Wednesday, September 5, 2012

Ako at ang mga Kwentong Kontra-Biyahilo


Ako at ang mga Kwentong Kontra-Biyahilo

        Aaalis nanaman sina Nanay, Tatay, Ate Mira at Popoy. Maiiwan nanaman ako sa bahay na kasama si Lola. Magsisimba sila sa bayan. Pagkatapos, bibili sila ng bibingka at bananaque na paborito kong pasalubong.  Bibili din sila ng bago naming damit dahil sumahod na si Tatay. Kami ni lola dito sa bahay, manonood naman kami ng tv. Pagkatapos, kukuwentuhan niya ako ng mga kwentong may mahika, mangkukulam, prinsesa at ang paborito kong pakikipagsapalaran nila noong panahon ng hapon.

        "Ano pa ba ang gusto mong kwento? Halos naikuwento ko na lahat sa iyo, apo" tanong sa akin ni Lola nang nakita niyang humikab ako.

        "Kahit ano Lola, basta kwento mo,"sagot ko naman.

        "Iho, mauubusan na ako ng kwento. Hindi lagi-lagi ay makakapagkwento ako sa iyo pag wala dito sina Tatay mo. Ako'y matanda na. Ikaw ay tumatanda na rin. Kailangang sumama ka na rin sa kanila sa bayan  paminsan-minsan. Hanggang kailan ka ba magiging hiluhin sa biyahe?" tanong niya sa akin.

        Hindi ko rin alam ang sagot doon. Bakit kaya hindi ako tulad ng mga bata na gustong-gustong sumama kahit saan. Noon pa lang, isa na akong biyahilo. Dahil malayo ang bayan mula sa amin, kailangan mo pang sumakay sa traysikel. Kaya, kapag pumupunta sina Tatay sa bayan, hindi ako sumasama sa kanila. Nasusuka kasi ako. Nahihilo ako sa biyahe. Parang lalabas ang aking bituka at parang bumibilis ang ikot ng mundo kapag nasa biyahe ako.

        Naalala ko pa noon minsan, hindi ko na maituwid ang lakad ko noong pagbaba ko ng traysikel dahil sa sobrang hilo ko. Ayoko talaga ng usok! Ayoko ng maingay na makina ng traysikel! Ayoko sa alikabuk! Ayokong bumiyahe!

        Noon namang minsang dinalaw namin si Tita sa Maynila, putlang-putla ako. Limang beses akong nagsuka sa loob ng bus. Mula noon, hindi na ako sumasama kina Tatay kung kailangan pang bumiyahe. Bakit ba kasi hindi pwedeng  makapunta sa iyong paroroonan sa isang segundo lamang?

        "Manang-mana ka sa akin. Hindi din ako sanay bumiyahe noong kabataan ko. Paano kasi, kapag nagpupunta kami sa bayan, naglalakad lang kami noon. Wala pa naman kasing maraming traysikel noon. Bihira lang kung may dumaan. Eh, kung mayroon mang dadaan, hindi din kami sasakay. Bukod sa namamahalan kami sa pamasahe, wala kaming perang pambayad," ani Lola.

        "Bakit Lola, magkano ba ang pamasahe noon? Nasa isanlibo ba?"

        "Ay naku apo! 20 sentimos noon ang pamasahe!"

        "Hindi naman mahal yun Lola eh! Ang mura naman pala!

        "Ay ano ka, ang piso noon ay marami nang mabibili! Iba ang halaga ng pera noon at ngayon. Kaya maswerte kayo at mas maginhawa kayo ngayon. Mayroon na kayong pera kapag gusto ninyong sumakay sa mga sasakyan!"

        "Hmm,  basta Lola, ayokong sumakay sa traysikel, sa dyip, sa bus at kung anumang sasakyan Lola!"

        "Alam mo apo, sanayan lang iyan. Tignan mo ako, noong nasanay na akong bumiyahe, parang ayaw ko na noong bumaba sa sasakyan. Masarap bumiyahe apo, habang bata ka pa. Dahil kapag matanda ka na, madali ka nang mapagod."

        "Ganoon ba Lola? Pero hindi ko naman planong bumiyahe o umalis dito kahit lumaki ako."

        "Hay naku apo. Ang tao, kailangan din ng taong makakita ng ibang bagay. Gaya ng mga bukirin, sapa, ilog, at kabundukan. Hindi habambuhay ay nasa bahay ka. Mag-aaral ka pa ng hayskul at  kolehiyo. Maghahanap ka pa ng iyong trabaho. Baka mula sa iyong paglalakbay, matagpuan mo ang mamahalin mo. Ang taong takot maglakbay ay hindi nakakaalis sa kanyang kinalalagyan. Gusto mo bang lagi kang naiiwan dito? Aba'y hindi habambuhay, may kasama kang maiiwan."

        "Hay Lola. Sana nga hindi ako biyahilo."

        "Ganito apo. Hindi ka na mahilo, samahan mo akong maglakbay. Ipikit natin ang ating mata. Isipin mong nasa traysikel na tayo"

        Sabay naming ipinikit ang aming mga mata.

Brooom! Broom! Umaandar na ang traysikel. Gumagalaw na kami. Broom! Broom! Umiikot na ang gulong. Handa na kami ni Lola sa aming biyahe!


        "Nakikita mo ba iyang bukirin apo? Hindi ba't kay gandang pagmasdan ang mga butil na anumang araw ay maari nang gapasin? Pagkatapos silang magapas, sila din ay bibiyahe sa kung saang pamihilan sila mapapadpad."

        Oo nga. Kay sisipag ng mga magsasaka sa pagtatanim ng mga palay! Kapag humangin ay para silang alon!

