Sunday, April 29, 2012

Pamamalantsa


 Pamamalantsa
Ni Alma V. Reynaldo

Pagkatapos ng bakbakan sa bula’t bareta,
Ibibilad ang tela pagkatapos mapiga.
Sa sikat ng araw, ang tubig ay mawawala.
Sa ihip ng hangin, ang basa’y tuyo na.

Pagkasakay sa kabayo, takbo rito, takdo doon.
Parang paglalakbay na ginugunita ang kahapon.
Pilit na itatama ang lahat ng kamalian,
Pilit aayusin ang gusot sa kasuluk-sulukan.

Mula sa itaas, pababa, ang kwelyo din ay dadaanan,
Paharap, patalikod, sa bulsa, at tagiliran.
Upang lutang ang liston, ang bakal ay didiinan.
Patuloy ang pagpapadulas at ang init ay pakikiramdaman.

Damang-dama ng kamay ko ang init ng singaw,
Na nagmumula sa mainit na mainit na bakal.
Tsaka isasayaw ang kamay kong nagpapawis,
Tsaka itutulak ng mabilis na mabilis.

Kay gandang haplusin ang telang payapa,
Na sa alon ay nakaligtas nang ang bagyo’y tumila.
Kaya mas mainam na habang maaga pa,
Isampay ng maayos ang delikadong tela.

Saturday, April 28, 2012

Mga Dagli


Kalipunan ng mga Dagli I
ni Alma V. Reynaldo


Pokus
Ika-isanlibo at walumpu’t  apat na larawan.
 Maganda pa rin si Daffodil  kahit nakalabas ang dila at lumaki ang butas ng ilong niya. Ang mga larawang ni Daffodil  ang nagpapasaya at bumubuhay sa kanya. Para sa kanya, ang mukha ni Daffodil ang pinakamagandang paksa ng kanyang potograpiya. Si Daffodil ang nagpapaganda sa kanyang sining. Si Daffodil at si Daffodil lamang ang magiging pokus ng lente at mukha niya lang ang laman ng kanyang kamera.
Araw-araw niyang kinukunan ng litrato nang palihim si Daffodil. Sa canteen, sa hallway, sa klasrum, sa tambayan nilang magkakabarkada, walang lugar ang di niya kayang kunan basta nariyan si siya.  Kahit sa mga di-kagandahang ayos ni daffodil, walang puwang kay Kevin ang pagtanggi sa mga pagkakataong masisilayan niya ang sentro ng kanyang sining at nagpapaligaya ng kanyang buhay.
Ngunit isang araw, natagpuang nakahandusay ang walang buhay na si Kevin habang hawak niya ang kanyang kamera. Maliban sa botilya ng lason sa kanyang tabi, naroon din ang pinakahuling kuha niya sa pinakamamahal

Kaparis
Namumula siya tuwing hinahawakan niya ang larawan ng kanyang kaibigan. Kung paano siya nagkaroon ng isang Adonis na kaibigan ay di niya alam. Para sa kanya, walang kaparis ang makisig na katawan ng binata, at perpekto ang pagkakahulma sa hugis ng mukha nito .Mula ulo hanggang paa, wala siyang nakikitang kapangitan sa lalaki. Pero ang pinakagusto niya sa lahat ay ang mabangong singaw ng kanyang katawan.
Minsan, nang napadaan siya sa tindahan ng mga pabango, agad niya binalikan ang halimuyak ng kanyang kaibigan. Tiyak niyang kapag nakita niya ang pabangong iyon, maglalagi ang amoy ng kanyang kaibigan sa kanyang tabi. Maging sa mga panaginip nito, din a siya maglalaho.
“Masaya akong ganito na lang tayo”, aniya sa larawan.
Huhubarin na sana niya ang kanyang sinturon nang tumunog ang kanyang cellphone.
“Hello? Sinagot na ako ni Jane!” anang boses sa kabilang linya. “Allan, andiyan ka pa ba?”
Hindi na siya makaimik dahil biglang tumulo ang kanyang luha. Isang garalgal na “Oo” na lang ang lumabas sa kanyang bibig. 

