Tuesday, December 20, 2011

MGA AMBAHAN

ni Alma Reynaldo


Tala sa Ulap
Tala’y aandap-andap,
Nagtatago sa ulap.
Di makita ang kislap,
Sa lilong alapaap.
Hindi ko siya mayakap.
Kapalara’y masaklap.
Ningning niya’y aking hanap,
Nang ako’y maging ganap.
Makinang, walang kurap,
Walang angking pagtanggap.
Abutin mo’y mahirap,
Parang blangkong pangarap.

Bulag
Lagi nang nakapinid,
Ang liwanag sa dibdib.
Wala akong marinig.
Kundi ang kanyang tinig,
Na sa tenga’y malamig.
Kahit na inuusig
Ng katawan sa nginig.
Hibang na sa pag-ibig
Dugo ma’y ipandilig.
Kakapisang Pipit

Nais ko ang lumipad
Kahit na sa’n mapadpad
Ito ay matutupad,
Kahit ito ay huwad.
Sa taas man ay hubad,
Ang mithii’y matingkad.
Kahit ako’y makupad.
Tiis nama’y malapad.
Maliit man ang pakpak
Di ako malalaglag.

Batang Lansangan
Sa baso ko ilaglag
Ang inyong awa’t habag.
Di ako makailag
Sa mapaglarong yabag.
Ako ay batang bihag
Sinusubok ang tatag.
Ako ay walang hapag,
Pagkain ko ay pagpag.
sa harap nakalatag,
Ang tumihayang palad.
kagaya din ng bulag,
Gusto ko ng liwanag.
hiling ko sa maluwag,
tulungang maaninag
ang pag-asang mailap.

Ang Dahon sa Hangin

Sa hangi’y sumasabay,
Ang dahong kumakaway.
Giliw sa pagsasayaw,
Inaalis ang lumbay.
Paglipad, walang humpay,
Doon ay abot-tanaw
Paggalaw ay magaslaw.
Kahit siya’y sinusuway,
Ikaw pa ang halimaw.
Bigla-biglang nilatay
Ng hangin na may kamay.
Malupit ang paggalaw.
Di mo na mahihintay,
Sa lupang siya’y mabuhay.
Sa tsokolateng kulay,
Siya’y pataba sa uhaw..

Hardinero

ni Alma Reynaldo


Gustong-gusto ng kamay kong
magpadulas kasama ang tangan
kong panulat sa hungkag na papel,
magtatanim ng butong dahan-dahang tutubo.
Giliw ang mata ko sa salitang
nalimbag,tila mga bulaklak
na bagong sibol.
Naaamoy ko ang bangong
humahalimuyak mula sa damdaming
kumawala’t tumubo mula sa kawalan.
Kay sarap dinggin ang uhaw
na papel.
Kaya’t didiligan ko ng tinta
ang bawat sulok nito,
pupunuin ng buhay
upang tumingkad.


Kay tamis ialay sa Dakilang Lumikha.
Kay tamis ialay sa taong sinisinta
upang may madama siya.
Kay tamis ialay sa taong walang pag-asa
upang kahit ngiti man lang ay bumukadkad.
Ngunit wala nang tatamis pa,
kung ang bulaklak nito
ay para sa lupang aking tinubuan,
magbalik man sa lupa’y
muling sisibol.

Cotton Candy Love

Tila mga ulap na bumaba ng dahan-dahan
Parang sa langit ay nagsawang manahan
Ninakaw ang lahat ng asukal sa tubuan
Ang malambot na katawan ay maiging kinulayan.

Ang hilaw na pagsinta, parang cotton candy ang katulad
Makulay ang anyo’t itsura’y matingkad
Magaan sa damdami’t para kang nililipad
Masarap sa paningin ngunit ang loob ay hungkag.

Nawawala ang takam ‘pag sa bibigh ay tinunaw
Kapalit nito ang masidhing pagkauhaw
Labis ang tamis na para kang nilalanggam
Mahapdi ang kagat, at kirot ang naiiwan.

Kaya naman ang cotton candy ay para lang sa bata
Na laging nagtataglay ng matamis na dila
At sabik sa kakaiba at nakakaakit na itsura
Pati sa lambot, siya ay tuwang-tuwa!