Saturday, February 28, 2015

Tiyan



Sa dagat ng mga metal na bagay
Naroo’t may nilalang na naglalahad ng kamay,
Kumakatok sa bintana ng bawat sasakyan
Ang gayak ay basah’t may grasa ang katawan.


Dala ang yapak na hindi sinapinan
Ramdam ang init sa maduming daanan
Ang mga kuko’y mahahaba’t sing-itim ng aspalto
Tumutulo ang pawis, naririnig ang pag-ubo.


Ang tihayang palad, barya ang laman
Pamatid uhaw, pumupuno ng tiyang kumakalam
Kahit bente singkong tangan ng munting kamay
Ngiting alanganin ang sa mukha’y matutunghay.


Sa dagat ng mga metal at kotseng kumikinang
Naroo’t nakapo ang bundat na nilalang
Nakatunghay sa bintana ng kanyang sasakyan
Nakagayak ng mamahaling ginto sa katawan.


Dala ng paa ang pilak na sapin
Among ang pabangong sa Paris binili.
Mga kuko’y napinturahan ng mamahalin
Ang katawan ay pinuno ng gintong palamuti.


Tikom ang palad, kahit humihiga sa pera
Busog ang tiyan, ang magara ang dighay.
Kahit ang halaga ng sasakya’y isa lang barya
May ngiti pa ring di mawari kung ito’y tagumpay.

No comments:

Post a Comment