Alam
naming inagsisihan mo na ito at gumawa ka nang tama.”
“Maraming salamat. Akala ko, magagalit kayo sa akin,”
malumanay na sabi niya.
“Huwag mo nang isipin iyon. Ang mahalaga, naayos natin ang
dike,” tugon naman ng matandang pagong.
Sa wakas, matapos ang ilang araw, natapos nila ang matibay
na dike bago dumating ang susunod na bagyo at daluyong. Ligtas na ang
Bahura-Bahayan.
Bagaman pagod, si Pagodong Pagong ay ngumiti ito nang
matamis. Hindi na niya iniipon ang mga bato upang gawing koleksiyon. Sa halip, iniipon
niya ang mga bato upang isalansan sa dike. Pinagmamasdan niya ang kaniyang mga
kaibigan, at ramdam niya na ang tunay na kayamanan ay ang kasiyahan ng pagiging
responsable at pagtulong sa iba.
Tuwing madaling-araw, makikita mo si Pagodong sa tabi ng
dike, mabagal man ang kilos, ngunit laging una sa pagtulong, maingat, at
mapagmatyag sa bawat galaw ng alon at hangin. At sa bawat pagtingin niya sa
pamayanan, alam niyang ang tunay na yaman ay hindi sa bato o kabibe, kundi sa
puso ng bawat hayop sa Bahura-Bahayan.
(Ang Kuwentong Pambatang ito ay lahok sa Saranggola Awards 2025)
https://saranggola.org.ph/#/pages/login
Maraming salamat sa sponsor ng patimpalak na nasa ibaba:













