Some of my kiddie drawings
Monday, April 28, 2014
Friday, April 25, 2014
Nag-rally ang mga Mangkukulam
Nag-rally ang mga Mangkukulam
ni Alma V. Reynaldo
"The only way to deal with an unfree world
is to become so absolutely free that your very existence is an act of
rebellion." - Albert Camus
Ang bayan ng Poloponosa ay isang mapayapang bayan na binubuo ng walumpung porsiyento ng populasyong
Mangkukulam, at dalamwampung porsiyento
lang ng mga Taumputi. Ngunit walang nakababatid kung hanggang kailan ang
kapayapaang namamayani sa bayang iyon hangga't walang giyerang magaganap sa
pagitan ng dalawang populasyong ito. Ngunit kung mangyayari man iyon, pihado, talo ang mga Taumputi dahil sa
bilang nito.
Bawat pamamahay ng mga Mangkukulam
ay may sampu hanggang dalawampung maitim na pusa .Sila ay pinaniniwalaang mas
naunang manirahan sa Poloponosa kaysa sa mga Taumputi. Madidilim ang kanilang
kabahayan. Walang ilaw, masapot,
maraming abubot na karaniwan nilang binibili sa maingay na pamilihan. Ngunit,
may kakaibang porma ang mga bagay na ito kaya naeenganyo sila sa pagbili. Bukod
sa mga bagay na kakaiba, mahilig din sila sa maiitim na bagay. Hindi sila
mahilig sa mga bagay na gawa sa plastik. Lahat ay pawang gawang natural.
Walang masyadong ginagawa ang mga Mangkukulam.
Lagi silang natutulog kapag umaga. Naniniwala kasi sila na ang mga kasagutan sa
kanilang mga dasal ay nasa panaginip. Kapag gabi naman, iba ang kanilang
ginagawa. Kung hindi mamamasyal sa kagubatan, nananatili sila sa kanilang bahay
na madilim at nagpaparami ng lahi.
Mahilig din silang magpakulo ng
tubig at bente-kwatro oras silang nakataingin sa kawali para lang gawin itong
salamin. Ang pinakukuluang tubig daw kasi ang may pinakamagandang repleksyon sa
lahat ng nagbibigay ng repleksyon, kaya, nagiging magaganda at matitipuno sila
kapag nakatingin sila sa repleksyon ng kumukulong tubig. Marami mang kakaiba sa
kanila, walang araw na hindi mo sila maririnig na naghahagikgikan. Sila ang
itinuturing na pinakamasasayang nilalalang sa kanilang bayan.
Dalawa ang uri ng mangkukulam. Ang
una ang mga mangkukulam na bihasa sa mga bulong at mahika. Sila ay mga matataas
at paham sa kanilang lahi. Sila ang maaring takbuhan ng mga Taumputi kung may
mahika silang gustong ipagawa sa kanila. Ang ikalawang uri naman ay ang mga
mangkukulam na taga-bulong lang. Inuulit lang ang mga sinasabing bulong ng mga
paham na mangkukulam. Kumbaga, mga 'audience' lang sila kapag may ritwal na
nagaganap. Iilan lang ang paham sa kanila dahil mabigat na responsibilidad daw
ang maging paham.Ngunit kahit may dalawang uri ng mangkukulam, hindi mo pa ring
masasabi kung sino talagang ang mga paham at sino ang mga taga-bulong lang dahil
lahat ay nagtatatago sa kanilang tahanan.
Kabaliktaran
naman ng mga Mangkukulam ang mga Taumputi. Kaya sila tinawag na Taumputi ng mga
Mangkukulam ay dahil mga kulay nila na medyo maputi. Ngunit noon daw ay maiitim
ang mga Taumputi. Mahilig lang daw silang maglagay ng pampaputi sa balat. Malinis
ang mga Taumputi sa pananamit, pagkain, at tirahan. Kailangang laging may ilaw
ang kanilang mga bahay kahit kasikatan ng araw. Mahilig din sila sa mga abubot
lalo na iyong mga yari sa ginto at pilak. Tinatawid nila ang ilang bundok
makapamili lang ng mga kagamitang ito. Lagi naman silang gising pag umaga at
tulog sa gabi. Ngunit kapag umaga, hindi sila nananatili sa kanilang bahay.