Ako at ang Bisikleta ni Tatay

Ang akdang ito ay nanalo ng Ikatlong Gantimpala sa Pagsulat ng Maikling Kwentong Pambata sa 3rd Saranggola Blog Awards. 




AKO AT ANG BISIKLETA NI TATAY
ni Alma V. Reynaldo

Magaling na magaling sa pagba-bike si Tatay. Napakatulin ng kanyang pagpapatakbo sa bisikleta. Para siyang nagmamaneho ng jet plane na humaharurot. Minsan, nagpre-freehand siya. Hindi niya hinahawakan ang manibela, sabay ilalagay niya ang kanyang kamay sa kanyang batok at sisipol-sipol.
Gustong-gusto kong iniaangkas ako ni tatay sa bisikleta tuwing ihahatid niya ako sa eskwelahan. Ako ang kanyang pasahero at siya naman ang aking drayber.  
Gustong-gusto ko ang pagdampi ng hangin sa aking pisngi habang tumatakbo ang bisikleta. Para kaming lumilipad sa ere, sa itaas ng kabundukan at sa kaulapan. Minsan pa nga kinakain ko ang hangin. Ibubuka ko ang aking bibig at nganganga..
“AAAAAAaaaaaAAA”.
“Alic! Huwag mong ibuka ang bibig mo’t baka pasukan ng insekto!” saway ni Tatay.
Ngunit sadyang makulit ako noon. Matamis at malamig kasi ang hangin sa bibig. Kinahapunan, sumakit ang aking tiyan, kabag daw, dala ng kakulitan, sabi ni Tatay.
Gustong-gusto ko ang lahat ng iyon. Ngunit sa tingin ko, ayaw na ni Tatay sa kanyang bisikleta. May traysikel na kasi siya at may bagong bike na si kuya. Ayaw na niya yata sa bisikleta niya. Luma na kasi.
Kaso, ayaw nina nanay at tatay na nagbibike ako. Hindi daw para sa mga batang babaeng katulad ko  ang bisikleta. Maglaro na lang daw ako ng manika o kaya bahay- bahayan.  Pero gusto ko talagang magbisikleta!

