Saturday, February 28, 2015

TAKAS



(malayang taludturang tula)

Ang dilim ang naghatid sa ating dalawa
                na mamulat sa hubad
na katotohanang kapwa tayo uhaw
sa pagmamahal.
At kung kapwa tayo sabik
sa atensiyong sa ati’y ipinagkait
samahan natin ang isa’t isa
sa biyaheng palangit

Kapwa natin yakapin
ang paghuhusgang sa ati’y ibinato
pagkat mas masalimuot
ang pagtatanggol sa sarili
sa husgadong sa puti lang
nakapako.

Hubaran natin ang isa’t isa
habang nagpupuyos an gating mga labi
sa paglalakbay sa ating
mga katawang nilatayan
ng kawalang puri.

Hawakan natin ang isa’t isa
pareho nating lakbayin
nang walang alinlangan
ang daanan tungo sa kawalan.
Saka natin kilalanin
ang lalim ng isa’t isa,
magpapahulog sa katauhang
labis nating inaasam

Gagalaw, sasayaw, iindak
sa ritmong tayo lang
ang nakakaalam
Sisisgaw, bubulong, await
sa musikang likha
ng sarili nating sining
at pagsapit ng umaga’y
muli tayong magbabalik
sa seldang inobra
ng mapanghusgang tingin
hanggang sumapit ulit ang dilim.

No comments:

Post a Comment