Lumuluwas sila sa ibang bayan upang mag-aral.
Para sa kanila, matalino ka kapag nag-aaral ka.Kaya lahat ng anak nila
ay pinapag-aral sa ibang bayan. Kung may isang kapamilyang hindi nag-aaral,
sila ay itinuturing na bobo at salot sa lipunan. Ayaw na ayaw nila ng pusa.
Ngunit gustong-gusto nila ang mga aso. Dahil may kamahalan ang mga aso, ito ang naging sukatan ng kanilang yaman.
Mahilig din sila sa koleksyon.
Marami silang uri ng koleksyon, mga sasakyan, alahas, cellphone, damit,
sapatos, at iba pa. Kung wala kang
koleksyon, itinuturing ka nilang isa sa mga Mangkukulam. Seryoso sa buhay ang mga Taumputi. Ayaw
nilang tumatawa at ngumingiti. Iitim daw kasi ang kanilang mga ngipin kapag
ipinapakita ito sa iba. Iisa ang kanilang uri. Itinuturing nila ang kanilang
mga sarili bilang mga matatalinong nilalang. Kung isa kang Taumputi ngunit
hindi ka matalino, ituturing ka nilang isang Mangkukulam. Mababait naman ang
mga Taumputi sa mga Mangkukulam dahil alam nila ang kayang gawin ng mga
Mangkukulam kung makakaalitan nila ang mga ito.
Ilang henerasyon na ang nagdaan ngunit
walang bakas ng pag-aaway ang dalawang uri ng nilalalang sa Poloponosa. Walang pakialam ang isa't isa kahit nasa iisa
silang komunidad.
Ngunit isang araw, may naligaw na
isang nilalang sa bayan. Mas maputi ito kaysa sa mga Taumputi. Sam Jones daw
ang pangalan nito. Nagniningning ang balat nito. Namumula ito kapag nasisikatan
ng araw. Dahil namangha si Arkan Mingla na isang Taumputi, kay Sam Jones,
pinatira niya ang estranghero sa kanilang bahay. Mula nang tumira ang estrangherong
ito sa bahay ni Arkan Mingla, lalo itong naging mayabang at
nagtatali-talinuhan. At kahit na nakabalik na si Sam Jones sa tunay nitong
bayan, kakikitaan mo pa rin ng pagmamayabang si Arkan Mingla.
Nang lumaon, tinipon ni Arkan Mingla
ang mga Taumputi.
"Mga taumputi, hindi ba kayo
nagsasawa sa kalagayan nating ito? Hindi ba kayo nagnanais na mabago ang bayang
ito? Marami tayong maaring gawin at di lang tayo dapat makuntento sa kung anong
meron tayo ngayon. Kailangan na ng pagbabago! "
"At anong pagbabago naman iyon?
" tanong ng isang Taumputi
"Matagal nang walang namumuno
sa ating bayan. Walang ginagawa ang mga Mangkukulam upang umunlad ang ating
bayan. Sino pa ba ang aasahan nating mamuno kundi tayong mga matatalino at
nakapag-aral lamang?"
Ayaw na nilang kontrahin pa ang
sinabi ni Arkan Mingla. May punto nga naman si Arkan Mingla. Maigi nilang
pinagplanuhan ang mga kailangang gawin para sa kanilang Bagong Lipunan.
"Hindi kaya kailangan nating isali ang mga Mangkukulam sa
planong ito?" ani Silang Kabisela, isang matandang mahilig humingi ng
gamot sa mga Mangkukulam.
"At ano naman sa kanila kung
may babaguhin natin ang bayang ito? Wala naman silang ginawa kundi humagikgik
buong araw, matulog at magolekta ng mga walis!" ani Arkan Mingla
"At isa pa, wala na silang
pakialam kung ano ang gawin natin sa bayang ito. Nabuhay tayo sa loob ng ilang henerasyon na hindi nila tayo
pinapakialaman. Siguro'y iisipin nila na sarili naman natin itong plano kaya di
na sila makikialam. Tutal, mga mangmang naman iyan at hindi nila alam ang
konsepto ng pagbabago. Tignan mo nga, lagi silang humihingi ng mga lumang
kawali para lang idadang sa apoy araw-gabi!" ani Ila Sebyo, isang matong mahilig mag-utos ng
mangkukulam.
