Monday, October 22, 2012

Si Sir Pat Villafuerte (P.S. Hindi ito talambuhay niya)


Si Patrocinio Villafuerte 


Patrocinio Villafuerte – Una kong nakita ang pangalang ito sa aming libro sa Filipino noong ako ay labintatlong gulang. Matikas tignan. Kagalang-galang na pangalan. Ang una kong naisip, isa itong nakakatakot na pangalan, makaluma ngunit may awrang respetado. Iba-iba ang naiisip ko sa pangalang ito noon. Hindi ko malaman kung bakit interesado ako sa pangalang ito. Pero nang lumaon, kahit anong tanong ko sa aking sarili kung ano ang itsura ng may-ari ng pangalang ito, mukhang wala din naman akong mapapala. itinigil ko na din ang pag-iisip. Marahil, isa lamang siyang mama na gustong magsulat at magbigay ng kwento sa kanyang mambabasa. Inilipat ko na lamang ang aking pansin sa laman ng kanyang kwento.
Habang binabasa ko ang isinulat niyang "Si Rolly Boy, ang Bisikleta at Ako", lagi kong tinatanong, siya kaya yung may-ari ng bisikleta? Ano kaya ang ayaw ng asawa niya sa pagiging manunulat niya? Kung siya man iyong taong may-ari ng bisikleta, napakalungkot naman ng kanyang buhay. Ano kaya ang mali sa pagiging manunulat? 
              Sabagay, noong nasa elementarya ako, talagang napakahirap magsulat. Pinakaayaw ko noon ang pagsulat ng sulating impormal. Masyadong personal. Masyadong kinakalkal ang iyong pagkatao. Laging paulit-ulit ang mga paksang isinusulat mo. Pero itong si Patrocinio, nakuha pang ikwento ang buhay niya at si Rolly Boy at ang bisikleta niya. Kakaiba!

"Juancho, Juanito, Tinedyer" ni Patrocinio Villafuerte.

            Si Mang Patrocinio nanaman! Ilan na kayang kwento ang naisulat niya? Kailan niya kaya nakilala sina Juancho at Juanito? Nakita niya kaya ang saranggolang pinalipad ni Juancho? Kapitbahay niya kaya sila? Ito ang pangalawang beses na nkita ko ulit ang pngalan niya sa babasahin. Hindi ko kilala ang taong ito pero nahihikayat niya akong magbasa ng panitikan. Noong una, medyo hindi ko maintindihan ang kanyang mga ibig sabihin dahil sa lalim ng mga salitang ginagamit niya. Hindi ako purong tagalog at tamad ako noong umintindi ng panitikan kaya nangangapa pa ako. Mula noong mabasa ko ang kanyang mga sinulat, nagsikap akong magbasa ng panitikan ng mga matatanda kahit ang kaya ko lang basahin ay mga kwentong pambata. Nang lumaon, kahit hindi na sinasabi ng aming guro na magbasa kami, nagbabasa na ako. Nagustuhan ko na rin ang mga kwentong isinulat ni Genoveva Matute, Liwayway Arceo at iba pang mga kwnetong nasa librong "Gangsa" na pinatnugutan din ni Patrocinio Villafuerte at iba pa. Minsan nga, naisip ko, magkakaibigan kaya itong mga manunulat na ito? Ano kaya itong Palanaca awards na ito? Kung ano man tong award na ito, si Palanca lang siguro ang nakakaalam. Basta nagpapasalamat ako kay Palanca dahil nakapili siya ng magagandang kwento at ipinananalo niya si Mang Patrocinio.

               Mahirap na talaga kapag nag-aaral ka ng Filipino sa high school. Hindi lang puro kwentong bata ang dapat mong basahin. At, hindi lang puro simpleng pagsusulat ng sulatin ang alam mo. Hindi na puro literal ang ibig sabihin ng mga kwento. May mga malalalim na ring kahulugan ang nababasa mo. Minsan, kung ano iyong alam mo ay malayo pala sa totoong kahulugan nito. Pero dahil kay Patrocinio Villafuerte at ang mga akda nito, naenjoy ko ang panitikan sa paraang hindi ko naranasan noong hindi pa ako nakakabasa ng "tunay" na panitikan. Hindi rin nagtagal, sinubukan ko na ring buksan ang puso ko sa pagsusulat.

             Nang magtapos ako sa hayskul, nakilala ako sa aking talento sa pagsusulat (kung talento man ito o pakitang-gilas lamang). Nananalo na kasi ako sa mga pagsulat ng sanaysay. Matataas ang marka ko sa aming mga sulating pormal at impormal. Naging ulong patnugot ako sa aming pahayagan sa paaralan sa loob ng dalawang taon. Isa lamang ang idolo ko sa pagsusulat – Si Patrocinio Villafuerte. Noong panahong iyon, siguro uugod-ugod na siya. Pero kahit na ganoon, ako pa rin ang numero unong tagahanga niya!