Naalala ko sabi ni Kuya noon, naroon daw sa bodega yung bisikleta ni Tatay. Pero ‘wag daw akong lalapit sa silid na iyon
“Ang bodegang yun ay pinamamahayan ng  matandang matabang dagang may mapupula at malalaking mata…,” pananakot niya sa akin.
“…doon din nakatira yung malaki at mataba at mahabang naglilihing ahas na sinhaba ng sampayan nina Aling Bebang at sintaba ng puno ng balete .”
“…at wag mong tangkaing lumapit doon dahil baka sugurin ka ng sandamakmak at nakakadiring ipis!” babala pa niya, saka siya ngumisi.
A, basta, ang alam ko, matapang ako! Buburahin ko sa isip ko ang lahat ng takot ko, gaya ng pagbubura ko sa mga halimaw na dinrowing ni Kuya Arnold sa notbuk ko.
            Pagtulak ko sa pinto, lumangitngit ito ng pagkalakas-lakas na pawang isinisigaw na huwag na akong pumasok. At bigla kong nakita ang di ko inaasahan! Sabi ko na nga ba, niloloko ko ni Kuya Arnold!
Napakaliit pala ng bodegang iyon para pamahayan ng matabang matandang daga, mahabang naglilihing ahas na sintaba ng puno ng balete sa aming bakuran at singhaba ng sampayan nina Aling Bebang, at ng sandamakmak at nakakadiring ipis.
Hindi pala mga nakakatakot na hayop ang naroon kundi mga lumang bagay lamang. Naroon ang mga luma at sira-sira kong laruan, ang mga gamit sa bahay na kapwa nasira namin ni kuya.
Buo pa rin ang bisikleta ni Tatay. Napuno ng alikabok ang aking kamay nang hinaplos ko ang upuan nito. Sa tingin ko, malungkot na malungkot ang bisikleta ni Tatay.
            Napabayaan na ni Tatay ang kanyang bisikleta. Kinakalawang na ang kadena nito. Mahirap nang kontrolin ang manibela.Ngunit, tiyak na  magagamit ko pa ito.
Ang kaso, ngunit natutumba ako sa tuwing uupo sa upuan ng bisikleta. Nakailang subok na ako ngunit natutumba pa rin ako.  Bumagsak ako sa lupa kasama ang bisikleta. Bumakat pa ang magrasang kadena  sa biniti ko. Ipinagpag ko ang lupang kumapit sa damit ko at sumakay ulit. Ilang beses akong natumba. Nagkaroon na ako ng sugat sa binti. Mangiyak-iyak akong bumangon. “Matapang ako! Matapang ako!” sambit ko sa aking sarili at nagpatuloy sa pagsakay.
            Mula noon, halos araw-araw akong nagsasanay sa pagbibisikleta pagkatapos ng aking eskwela. May mga gabing namamanhid ang aking buong katawan. Gusto kong umiyak pero hindi pwede. Pero pag nakasakay na ulit ako sa bisikleta ni Tatay, parang minamasahe ng bisikleta ang aking katawan. Pagdating ko galing sa eskwelahan, siyempre, hindi ko rin kinakalimutan gawin muna ang mga assignments ko para hindi ako mapagalitan. Saka ako tutungo sa likod  ng aming bahay at magsisimulang sumakay sa bisikleta.
Bawat araw ay gumagaling ako sa pagsakay. Marunong na akong magbalanse ng katawan kapag ito ay tumatakbo, ngunit hindi pa ako marunong pumedal. Minsan, nakasakay ako at ang isa kong paa ay parang nagsasagwan, para hindi ako matumba. Ngunit habang tumatagal ay natututunan ko nang pag-isahin ang katawan ko at ang bisikleta. Para kaming magkaibigang nagtutulungan para hindi kami kapwa masaktan. Pakiramdam ko, pagaling ako nang pagaling. Naiikot ko na rin ang puno ng balete. Ngunit minsan naman,  nabubunggo ko ang poste ng sampayan nina Aling Bebang.  Ngunit kahit ganoon, nakakabagtas na ako ng ilang metro at madalang na lang akong natutumba. Humihilom na rin ang aking mga sugat at naniniwala akong kapag gumaling na ang mga ito ay magaling na rin ako sa pagbibisikleta.
Minsan, nagpupunta naman ako kina Mae. Doon ako nag-eensayo. Kapag uuwi na ako, pinupulsuhan  ko muna kung nasaan at kung ano ang ginagawa nina nanay at kuya, o kung andiyan na ba si tatay. Dahan-dahan kong itatago ang bisikleta sa likod ng bodega. Para tuloy akong nagtatakas ng preso. Pero simula noong habulin ako ng aso nina Mae, hindi ko na inulit na magpunta doon.
Isang araw, napagpasyahan kong magsanay sa kalsada pagkat sawa na ako sa bakuran namin. Kailangan kong lumabas. Kailangan kong matutong mag-bike sa totoong daan, hindi lang sa masikip na bakuran. Gaya ng dati, kumilos ako nang dahan-dahan at nang walang nakakaalam.