Sinimulan nila ang pagbabago.
Nagtayo sila ng mga paaralan at mga estrukturang pang-agrikultural gaya ng
irigasyon at gilingan. Naglagay sila ng
mga ilaw sa kalsada kahit nagreklamo ang mga mangkukulam sa liwanag. Ang
paliwanag nila sa mga Mangkukulam, "Lalong
makikikita ang inyong kagandahan at kakisigan sa liwanag" . Kung
kaya't pumayag na lang ang mga Mangkukulam sa pakulo ng mga Taumputi. Hinikayat na rin ng mga Taumputi na pumasok sa
paaralan ang mga anak ng mga Mangkukulam. Ngunit hindi kailanman pinapasok ng mga Taumputi ang
knailang mga anak sa paaralang itinayo nila. Naniniwala silang kailangan pa rin
ng mga batang Taumputing mag-aral sa ibang bayan.
Sa paaaralan, ang mga guro ay ang
nakapag-aral na Taumputi. Itinuturo dito ang kalinisan. Sinabi nila na ang
walis ay isang maduming bagay kaya dapat itong itago o kaya gawing panlinis
upang makapunta sa langit ang kanilang kaluluwa. Ang mga batang tumanggap ng
kaisipang ito ay ginawa nilang taga-linis ng kanilang mga tahanan. Natuto ang
mga mangkukulam na lumabas sa kanilang bahay upang maglinis at manilbihan sa
mga bahay ng mga Taumputi. Ayon sa mga Taumputi, mas uunlad daw ang bayan ng
Poloponosa kung lahat ay magtatrabaho kaya mas mainam na magtrabaho na lamang
ang mga Mangkukulam sa tahanan ng mga Taumputi.
Nagkaroon narin ng eleksyon kung
saan pipili ang mga mamamayan ng Poloponosa ng mamumuno sa kanila. Parte ito ng
pagbabago. Ngunit hindi pwedeng kumandidato ang isang mangkukulam. Hindi naman
daw sila nakapag-aral sa ibang bayan.
Sa pagpili ng pinuno,maglalaban ang
mga kandidato. Matira ang matibay. Ang kandidatong mabubuhay ang tatanghaling
pinuno. Ito ang patakarang pinanukala ni Arkan Mingla. Ngunit sa kasamaang
palad, napatay siya ni Ila Sebyo.
Sa pamumuno ni Ila Sebyo, lalong
pinalakas ang kapangyarihan ng mga Taumputi na sa pag-uutos sa mga mangkukulam .Titira
na lang ang mga Mangkukulam sa bahay ng mga Taumputi upang mas madali na daw
silang mautusan. Hindi na niya pinayagan ang mga mangkukulam na gumamit ng
mahika o mangkulam. Itinuring na itong krimen. Ang sinumang mangkukulam na
gumamit ng kanyang kakayahang mangkulam ay bubulagin at ibibitin.
Nangkaroon din ng malawakang
demolisyon sa bayan. Dahil sinasapot at madumi daw ang mga bahay ng mga Mangkukulam,
ipinagiba nila ang mga ito at pinalitan ng isang gusaling na tinawag nilang
"Mahal na Gusali para sa mga
Bisitang Mas Maputi Gaya ni Sam Jones". Naniniwala na kasi ang mga
Taumputi na mas uunlad ang bayan ng Poloponosa kung mas dadami ang mga taong
kagaya ng Sam Jones-- na dating nagbigay ng kaliwanagan sa kanilang pag-iisip
sa tulong ng yumaong si Arkan Mingla-- ang darating at maninirahan sa
Poloponosa. Nawalan ng tirahan ang mga mangkukulam kaya ang iba ay nakitira sa
bahay ng ibang Taumputi. Ang iba naman ay nangibang-bayan.
Walang umaalmang Mangkukulam sa lahat
ng nangyayari. Alam kasi nilang parte ito ng pagbbago. Kuntento na rin sila sa
mga bayad ng mga Taumputi sa kanila. Simula kasi noong nagsimula ang pagbabago,
tumaas na ang binabayad sa kanila ng mga ito. Binabayaran ng mga Taumputi ang
mga Mangkukulam ng mga bagay na gawa sa tae, mga piguring gawa sa tae ng
kalabaw, mga pasong himulma mula sa tae ng kabayo, mga dekorasyong gawa sa tae
ng kambing. Kakaiba daw kasi ito kaya tinatanggap naman ng mga mangkukulam.