               Kolehiyo. Nagpasya akong maging guro. Pinag-aral ako ng mga magulang ko sa Maynila. Malungkot man akong umalis sa aming probinsya, dala ko pa rin ang sabik na magkaroon ng panibagong karanasan. Pumasok ako sa Philippine Normal University. Hindi ganoong kaganda ang pangalan. Bakit kaya mayroon pang "normal" sa pangalan? Pero sabi ng pinsan ko, kilalang-kilala daw ang pamatasang ito sa komunidad ng kaguruan. Nalaman kong ito pala ang unang paaralang pinagturuan ng mga "Thomasites". Nakakatuwa! Dati, sa mga librong kasaysayan ko lang ito nababasa. Ngunit ngayon, mapupuntahan ko na ang paaralang iyon. At para sa karagdagan ng aking kaalaman, Philippine Normal School pala dati ang pangalan nito! Bakit kaya noong nasa elementary ako, di man lang binaggit na ito pala ang pangalan ng paaralang iyon? Napakarami talagang nakakatuwang bagay ang aking nadiskubre. Ngunit ang pinakaikinatuwa ko sa lahat ng mga ito ay ang nalaman kong buhay pa pala si Patrocinio Villafuerte at isa siyang propesor sa pamantasang ito. Gusto kong lumundag sa tuwa. Gusto kong isigaw sa buong mundo na magkakasama kami sa isang pamantasan ng idolo kong manunulat! Sa pamantasan ding ito pala dating nagturo si Matute. Astig!
Si Patrocinio Villafuerte pala ay di lang isang manunulat. Isa din siyang makabayang guro. Ilang beses na akong nakikinig sa kanyang mga seminar at hindi ko pa rin  maiwasang matulala sa kanya. Hindi lang pala siya isang magaling na manunulat. Isa din siyang nakakaaliw na tagapagsalita. Marami akong natutunan sa kanya lalo sa sa mga kwento niyang mahirap paniwalaan ngunit mag-iisip ka talaga at masasabi mong "Oo nga noh". 

            Sayang nga, at sa apat na taon kong pamamalagi sa pamantasang iyon, hindi ko man lang siya naging guro sa Filipino nang matagalan. Naging guro namin siya nang tatlong araw sa Panitikan ngunit ibinigay niya kami sa alam daw niyang mas magbibigay ng kaalaman sa amin tungkol sa Panitikan. Nagpapasalamat din ako kay Sir Pat dahil nakilala ko ang naging isa sa mga naging idolo ko, si Sir Genaro Gojo Cruz.  Ang dalawang taong ito, parehong magaling na guro at manunulat, parehong pilantropo at matulungin, ay parehong naging inspirasyon ko.
Hindi man naalala ni Sir Pat ang pangalan ko, o ang mukha ko noong unang nakausap niya ako, pero sa puso't isipan ko, hindi ko siya kakalimutan. Hindi man niya ako pinapansin kapag nagkakasalubong kami sa koridor, o tinatawag sa kanyang mga seminar, siya pa rin ang unang manunulat na hinangaan ko. Kahit na graduate na ako at marahil, hindi niya maalala na naging estudyante niya ako sa loob ng tatlong araw, siya pa rin ang naaalala ko kung bakit nahilig ako sa pagsusulat. Hindi ko man mabanggit kung ilan ang mga gantimpalang nakuha niya, ilang aklat at kwento ang naisulat niiya, ilang tao ang natulungan niya at ilang estudyante ang natuto sa kanya, aasahan ni Sir Pat na hinding-hindi ko siya makakalimutan. Dala-dala ko sa puso't ispian ko ang walang kamatayan niyang mga obra at mga salita. Dala-dala ko sa puso't isipan ko ang mga rarl na natutuhan ko sa kanya. Siya ang lagi kong iisipin kung gusto kong magsulat. Siya ang iisipin ko kung gusto kong magmulat.

3 comments:

  1. May I have permission to use this article on Pat Villafuerte? He was my high school friend and classmate.

    ReplyDelete
  2. Okay lang po. Salamat po sa pagbabasa!

    ReplyDelete
  3. Ako ay isang Taga-Zamboanga City na nag-aaral sa Ateneo de Zamboanga University, kasalukuyan kong kinukuha ang asignaturang Filipino bilang aking asignaturang pagpapakadalubhasaan. ngayon kami ay naatasaang magsaliksik o kumalap ng mga ideya o imporamasiyon tungkol sa mga talambuhay ng mga bihasang manununulat, isa na nga rito ay si G. Pat Villafuerte, at sa puntong ako'y nangalap ng impormasiyon ay nadala ako ng tadhana na mabasa itong munting Blog, Oo, ito'y munting blog lamang dahil nakatulong ito sa akin ng husto upang mas malaman ang talambuhay ni G. P.V, isa nga siya sa mga hindi matatawaran ang galing sa laranagan ng pagsusulat. maraming Salaamat po sa nagbahagi ng kuwento tungkol kay G. P.V.

    kung maari po kung sino pa po ang may nakakaalam ng buhay ni G. P.V. gaya ng kanyang araw ng kapanganakan at mga detalyadong impormasiyon.

    Maraming salamat po!!!

    ReplyDelete