Sa kalsada, mabilis na akong pumedal, tamang-tama na ang aking pagbalanse. Nakakatakbo na ako ng malayu-malayo. Napakasaya ko! Parang bumalik ang pakpak ng bisikleta ni tatay. Para akong lumilipad. Ang sarap sa pakiramdam! Habang bumibilis ang aking pagpapatakbo, parang lalong lumalaki at bumubukadkad ang pakpak ng bisikleta. Parang tumubo ulit ang pakpak niya! Pakiramdam ko masaya din siya!
Hindi pa akong nagtatagal sa pagpepedal nang walang anu-ano’y may paparating na humaharurot  na traysikel sa aking harapan . Kinabahan ako. Nanginig ang manibela. Anong gagawin ko? Anong gagawin ko? Hindi ko alam kung ililiko ko ba ito sa kanan o sa kaliwa…
            “Piiiiiiiiiippp!! piiiiiip! piiip!!!!!!” busina ng traysikel.
            “Si Tatay!” bulalas ko.
            Mabuti na lamang at naipreno ni Tatay ang kanyang traysikel.
            Isinakay niya ang bisikleta sa traysikel  at walang kaabog-abog na iniuwi ako na may simangot sa mukha.
            “Hindi mo man lang binabantayan ang anak natin! ‘Pano kung hindi ako ang nakasalubong niya, E’di baka kung nabunggo na iyan!” sigaw  ni Tatay.
            “Hindi ko alam! Akala ko’y naglalaro lang iyan sa bakuran!” sagot naman ni Nanay.
            Nag-aaway na sina Nanay at Tatay dahil sa akin. Makulit kasi ako. Sana hindi na lang ako nagpumulit na lumabas para mag-bike.
            “Nasaan ba yang Arnold na yan? Dapat siya ang nagbabantay kay Alice.” sabi ni Tatay.
            Biglang humina ang kanilang mga boses at nakita ko ang pag-aalalang nadarama nila. Maya-maya pa’y dumating si kuya  galing sa plaza.
            “Bakit po? Ano pong nangyari?” tanong ni kuya habang pinagpapawisan pa.
            “Iyang kapatid mo, muntik nang mabunggo. Dapat binabantayan mo yang kapatid mong makulit!” saad ni Nanay.
            Napakamot na lang si kuya sa kanyang ulo at sinabi sa akin, “Ikaw kasi, ang kulit kulit mo. Tignan mong nangyari, nadamay pa tuloy ako.”
            Humingi agad ako ng tawad sa kanila dahil pinag-alala ko sila. Ngunit, alam kong di na ulit nila ako papayagang magbisikleta. Kailangan kong mag-isip ng paraan para makumbinsi ko silang kaya ko nang magbisikleta at hindi ako mapapahamak.
            “Nay, ‘tay, wag na po kayong magalit. Malaki na po ako. At napakatapang!” pagmamalaki ko. Sumakay ako sa bisikleta at pumadyak nang pumadyak, tumakbo ang bisikleta at nagpaikot-ikot ako sa bakuran. Pakiramdam ko nagpapasikat din yung bisikleta, kaya ginalingan ko rin ang pagbabalanse at pagpepedal para hindi kami mapahiya.
            “Kaya ko nang magbike at magaling pa!  Natutuwa po ako pag nagbabike ako. Gaya noong iniaangkas pa mo po ako, Tatay,  sa bisikleta niyo.”
            Tumingin ako ng matagal kina Nanay at Tatay. Inakbayan ni Tatay si Nanay. Tumawa si Tatay. Tumawa din si Nanay. Nangiti ako kahit hindi ko alam kung ano ang tinatawanan nila. Basta ang pakiramdam ko, bati na ulit sila.
            Nilapitan ako ni Tatay at ginulo ang aking buhok.
            “Alam mo bang ang nagturo sa aking magbisikleta ay ang Lolo Cardo mo, at ang mga kapatid niya? Ngunit ikaw, ikaw lang ang nagturo sa sarili mo. Ipinagmamalaki kita anak. Anong gusto mong kulay ng bibilhin kong bike para sa’yo?” tanong niya.
            “Ito pong bike niyo ang gusto ko!” sagot ko naman.
            “Malaki ka na talaga,” sabi niya sa akin. Kuminang ang mata ko dahil alam kong naiintindihan na niya ako. At parang nakita ko ring kuminang ‘yung bisikleta.
            Kinuha ni Tatay ang kanyang mga gamit sa tool box at inayos ang kanyang bike, na akin na rin. Tumingin ako kay nanay at nakita kong proud na proud siya sa akin.
            “Tara sa plaza! Iaangkas ulit kita!” yakag sa akin ni Tatay.  Nagtungo kami nina Kuya Arnold, Nanay at Tatay sa plaza. Nakaangkas ako sa bisikleta ni Tatay na gaya ng dati.
            Napag-isip-iisip kong ang susunod kong pag-aaralan ay ang pag-aangkas, para ako naman ang mag-aangkas kay Tatay pagtanda niya.