Habang tumatagal,itinuring nilang
bagong panginoon ang mga Taumputi. Bumibili na rin sila ng mga pampaputi upang
maging kagaya nila ang mga ito. Ang mga walis na dati nilang sinasamba ay
ginagawa na nilang panlinis. Hindi na rin sila mahilig sa mga natural at
kakaibang bagay. Nahilig sila sa mga ginto at pilak. Hindi man sila
nakakapag-may-ari ng mga ginto, nasisiyahan naman sila sa pagsulyap-sulyap sa
mga dekorasyon sa bahay ng kanilang mga among Taumputi. Nahilig na rin silang
mag-aral sa paaralang itinayo ng mga Taumputi. Pinakapaborito nilang asignatura
ay ang Edukasyon sa Paglilingkod sa mga Taumputi.
Samantala, hindi na lang kumikibo
ang mga Mangkukulam na may malasakit sa kanilang lahi. Kung magsasalita man
sila ng masama tungkol sa mga Taumputi, pabulong na lang ito at hindi na
sasabihin pang muli.
Isang gabi, may nahuli ang mga
Taumputi na isang Mangkukulam na gumagamit ng mahika upang magkabulutong si
Ila Sebyo. Sinunog ang katawan nito sa
harap ng napakaraming Mangkukulam.
"Ang sinumang mangkukulam na
gagawa muli ng bagay na ikakasakit ng mga Taumputi ay matutulad sa lapastangang
ito" ani Ila Sebyo habang ipinakita sa bawat Mangkukulam ang nagliliyab na
katawan ng kanilang kalahi.
Nag-iiyakan ang ibang mga Mangkukulam
sa takot. Anumang paghihimagsik ang kanilang gustong gawin ay hindi nila kayang
gawin. Mas makapangyarihan ang mga Taumputi sa mga panahong ito.
"Ang hindi ko maintindihan ay
bakit hinahayaan nating apakan tayo ng mga Taumputi" ani Lolong Bato,
isang matandang mangkukulam, habang nag sisiyesta ang isang grupo ng
mangkukulam sa ilalim ng puno ng mangga.
"Wala kasi tayong alam. Sila
ang mas may alam kung paano tayo mabubuhay",sagot naman ni Indang Pala.
"Tayo ang naglilingkod sa
kanila, paanong wala tayong alam para mabuhay?" sagot uli ni Lolong Bato.
"At isa pa, mas marami tayong mga Mangkukulam, bakit hindi tayo lumaban sa
kanila. Pihado, talo sila!"
"Iilan na lamang tayong tunay
na Mangkukulam. Ang ibang mangkukulam ay naging Taumputi na. Nag-iba na ang
kanilang kulay, ayos ng pananamit at kinahihiligan. Hindi na sila mga
mangkukulam, kundi mga Taumputi na," ani Siyong Baging.
"Pag-usapan natin ang lahat ng
ito mamayang hating-gabi kung saan tulog ang mga amo nating Taumputi,"
utos ni Lolong Bato, at saka siya umidlip. At habang ipinipikit niya ang
kanyang mata ay nakakakita siya ng liwanag.
Halos nabalitaan ng lahat ng
Mangkukulam ang usapan nina Lolong Bato at iba pa. Napag-isip-isip nila na
hindi naman masama ang makinig sa suhestiyon ng isang Mangkukulam na nasa
katinuan pa ang pag-iisip. Kaya naman halos lahat din ay dumalo sa lihim na
pagtitipong iyon.
"Gigibain natin ang 'Mahal na Gusali para sa mga Bisitang Mas
Maputi Gaya ni Sam Jones' para wala nang tirhan si Ila Sebyo. Kukunin natin
ang lahat ng kanilang mga posporo para hindi na nila tayo masunog. Natatandaan
niyo pa ba ang mga mahika upang magiba ang isang gusali?" may
paninindigang tanong ni Lolong Bato.
"Hindi na Lolong. Mga bata pa
tayo nang ituro sa atin iyan ng mga paham, matagal nang ipinagbawal sa atin ang
mahika kaya imposibleng matandaan pa natin iyan," sagot naman ng ibang
matatandang Mangkukulam.
