Thursday, October 25, 2018

Ang Halimaw sa Katawan ni Harry





                Lumalaki ang mga mata ng guro namin sa Filipino na si Binibining Amy. Lumalabas na ang kanyang mga pangil, tumatalas ang kanyang mga kuko, lumalakas ang kanyang dagundong.

                 Dahil sa takot, nakaihi tuloy sa kanyang salawal si Gino. Dahil sa takot, nangatog ang tuhod ni Joshua. Dahil sa takot, nahulog ang bolpen ni Aira. Pakiramdam ko, lahat ng takot na nararanasan ng mga kaklase ko ay dahil nanaman kay Harry. Siya lang kasi ang may kapangyarihang gawing halimaw ang aming mga guro.

                Noong nakaraang Lunes, naging parang Kapre si Sir Alvarez. Sa sobrang lakas ng kanyang sigaw, halos mabasag ang aming bintana. Paano kasi, hindi nanaman ginawa ni Harry ang kanyang Takdang-Aralin. Nagalit tuloy si Sir Alvarez sa klase. Kaya naman noong recess na, hindi na namin kinausap si Harry. Kasalanan niya kasi kung bakit binigyan kami ni Sir Alvarez ng sangkaterbang Takdang-Aralin.

               Noong nakaraang Martes, umiyak si Annie. Ginunting kasi ni Harry ang kanyang backpack habang nagsasagot kami ng aming mga gawain sa Mathematics. Nakita namin kung papaano nagpalit ng anyo si Ginang Lorenzo. Para siyang mangkukulam habang nagagalit. Kaya naman noong recess na, hindi kami nakipaglaro sa kanya dahil baka ng aming mga  buhok naman ang kanyang isusunod.

               Noong nakaraang Miyerkules, kinabahan kaming lahat sa klasrum. Naging bakunawa kasi si Ginoong Ignacio. Kahit hindi kami mga buwan, pakiramdam ko, lalamunin niya kaming lahat! Paano kasi, nabato ni Harry ng bola ang bumbilya sa loob ng aming  klasrum  habang ginagawa namin ang aming experiment tungkol sa gravity. Kaya naman noong recess, ipinatawag siya sa Principal’s Office.

                Noong nakaraang Huwebes, nagtakbuhan kaming lahat papalabas ng klasrum! Hinahabol kasi kami ni Harry habang hawak-hawak niya ang isang gagambang malaki. Nalaman ito ni Ginang Perez, ang aming guidance counselor. Kaya naman, agad niyang ipinatawag si Harry sa kanyang opisina. Nakahinga kami nang maluwag. Patapos na ang recess ngunit hindi pa rin pinapalabas ni Ginang Perez si Harry sa kanyang opisina. Pinaparusahan na kaya siya doon?
Ngayong Biyernes, lumiban sa klase si Harry. Payapa ang aming daigdig. Walang Harry na nangugulo, walang Harry na sumisigaw, walang Harry na takbo nang takbo, at walang Harry na dahilan kung bakit nagiging halimaw ang aming ga guro.
               “Hindi ba’t kakaiba ang ating klasrum na wala si Harry?” tanong ni Ginang Liwanag, ang aming adviser.
Tama nga si Maam. Hindi na maingay gaya ng dati. Hindi na kasing sigla gaya ng dati. Hindi na kasing saya gaya ng dati. Kahit ginagawang halimaw ni Harry ang aming mga guro, siya naman ang nagpapatawa sa amin kapag wala pang klase. Siya ang nagpapasayaw sa amin kapag nababagot kami. Siya ang nang-aaliw sa amin sa pamamagitan ng kanyang mga kembot at mga galaw na mala-kiti-kiti.

               “Ma’am, nasaan po si Harry?” tanong ni Joshua na takang-taka.

               “Nasa espesyal na doktor si Harry. Kailangan niyang malaman kung may halimaw  ba na kumikiliti sa kanyang katawan kaya galaw siya nang galaw at nakakagawa ng mga bagay na hindi kanais-nais,”sagot ni Ginang Liwanag.

               Binalot ako ng pagtataka kaya  napatanong ako, “Kinokontrol po ba ng halimaw na iyon ang katawan ni Harry kaya minsan, hindi na alam ni Harry ang kanyang ginagawa?”
               “Maaari, Charice. Kaya hinihiling ko na tulungan natin si Harry upang layuan siya ang halimaw na iyon,” sagot ni Ginang Liwanag sa akin. “Ngunit huwag kayong matakot at mag-alala, ang halimaw na iyon ay hindi mananakit ng mga batang mababait na katulad niyo,” dugtong pa ni Ma’am.

               Nagtinginan kaming magkakaklase. Ang iba’y nagbubulungan, hindi makapaniwala sa sinapit ni Harry.
      
              “Kaya pala!” bulalas ni Annie. “Kasalanan ito ng halimaw sa loob ng kanyang katawan!”

               “Ano po ang maitutulong namin kay Harry, Maam?” tanong ni Aira.

               “Kailangan lamang ni Harry ng ating malawak na pang-unawa. Nais lamang ng halimaw na magalit tayo kay Harry dahil ayaw niyang magkaroon siya ng maraming kaibigan. Kaya para lumayo ang halimaw sa loob ni Harry, kailangan nating siyang intindihin at dapat kayong maging mabuting kaklase sa kanya nang sa gayon, wala nang Harry na nagpapainit sa ulo ng inyong mga guro,”sabi ni Ginang Liwanag.

                Tumango-tango ang lahat. Naiintindihan ko na kung bakit ganoon si Harry. Upang hindi na magkaroon ng pasaway na Harry sa aming klasrum, tutulungan namin siyang mapaalis ang halimaw na iyon sa kanyang katawan.
Nang sumunod na Lunes, pumasok si Harry nang may dala-dalang kuting. Lumapit kami sa kanya upang makita ang kanyang dala-dala.

               “Nakita ko ito sa abandonadong lote. Tara! Pakainin natin!” nagagalak niyang sabi.

                Sinunod namin siya. Binigyan namin ang kuting ng tinapay at kapirasong karne mula sa aming mga dalang baon. Masaya naman si Harry dahil sumisigla ang kanina’y mahinang kuting. Aalagaan na raw muna niya ito habang hinahanap ang may-ari ng pusa.


               Simula ng araw na iyon na nakikipagkita sa doktor si Harry at nakausap kami ni Ginang Liwanag, hindi na nagpapalit ng anyo bilang halimaw ang aming mga guro. Kagaya namin, mas pinagtutuunan nila ng pansin kung papaano hindi magigising ang halimaw na nagpapahamak kay Harry. Nagpasalamat  si Ginang Liwanag sa amin sa pag-iintindi ng kalagayan ni Harry. Alam ko, sa mga darating na panahon, lalayas na ang halimaw sa kanyang katawan dahil maraming siyang kaibigang  tumutulong at umiintindi sa kanyang kalagayan.





Ang kwentong pambatang ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 10.


www.sba.ph




No comments:

Post a Comment