Beinte singko
Sadyang napakahirap malunod sa sabaw na burak,
Walang tahanan ang sa pawis ay nangarap
Gulong dito, gulong diyan
Lagalag ang diwa, kahit saan mapadpad.
Yapos ang katawan ko sa grasa at dumi,
Dikit ang balat ko sa tigang na kalye.
Sa bangis ng lungsd, sa sigaw nakikisali.
Ang palad ko ay nakatunghay sa langit,
Nagngingitngit, umaawit
Umaasabg mapansin ng mga taong
Uhaw, gutom, gipit.
Katulad lang naman ako ng iba, may silbi,
May halaga.
May gamit din naman ako, pamasahe, pambili,
Pambayad, panuhol.
Dati nama’y mataas ako,
Panlaman ng tiyan sa isang araw.
Pamasahe sa labing-isang kilometrong paglalakbay.
Dumadanak ang dugo para lang ako ay makamtan.
Ngunit binanlawan ng panahon ang kulay ng aking kapalaran.
Ngayon. Panukli na lang ako sa dyip.
O di kaya sa mall ng kuripot na intsik.
Ang makakuha sa aki’y sumisimangot pa,
May halaga din naman ako kahit papaano.
Kung wala ako. Walang piso.
Kung wala ako, walang bilyon.
Dahil bas a itsura ko? Dahil ba kupas na ang ningning ko?
Matinis pa naman ang kalansing ko,
Maliit ngunit matunog,
Perpektong bilog.,
Ipunin mo ako at makakakain na kayo.
Pwedeng pamato sa piko,
Pwedeng pambili ng kendi.,
Ngunit pati pulubi, ayaw sa akin.
(kung nakakapagsalita lang ako,
Sana ay naiintindihan nyo pa ako.
Ngunit hindi ako biniyayaan ng mukha
Wala akong bibig para makapagsalita.)
Panahon na ng aking pagbagsak.