"Alam ko pa kahit kaunti.
Tipunin niyo ang mga Mangkukulam. Sundin niyo lang ang aking mga sasabihin.
Tiyak, mas magiging makapangyarihan ang ating mahika. Kunin niyo ang mga walis
at ito ang magiging sandata natin laban sa mga mapang-abusong Taumputi,"
sagot ni Indang Pala ngunit nagkakamot siya sa ulo dahil mukhang tinakasan na
siya ng memorya, ngunit kompiyansiya siyang maaalala din niya ito sa huli.
Pinagplanuhan nilang maigi ang araw
kung kailan sila maghahasik ulit, matapos ang mahaba at matagal na panahon.
Dumating na ang araw ng paghihimagsik.
Ngunit iilang Mangkukulam na lamang ang lumahok. Ang iba ay takot makibaka. Ang
iba ay wala nang pakialam. Ang iba ay mas panig na sa mga Taumputi. Ang iba ay
Taumputi na.
"Hindi makabubuti,"
"Wala na kaming paki."
"Delikado iyan."
"Wala
tayong pag-asa."
"Kalokohan lang iyan."
Halos ang ilan ay iisa ang ibig
iparating sa darating na himagsikan --
walang kwenta ang paghihimagsik.
"Lolong bato, para saan pa ba
ang ipinaglalaban natin kung mismong mga kalahi natin ay wala nang ganang
maghimagsik para sa kanilang kalayaan mula sa mga Taumputi? Para sa kanila
naman ito diba?" saad ni Yoyong
Sinda, ang kanang kamay ni Lolong Bato.
"Hindi para sa kanila ito Yoyong,
para sa mga Mangkukulam na hindi pa ipinapanganak," matapang na dahilan ni
Lolong Bato. Naalala niyang muli ang liwanag na nakita niya sa ilalim ng punong
mangga kaya pinamahayan siya ng lakas ng loob.
Nagpatuloy sa pagtitipon ang mga
Mangkukulam upang gibain ang 'Mahal na
Gusali para sa mga Bisitang Mas Maputi Gaya ni Sam Jones' .
Sumigaw, bumulong, humiyaw.
Ang pagsigaw ni Lolong Bato ay siya
namang paghiyaw ng mga tunay na Mangkukulam. Dala-dala nila ang kanilang
sariling bandera. Patuloy ang kanilang pagbulong. Umaalingaw-ngaw ang bawat
salitang kanilang pinabanggit
Boooom—shakalaka---booom! Ra—ra—ra—ah-ah---roma—romama!
Tila lumalakas ang kanilang bulong
at nagiging buo ang kanilang boses.
Patuloy ding nabibingi ang mga
Taumputi sa kanilang naririnig. Ang ibang Taumputi ay nasiraan ng ulo at pinagpapatay
ang kanilang makitang Mangkukulam.
Nagiba ang "Mahal na Gusali
para sa mga Bisitang Mas Maputi Gaya ni Sam Jones". Nadaganan ng
malalalaking bato si Ila sebyo. Ang ibang taumputi ay galit na galit sa mga Mangkukulam.
Nagtagumpay ang mga mangkukulam na pabagsakin si Ila Sebyo at ang "Mahal na Gusali para sa mga Bisitang
Mas Maputi Gaya ni Sam Jones." Pagkatapos niyo'y nagsiuwian na sila sa
kanilang tahanan nang humahagikgik.
Ngunit hindi pa natapos ang lahat
dahil gumanti ang mga Taumputi.
Wala man silang mahikang katulad ng
mga Mangkukulam ngunit may kapangyarihan silang naiiba sa mga ito. Ibinalita
nila sa kanilang mga karatig bayan na salot sa lipunan ang mga Mangkukulam kaya
dapat silang bitayin. Kaya naman pagkatapos ang nangyaring paggiba, tumulong
ang mga tao sa karatig-bayan upang sugpuin ang mga salot sa lipunan. Lumakas
ang mga Taumputi dahil nakahanap sila ng kakampi upang lipulin ang mga Mangkukulam.
Nagsialisan ang mga Mangkukulam sa
bayan ng Poloponosa. Natakot din ang taga-ibang bayan sa mga mangkukulam kaya
pinaalis nila ang sinumang Mangkukulam na nakatira sa kanilang bayan at amundok
sila.
