Sunday, April 29, 2012

Pamamalantsa


 Pamamalantsa
Ni Alma V. Reynaldo

Pagkatapos ng bakbakan sa bula’t bareta,
Ibibilad ang tela pagkatapos mapiga.
Sa sikat ng araw, ang tubig ay mawawala.
Sa ihip ng hangin, ang basa’y tuyo na.

Pagkasakay sa kabayo, takbo rito, takdo doon.
Parang paglalakbay na ginugunita ang kahapon.
Pilit na itatama ang lahat ng kamalian,
Pilit aayusin ang gusot sa kasuluk-sulukan.

Mula sa itaas, pababa, ang kwelyo din ay dadaanan,
Paharap, patalikod, sa bulsa, at tagiliran.
Upang lutang ang liston, ang bakal ay didiinan.
Patuloy ang pagpapadulas at ang init ay pakikiramdaman.

Damang-dama ng kamay ko ang init ng singaw,
Na nagmumula sa mainit na mainit na bakal.
Tsaka isasayaw ang kamay kong nagpapawis,
Tsaka itutulak ng mabilis na mabilis.

Kay gandang haplusin ang telang payapa,
Na sa alon ay nakaligtas nang ang bagyo’y tumila.
Kaya mas mainam na habang maaga pa,
Isampay ng maayos ang delikadong tela.

No comments:

Post a Comment