        "Narito na tayo sa may tulay. Nakikita mo ba ang sapa apo? Diyan kinukuha ang tubig para sa irigasyon ng palay. Kay linaw ng tubig! Maari mo itong gawing salamin. Makikita mo ang iyong sarili sa tubig. Ang tubig na dumadaloy ay  bibiyahe sa kanilang destinasyon. Ang iba ay sa palayan, ang iba'y tutungo sa baybayin."

        Oo nga! Gusto ko tuloy bumaba sa traysikel para magtampisaw sa tubig!

        "Oh, kukurba na tayo! Nakikita mo ba iyang Kabundukan apo? Malapit na sa langit ang tuktok. Kay tatayog nila! Balang araw, mas magiging matayog ka kaysa sa kanila. Wag ka lang matakot akyatin ang iyong mga pangarap"

        Oo nga. Kapag hindi ako matatakot, baka marating ko pa ang kabilang dako niyon. Ano kaya ang makikita ko sa kabilang dako ng bundok?

        "O apo, malapit na tayo sa bayan. Nakikita mo ba iyang mga hilera ng mga itinitindang pakwan? Iyang mga pakwan ay iluluwas sa ibang bayan. Mas magiging mahal ang halaga nila doon. Kung makikipagsapalaran ka, baka mas makakahanap ka ng ibayong palad. Kaysa naman nag-aantay ka lang ng pasalubong sa bahay. Kung nakasama ka kina tatay mo, baka mas nakapili ka pa ng kakainin mo."

        Oo nga! Mabuti pa ang pakwan, nakakapunta sa ibang bayan! Maswerte ang kakain sa kanila! Matitikman nila ang lambot ng laman at tamis ng katas nito! Hindi gaya ko na baka hindi ako makilala ng iba kung nasa bahay lang ako.

        "O, apo, malapit na tayo sa bayan. Nakikita mo ba iyang mga kabayahan? Kay gaganda ng mga bahay ano? Mauunlad siguro ang mga may-ari niyan.  Ano sa palagay mo ang dahilan kung bakit naabot nila ang kanilang pangrap?

        'Hindi po sila natakot makipagsapalaran?"

        "Tama apo! Maaring nakarating na sila sa ibang lugar, nagsipag at naging maunlad. Dahil diyan, may bananaque at bibingka ka sa akin!"

        "Talaga Lola? Hehe" tuwang-tuwang sambit ko.

        "O ano apo, balik na tayo sa bahay?" tanong ni Lola.

        "Bakit pa Lola, eh nasa bayan na tayo. Hindi ba tayo pwedeng tumira na lang sa bayan? Maraming nabibili, maraming bibingka, maraming bananaque, at kung anu-ano pa!"

        "Saan ka man nakarating apo, wag mong kalimutan ang iyong pinagmulan. Gaano man kalayo ang iyong narating, mas masarap pa rin kung babalikan mo ang iyong tahanan. Kaya kapag lumaki ka na at napadpad ka sa ibang lugar, wag mo kaming kakalimutan. '

        "Oo naman Lola. Saan man ako makarating, Kayo pa rin ang da best!" sabay taas ng akong hinlalaki

        "Ikaw talaga apo! Ano, imulat na natin ang ating mga mata. Nag-enjoy ka ba sa ating paglalakbay?"

        "Opo Lola! Sasanayin ko na po ang aking sarili sa biyahe para makarating ako sa iba't ibang lugar!"sagot ko naman." sabi ko.

        "Lagi mong tandaan apo. Sa iyong paglalakbay, wag mong masyadong isipin kung gaano katagal ang biyahe mo o kung ilang oras pa ang nalalabi sa iyong biyahe bago ka makarating sa paroroonan. Wag mong isipin ang ingay ng makina ng sasakyan o ang usok na ibinubuga ng tambutso. Ang kagandahan sa pagbibiyahe ay nakikita sa paglalakbay mo mismo. Lasapin mo ang simoy ng hangin, hangaan mo ang mga nakikita mong tanawin at sulitin mong makita ang ibang pang mga bagay na nakikita sa daan. Makikita mo, hindi mo mamamalayan ang oras at hindi ka mahihilo't masusuka." Ani Lola.

        "Opo Lola!" ani ko habang yakap-yakap ko siya.


        Kaya naman noong  Linggo, mas maaga pa akong nagbihis para sumama sa pagsisimba sa bayan. Tama si Lola, masarap bumiyahe. Pero mas masarap bumiyahe pag kasama sina Tatay, Nanay, Ate Mira, Popoy at siyempre si Lola.  Masarap pagmasdan ang bukirin, ang sapa, ang kabundukan,ang mga kumpol ng pakwan sa daan, at ang mga kabahayan.

        Sayang nga, at ilang taon ko na lang nakasama sa pagpunta sa bayan si Lola. Binawain na siya ng buhay apat na taon mula noong kunwaring biyahe namin. Pero salamat sa kanya, hindi na ako natakot bumiyahe. Kaya naman, bago namin siya iniwan sa kanyang himlayan, binigyan ko siya ng gamot kontra-biyahilo. Sabi kasi ni nanay, ibang paglalakbay daw ang gagawin ni Lola. Hindi man namin siya makakasama sa aming biyahe, baon ko naman  ang aking gamot kontra biyahilo – ang kanyang mga kwento.

---------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Ang maikling kwentong pambatang ito ay nanalo ng Unang Gantimpala sa Maikling Kwentong Pambata sa 4th Saranggola Blog Awards

3 comments:

  1. na miss ko tuloy lola ko... okay ang ending... ang kwento ng lola niya ang pinaka mabisang gamot ^__^ Good Luck!

    ReplyDelete
  2. ang gaan basahin .. Gusto ko din ang moral lessons :)

    Gudlak po.

    ReplyDelete