Habang sila ay tumatakas patungong lugar kung
saan walang nakakaalam, humahagikgik ang mga ito bilang hudyat na gagawa silang
muli ng bagong pamayanang malayo sa kaugalian ng mga Taumputi at Maka-Taumputi.
Rosas
Ang tulang ito ay ginawa ko noong kasgsagan ng pag-aapply ko bilang guro sa Alaminos City Division. Inatasan akong gumawa ng tula upang ma-validate kung totoo nga ba daw ang nilagay kong skills sa aking PDS.
Rosas
Ni
Alma V. Reynaldo
Umihip
sa hardin ang hanging malamig
Nang
unti-unting bumukadkad ang rosas na marikit
Dalisay
na ubod ang umusbong na pag-ibig
Na
sinlinis ng tubig sa batis na tahimik.
Ang
rosas na dumanas ng pag-ibig na matamis,
Ay
tunay na nakaranas ng saglit na pagngiti.
Unti-unting
bumalot ang nakakikilabot na pagtangis,
Na
sing-ingay ng tubig na bumubulwak sa batis.
Ang
yuming parang araw at nagliliwanag ang sikat,
Ay
tila espadang sa puso ay sumusugat.
Ang
haplos na dating sa puso ay sumusuyo,
Ay
tila kurot sa pusong nagdudulot ng dugo.
O,
pag-ibig na tila nagdudulot ng sumpa
Sa
mayuming puso ng isang dalaga.
Bumubulong,
sumisigaw, nanunuot sa tainga.
Hinahampas
ang talulot nito’t unti-unting nalalanta.
Kung
pag-ibig ang lumisan sa umiibig nang wagas,
Ang
talulot na mayumi’y talo ng tinik na matalas.
Maaring
sa mata’y walang naidududlot na lagim.
Ngunit
‘pag dinama mo’y tumutusok nang malamim.
Mga Tulang Walang Bahid ng Pagkaberde
NI ALMA V. REYNALDO
PS. ANG MGA TULANG ITO AY ISANG PAGSASANAY SA PAGLALARO NG MGA SALITA.
ANG MANGGA
Para kang tsiks na sa tingin pa lang,
Ako ay sa iyo natatakam.
Ang makinis mong balat ay masarap hawakan,
Gusto kong ika'y maiging talupan.
Sa mapintog mong bunga, mamimilog ang mata
Nasasabik akong ika'y makuha
Kahit na ikaw ay mahigad pa
Magpipilit akong akyatin ka.
Mangga! ika'y walang kasing sarap
Malutong ang laman mo pag ika'y kinagat
Naghahalo ang laway ko sa iyong katas
Ikaw na sa akin ang lahat-lahat
Bagay ka sa bagoong na maalat
Pwede rin sa asing galing sa dagat
Pwede kang kaining may balat
Kahit anong hiwa, tiyak akong ika'y masarap.
Ngunit hinay-hinay lang dapat ako sa pagkain
Kung ayaw kong tiyan ko ay mangasim
Hindi lahat ng masarap kainin
Ay nakakapagdulot ng ligaya sa atin
Ang Kendi
Ale, ale, tindahan mo'y buksan
Alisin ang kandado't ako'y iyong pagbilhan
Gusto ko ang kendi mo, kaya iyong bilisan
Kunin mo ang bayad ko, kahit wag na kong suklian
Ang kendi ang sagot sa gabi kong matamlay
Napupuno nito ang bibig kong naglalaway
Sa tamis na dulot ng kending puspos ng asukal
Ay unti-unting nakakawala ng kaisipang banal.
Kay sarap isubo ang kending matamis
Lalo na pag nilusaw sa dilang nagpapawis
Labas-pasok man ito sa iyong bibig
Nananatili pa rin ang iyong pakakakilig
Idausdos mo ang kendi mula sa dila
Itaas mo nang itaas hanggang sa ngala-ngala
Ilabas mo ng ilabas at ipitin mo ang iyong labi
Hanggang sa maging kakulay nito ang kendi.
Sipsipin mo ang kendi hanggang sa manuyo
Tagalan mo ang paggalaw nang di ka mabato
Dahil ang kendi ay parang isang bula
Nawawala pagkatapos ng alindog na pansamatala.
