Ang kwentong ito ay nagkamit ng unang gantimpala sa Saranggola Blog Awards 2017 sa kategoryang Kwentong Pambata.
Telepono
“Anong gusto mong pasalubong ‘beh?” tanong niya sa akin.
Nag-isip ako nang malalim. Noong isang araw, isang masarap
na palitaw ang pasalubong niya sa akin. Kahapon naman, isang malaki at malasang
siopao ang aking kinain. Ngayon naman, mukhang hindi ko gusto ang pagkain.
Laruan! Gusto ko ng laruan! Pero hindi ko alam kung anong laruan ang gusto kong
hilingin.
Aha! Nais ko ang isang laruang telepono! Kasi telepono rin
ang gamit ni Kuya sa kanyang trabaho. Sabi niya, tagasagot daw siya ng tawag ng
mga tao. Lalo na kung may problemang sa utak nila ay gumugulo.
“Kuya, ibilhan mo ako ng laruang telepono, iyong kagaya ng
sa iyo?” sabi ko sa kanya.
“Gusto ko pong maging kagaya ninyo!”
Tumawa si Kuya. “O sige, ‘beh! Kung makadadaan ako sa mall,
ibibili kita. Pero kung hindi, makakapaghintay ka ba?”
Tumango ako. Napapalakpak pa ako sa tuwa! The best talaga
ang aking kuya!
Niyakap din ako ni Kuya. At saka siya kumaway sa akin noong
nasa labas na siya.
“Tama na iyan, matulog ka na Gino,” utos sa akin ni nanay.
Napatingin ako sa langit, walang mga tala. Parang ang gabi ay napakahaba. Ilang
oras pa ang aking hihintayin upang makita ko ulit si Kuya.
Gabi-gabi, nag-aabang ako sa pagdating ni Kuya. Pero
napapaisip ako. Kung ang trabaho niya ay sumagot sa telepono, may gising pa
kaya sa mga oras na ito? At may problema rin kaya ang mga tao kapag gabi kung
kailan tulog na ang marami? Pero sabi naman ni nanay, huwag ko na daw
intindihin ang problema ko, dahil baka itawag ko na rin kay Kuya ito.
Kol sen-ter ey-gent?” pagtatakang tanong ko kay nanay noong
tinanong ko kung ano ang tawag sa ganoong trabaho. “Gusto ko rin iyon!”
“Pagtuntong mo sa elementarya, mag-aaral kang mabuti kagaya
ng iyong Kuya. Sa ngayon, matulog ka muna,” sabi ni tatay.
Napatingin pa ako sa dingding kung saan nakasabit ang mga
medalya.
“Isa..dalawa..tatlo…” isa-isa kong binilang. “Nay, ang hirap
magbilang, napapagod po ako! Kay daming medalya ng kuya ko! Makakakuha din kaya
ako ng ganyan karaming medaly, eh hindi ako marunong magbilang.”
Tumawa ni nanay. “Matulog ka muna para bukas marunong ka
nang magbilang.”
Sinunod ko ang utos ni nina nanay at tatay. Dahil alam kong
paggising ko, may pasalubong ulit ako.
Kinabukasan, pinabili ako ni nanay ng suka para sa kanyang
sinigang. Nilingon ko si Kuya sa higaan. May kasama siyang kaibigan.
“Nanay, sino iyong lalaking katabi ni Kuya?”
Hindi sumagot si nanay. Napatingin ako kay tatay. Tahimik
lang siyang uminom ng kape at tinapay.
Nagpunta ako sa tinadahan ni Aling Ana.
“Ale, pabili po ng suka,” sabi ko habang isa-isa kong
inilalagay sa palad ni Aling Ana ang tig-pipisong binigay sa akin ni nanay.
“Umuwi ba ang jowa ng kuya mo sa bahay ninyo?” tanong sa
akin ni Aling Ana.
“Jowa? Ano po iyon?” pagtataka kong sabi.
Di niya ako sinagot at umiling-iling pa siya. Kung isang
col-sen-ter ey-gent si Aling Ana, baka hindi siya papasa. Kaya siguro nagtinda
na lamang siya!
Pagdating ko sa bahay, nadatnan kong umiiyak si nanay.
Pinapatahan naman siya ni tatay. Tanong ako nang tanong ngunit hindi nila ako
sinasagot. Kung mga kol-sen-ter ey-gent ang nanay at tatay, tiyak na hindi rin
sila matatanggap sa pinapasukan ni Kuya!
Kaya naman agad akong nagtungo kay Kuya. Namamaga rin ang
kanyang mata.
“Anong nangyari kuya? Bakit po parang malungkot kayo?”
gustong-gusto ko nang malaman ang sagot.
“Kung sasagutin ko ba ang tanong mo, walang magbabago sa tingin
mo sa akin?” nararamdaman ko ang pag-aalala sa kanyang boses.
Tumango ako. Oo naman! Siya yata ang aking kuya, ang aking
idolo! Siya ang nagbibigay ng maraming medalya sa aming bahay. Siya ang
nagbibigay ng pangangailangan namin nina nanay at tatay. Siya ang nagbibigay ng
kasiyahan sa akin tuwing ako’y nalulumbay. At higit sa lahat, siya ang nag-iisang
kuya ko, ang napakabait kong kuya!
“Ang kuya mo ay hindi kagaya ng ibang kuya,” mahinahon
niyang sabi.
“Aba! Hindi ka po talaga kagaya ng iba dahil sa buong mundo,
ikaw ang mabait kong kuya!” pagmamalaki ko pa.
Biglang tumulo ang kanyang luha. Hinaplos naman ng lalaking
kanyang kasama ang kamay ni Kuya.
Sa mga sandaling iyon, litong-lito ako. Ano nga ba ang
kakaiba sa kuya ko?
Noong araw ding iyon, inayos ni Kuya ang kanyang mga gamit. Inilagay
niya sa bagahe ang kanyang mga damit. Humihikbi rin si nanay at nararamdaman ko
ang kanyang sakit. Si tatay naman ay parang galit.
“Kuya, saan ka pupunta?” tanong ko sa kanya noong sila ng
kanyang kaibigan ay paalis na.
“Sa ibang lugar,” sagot niya. Hindi ko alam kung bakit
pupunta pa siya sa ibang lugar samantalang nandito naman ang bahay niya.
Nandito kaming pamilya niya. Ngunit sabi niya sa akin, huwag daw akong tutulad
sa kanya.
Kagaya ng lagi naming ginagawa tuwing aalis siya, niyakap ko
siya nang mahigpit. Gusto ko ring magtanong sa kanya ng maraming “Bakit”. Bakit hindi ko siya dapat tularan kung siya
naman ay napakabait? Sa kanya ay walang makahihigit!
Ilang buwan ang nagdaan pero parang isang taon na sa akin. Miss
na miss ko na ang aking kuya. Wala akong nasisilayang kuya sa aking paggising.
Lagi kong sinasabi kina nanay at tatay kung gaano ako
kalungkot na sa kanya ay mawalay. Parang wala nang buhay ang aming bahay. Mahal
na mahal ko ang aking kuya. At kahit na sabihin nilang kakaiba siya,
ipinagmamalaki ko kina nanay at tatay na siya parin ang aking napakabait na
kuya.
Alam kong malungkot din sina nanay at tatay sa pag-alis ni
kuya. Lagi silang nakatingin sa telepono sa mesa. Siguro gusto rin nilang
maresolba ang aming problema. At pag tumawag sila sa telepono, sigurado akong
makakabalik na si kuya!
At hindi nga ako nagkamali. Pinindot nina nanay at tatay ang
aming telepono. Nakita kong agad-agad silang nag-“hello”.
“Patawarin mo kami sa aming pagkakamali. Tao lang din kami
at nagpadalus-dalos kami sa aming naging reaksyon. Sana’y bumalik ka na, anak,”
sabi ni nanay.
“Anak ka namin. Galing ka sa amin. At kung saan ka masaya,
susuportahan at igagalang ka namin,” sabi naman ni tatay.
Matapos ang pagtawag nilang iyon sa telepono, nagyakapan
kaming tatlo. Kahit na ako nanaman ay litong-lito, patuloy parin ang yakap doon,
yakap dito.
Kinabukasan niyong araw na iyon, napadaan ako sa kwarto ni
kuya. Laking gulat kong naroon siyang nakahiga!
Kaya naman dali-dali ko siyang niyakap at hinagkan. Ang
aking kuya, nagbalik na sa aming tahanan!
Simula noon, hindi na ako nagpapabili kay kuya ng
pasalubong. Ang gusto ko na lamang ay makauwi siya sa aming bahay araw-araw. Ang
gusto ko ay sama-sama kami sa iisang bubong.
Noong araw ding iyon, dalawa na ang aking kuya – Si Kuya
Moises na aking kuya, at si Kuya Matteo na ituring ko na rin daw isang kuya.
Siguro’y hindi tanggap noon nina nanay at tatay na
magkakaroon ako ng isa pang kuya. Ngunit kahit ano ang magiging desisyon at
gusto ng kuya ko, alam kong hindi iyon makakasakit sa amin.
Nang magkaisip ako, nalaman ko ang dahilan kung bakit
kakaiba ang aking kuya. Ang tawag pala doon ay “Bakla”. Ngunit kahit na bakla
ang kuya ko, wala nang mas hihigit pa sa pagmamahal na ibinibigay niya sa amin,
na kanyang pamilya. Lagi man akong tinutukso sa eskwelahan na bakla ang kuya
ko, lagi ko namang sinasabi na si Kuya ay hindi masamang tao. Kaysa naman sa
kanilang mga kuyang lasenggo at laging nasa presinto.
“Hello Kuya? May ibabalita ako sa iyo!” masayang sabi ko sa
kanya sa telepono. Naroon na kasi siya
sa Amerika dahil promoted daw siya sa kanyang trabaho. Malayo man daw siya ngunit mahal niya pa rin kami.
“Ako po ang top one sa aming klase. Gagraduate po ako sa
elementary na may honors kagaya mo!” sabi ko.
Natuwa siya sa aking balita. Hindi lamang pala mga problema
ang laging sinasabi sa telepono, pati rin pala magagandang balita. Pero ano ang
pinakamagandang balitang narinig ko? Iyon ang ang pagiging masaya ni kuya kahit
sinasabi ng ilan na siya ay bakla. Idolo ko pa rin siya dahil sa walang sawang
pagmamahal niya sa amin.
Ang Blog Entry na ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 2017
http://www.sba.ph/
Mga sponsors.