Sabi ni nanay, bawal pag gabi ang kendi sa bata
Salita niya'y aking ipnagwalang-bahala
Ang kendi ang dahilan kung bakit ako maligaya
Ang pansamantalang kaligayahan ba ay masama?
Pagkatapos kong matikman ang sarap
Ng kending lagi kong hinahanap-hanap
Bigla akong nakaramdam ng matinding kirot
Na senyales ng hindi ko pagsunod.
Cotton Candy Love
Tila mga ulap na bumaba nang dahan-dahan
Parang sa langit ay nagsawang manahan
Ninakaw ang lahat ng asukal sa tubuan
Ang malambot na katawan ay maiging kinulayan.
Ang hilaw na pagsinta, parang cotton candy ang katulad
Makulay ang anyo’t itsura’y matingkad
Magaan sa damdami’t para kang nililipad
Masarap sa paningin ngunit ang loob ay hungkag.
Nawawala ang takam ‘pag sa bibig ay tinunaw
Kapalit nito ang masidhing pagkauhaw
Labis ang tamis na para kang nilalanggam
Mahapdi ang kagat, at kirot ang naiiwan.
Kaya naman ang cotton candy ay para lang sa bata
Na laging nagtataglay ng matamis na dila
At sabik sa kakaiba at nakakaakit na itsura
Pati sa lambot, siya ay tuwang-tuwa!
Eclipse
Ang araw ay gabi, ang gabi ay araw.
Ang liwanag ay tila di na matanaw.
Katahimikan ng gabi ay parang pumanaw.
Ang pagsasama nila'y tila nakakauhaw.
Lumapit ang araw sa buwang malumbay
Pinarikit nito ang alindog na taglay.
Nayakag ang buwan sa sinag na mapupungay
Na tila sabik sa mabilisang pagdantay.
Ilang sandali'y, ang liwanag ay natangay
Ng pag-ibig na tila binuhay ang patay.
Mabilis na nag-anib at tila di na mapaghiwalay
Ang kanilang katawa'y, sa isa't isa'y inialay.
Ang mga matang sa kanila'y nakatingin
Halos mabulag sa nakitang tanawin.
Ngunit ang iba'y humanga pa rin
Sa Pag-ibig na tila segundo lang kung bibilangin.
Ang kapalaran ng dalawa'y tila nakatala
Sa kalendaryong ang tao ang gumawa.
Sandaang taon pa upang sila'y magkita
Sapagkat mauulit ang ganoong istorya.
Sa Hardin
Nang panaho'y lumamig, tila may umaaligid
Na Bubuyog na may pagnanasang hatid.
Ang kanyang pagbulong ay tila pagdididlig
Upang mamasa ang lupa't magkaroon ng banlik.
Itong si Bulaklak na mayuming umiindayog
Nanghahalina gamit ang makulay na talulot
Sa hangi'y isinaboy ang samyong nakakabilog.
Ang sinumang lumapit sa kanya'y mahuhulog.
Ang hardi'y lunduyan ng mga napapagal,
Lalo na ang mga taong sa init ay uhaw.
Nagtatagpo ang mga kaluluwang ligaw
Sa pagnanasang makakuha ng bulaklak na alay.
Ang pagdapo ng bubuyog sa talulot ng bulaklak
Ay naghatid ng kuryenteng dumantay sa balat
Ng bulaklak na maharot kung bumukadkad.
At natukso sa damdaming lalong umalab.
Sinipsip ng bubuyog ang inaasam na dagta
Pamahid-uhaw ang sa bulaklak ay nagmula.
Kakaibang kiliti naman ang sa bulaklak ay nagpasaya
Kaya kapwa nagalak sa panandaliang ligaya.
Ang talulot ay hinipo nang marahang-marahan
Nagpaubaya sa pagbuka ang bulaklak nang tuluyan
Kapwa sumabay sa indayog na mainam
Ang pansariling pakinabang ay ninanamnam.
Ngunit sa anumang halama'y may bahaging maselan
Kahit anong pag-iingat, mayroon paring hawan.
Pinsalang hatid ng bugsong tampalasan
Ang saglit na pagtatagpo, ay dadalhin ng maraming buwan.
Subscribe to:
Posts (Atom)